Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko na ang Aking Tupang Nawala’


“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin; Sapagka’t Nasumpungan Ko ang Aking Tupang Nawala’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

yakap ng lalaki ang kanyang anak

The Prodigal Son, ni Liz Lemon Swindle

Mayo 6–12

Lucas 12–17; Juan 11

“Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko ang Aking Tupang Nawala”

Habang binabasa mo ang Lucas 12–17 at Juan 11, mapanalanging hangarin ang nais ipaalam at ipagawa sa iyo ng Ama sa Langit. Ang pag-aaral mo ng mga kabanatang ito ay magbubukas sa iyong puso sa mga mensaheng para lamang sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa halos lahat ng sitwasyon, 99 sa 100 ang ituturing na napakahusay—ngunit hindi kapag ang mga numero ay kumakatawan sa pinakamamahal na mga anak ng Diyos (tingnan sa DT 18:10). Kung gayon, kahit ang isang kaluluwa ay karapat-dapat na masusi at walang takot na hanapin “hanggang sa ito’y [ating] masumpungan” (Lucas 15:4), tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa talinghaga ng nawawalang tupa. Sa gayon ay makapagsisimula na ang kasayahan, sapagkat “gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu’t siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi” (Lucas 15:7). Kung tila hindi patas iyan, makakatulong na alalahanin na, ang totoo, walang “di nangagkakailangang magsipagsisi.” Kailangan nating lahat na masagip. At lahat tayo ay maaaring makibahagi sa pagsagip, na magkakasamang nagsasaya sa bawat kaluluwang naligtas (tingnan DT 18:15–16).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Lucas 12; 14–16

Dapat kong ituon ang puso ko sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan kaysa mga bagay ng mundong ito.

Bakit sasabihin ng Diyos na “Ikaw na haling” sa isang masipag at matagumpay na lalaki na nagtayo ng malalaking bangan at pinuno ang mga ito ng mga bunga ng kanyang mga gawa? (tingnan sa Lucas 12:16–21). Sa mga kabanatang ito sa Lucas, itinuturo ng Tagapagligtas ang ilang talinghaga na makakatulong na maiangat natin ang ating pananaw nang lampas pa sa mundo tungo sa kawalang-hanggan. Ang ilan sa mga talinghagang ito ay nakalista rito. Paano mo ibubuod ang mensahe ng bawat isa? Ano sa palagay mo ang sinasabi sa iyo ng Panginoon?

Tingnan din sa Mateo 6:19–34; 2 Nephi 9:30; Doktrina at mga Tipan 25:10.

Lucas 15

Nagagalak ang Ama sa Langit kapag natatagpuan ang mga nawawala.

Naisip mo na ba kung ano ang damdamin ng Ama sa Langit tungkol sa mga taong nagkasala o kaya’y “nawawala”? Binatikos ng mga Fariseo at eskriba si Jesus maging sa pakikisalamuha sa mga tao. Bilang tugon, ikinuwento ni Jesus ang tatlong talinghaga na nasa Lucas 15—ang mga talinghaga ng nawawalang tupa, nawawalang piraso ng pilak, at alibughang anak.

Habang binabasa mo ang mga talinghagang ito, isiping ilista ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga ito sa isa’t isa. Halimbawa, maaari mong hanapin kung ano ang nawawala at bakit, paano ito natagpuan, at ano ang reaksyon ng mga tao nang matagpuan ito. Ano ang mga mensahe ni Jesus para sa mga taong “nawawala”—kabilang na ang mga taong ang palagay ay hindi sila nawawala? Ano ang Kanyang mga mensahe sa mga taong naghahanap sa mga nawawala?

Siyempre, palaging mas mabuti ang hindi mawala. Tungkol sa Lucas 15:7, isinulat ni Elder James E. Talmage, “Walang maikakatwiran sa hinuha na ang isang makasalanang nagsisisi ay dapat bigyan ng higit na kahalagahan kaysa sa mabuting taong napaglabanan ang kasalanan” (Jesus the Christ [1916], 461). Gayunman, lahat tayo ay nagkakasala at kailangang sagipin, at ang nakapapanatag na mensahe ng mga talinghaga ng Tagapagligtas ay na maaari tayong magsisi at bumalik sa kabutihan, dahil nais ng Diyos na wala ni isang kaluluwang masawi.

