Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko na ang Aking Tupang Nawala’


“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko na ang Aking Tupang Nawala’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mayo 6–12. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

yakap ng lalaki ang kanyang anak

The Prodigal Son, ni Liz Lemon Swindle

Mayo 6–12

Lucas 12–17; Juan 11

“Makipagkatuwa Kayo sa Akin, Sapagka’t Nasumpungan Ko na ang Aking Tupang Nawala”

Basahin nang may panalangin ang Lucas 12–17 at Juan 11, na hinahanap kung paano ka makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ipaalala sa mga bata ang ilan sa mga talinghaga at mga kuwento na nasa Lucas 12–17 at Juan 11, at sabihin sa kanila na pumili ng isa at idrowing ito.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Lucas 15

Nais ng ating Ama sa Langit na makabalik sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak.

Maaaring may ilang bata sa iyong klase na hindi regular na dumadalo sa Primary. Paano mo mahihikayat ang mga batang tinuturuan mo na tulungan sila nang may pagmamahal?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang isang bata ng barya, ang isa pang bata ng larawan ng isang tupa, at ang isa pang bata ng larawan ng alibughang anak (LDS.org). Isalaysay ang tatlong talinghagang matatagpuan sa Lucas 15 at sabihin sa mga bata na itaas ang kanilang mga barya o larawan kapag binanggit mo ito. Maaari mong anyayahan ang mga bata na muling isalaysay ang mga talinghaga sa isa’t isa sa sarili nilang mga salita.

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang pagkakataon na nawalan sila ng isang bagay. Ipaliwanag na ang mga tao ay maaaring maging espirituwal na naliligaw kapag hindi nila nararamdaman ang pagmamahal ng Diyos o kapag tumalikod sila sa Kanya. Magpatotoo na itinuturo ng mga talinghagang ito na nais ng Diyos na tulungan natin ang mga taong naliligaw na makabalik sa Kanya.

  • Sabihin sa mga bata na isipin ang iba pang mga batang hindi dumadalo sa Primary. Tulungan silang sumulat para anyayahan ang mga batang ito na dumalo sa Primary o sa isang aktibidad ng Primary. Paano pa natin matutulungan ang mga batang ito na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila?

Lucas 17:11–19

Maipapakita ko ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapasalamat para sa aking mga pagpapala.

Paano mahihikayat ng kuwento tungkol sa sampung ketongin ang mga bata na maging mapagpasalamat?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isalaysay ang kuwento tungkol sa sampung ketongin na pinagaling ni Jesus. Ipakita ang larawan na nasa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sabihin sa mga bata na bumilang hanggang sampu sa kanilang mga daliri. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na itiklop ang siyam na mga daliri nila para ipakita ang isang ketongin na nagpasalamat kay Jesus. Kailan nagpasalamat ang mga bata sa isang kaibigan o mahal sa buhay?

  • Sabihin sa bawat bata na iarte ang isang bagay na ipinagpapasalamat niya at sabihin sa iba pang mga bata na hulaan kung ano ito. Sabihin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan na maipapakita natin sa Ama sa Langit na tayo ay nagpapasalamat para sa ating mga pagpapala.

Juan 11:1–46

Naniniwala tayo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Si Marta, na kapatid ni Lazaro, ay nagsabi kay Jesus: “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Diyos” (Juan 11:27). Ang kuwento nina Maria, Marta, at Lazaro ay magpapalakas ng patotoo ng mga bata kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento tungkol sa pagpapabangon ni Jesus kay Lazaro mula sa mga patay (tingnan din sa “Kabanata 43: Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 107–9) at magpakita ng isang patay na sanga at isang buhay na halaman. Magpatotoo na dahil sa kapangyarihan ni Jesucristo, ang mga tao na namatay ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman.

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang mga katagang sinabi ni Jesus kay Marta: “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan” (Juan 11:25). Ipaliwanag na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, makikita nating muli ang mga mahal natin sa buhay na namatay.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Lucas 15

Matutulungan ko si Jesus na mahanap ang Kanyang nawawalang mga tupa.

Maaaring hindi nalalaman ng mga bata na may iba pang mga bata sa klase na hindi nakakadalo sa Primary. Paano mo sila mahihikayat