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16; Jeffrey R. Holland, “Ang Isa pang Alibugha,” Liahona, Mayo 2002, 62–64.

babaeng naghahanap ng barya

The Lost Piece of Silver, ni James Tissot

Lucas 16:1–12

Ano ang itinuturo ni Cristo sa talinghaga ng di-makatarungang katiwala?

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage ang isang aral na matututuhan natin mula sa talinghaga: “Maging masigasig; sapagkat ang araw kung kailan magagamit ninyo ang inyong kayamanan sa mundo ay lilipas kaagad. Matuto maging sa di-tapat at masama; kung napakasinop nila para mapaghandaan ang tanging kinabukasang naiisip nila, paano pa kaya nararapat kayo, na naniniwala sa isang walang-hanggang kinabukasan, na maghanda para doon! Kung hindi pa kayo natututo ng karunungan at pagtitimpi sa paggamit ng ‘masamang kayamanan,’ paano ipagkakatiwala sa inyo ang mas nagtatagal na kayamanan?” (Jesus the Christ, 464).

Lucas 17:11–19

Ang pasasalamat para sa aking mga pagpapala ay mas maglalapit sa akin sa Diyos.

Kung naging isa ka sa sampung ketongin, sa palagay mo ba ay babalik ka para pasalamatan ang Tagapagligtas? Anong iba pang mga pagpapala ang natanggap ng nagpasalamat na ketongin dahil sa nagpasalamat siya? Paano ka naaapektuhan ng pasasalamat sa espirituwal? Makakatulong sa iyo na simulang isulat sa isang journal ang mga bagay na pinasasalamatan mo, gaya ng inilarawan ni Pangulong Henry B. Eyring sa kanyang mensahe sa “O Tandaan, Tandaan” (Ensign o Liahona, Nob. 2007, 66–69).

Juan 11:1–46

Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.

Ang himala ng pagbabangon kay Lazaro mula sa mga patay ay isang makapangyarihan at di-mapapabulaanang patotoo na si Jesus ang tunay na anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas. Anong mga salita, parirala, o detalye sa Juan 11:1–46 ang nagpapalakas sa iyong pananampalataya na si Cristo “ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay”? Paano naiimpluwensyahan ng kaalamang ito ang buhay mo at mga pagpili?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Lucas 15:1–10

Nauunawaan ba ng mga miyembro ng inyong pamilya kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng isang bagay—o mawala sila? Ang pag-uusap tungkol sa kanilang mga karanasan ay maaaring magpasimula ng talakayan tungkol sa mga talinghaga ng nawawalang tupa at ng nawawalang piraso ng pilak. O maaari kayong maglaro kung saan magtatago ang isa at hahanapin siya ng iba pang mga miyembro ng pamilya. Paano nakakatulong ang aktibidad na ito para maunawaan natin ang mga talinghagang ito?

Lucas 15:11–32

Paano tayo maaaring makatulad ng ama sa kuwentong ito kapag naliligaw ng landas o nawawala ang ating mga mahal sa buhay? Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ng panganay na anak na makakatulong sa atin na maging higit na katulad ni Cristo? Sa anong mga paraan katulad ng ating Ama sa Langit ang ama sa talinghagang ito?

Lucas 17:11–19

Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na ipamuhay ang salaysay tungkol sa sampung ketongin, maaari mo silang anyayahang sumulat ng lihim na maiikling sulat ng pasasalamat at ilagay ang mga ito sa buong kabahayan. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Mga Pagpapala ay Bilangin,” Mga Himno, blg. 147, at talakayin ang mga pagpapalang natanggap ng inyong pamilya.

Juan 11:1–46

Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga kuwento at halimbawa upang magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang Tagapagligtas ay madalas gumamit ng mga kuwento at talinghaga para magturo tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Mag-isip ng mga halimbawa at kuwento mula sa sarili mong buhay na maaaring magbigay-buhay sa isang alituntunin ng ebanghelyo para sa inyong pamilya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

lalaking nakaluhod at nagpapasalamat sa harapan ni Jesus

Where Are the Nine, ni Liz Lemon Swindle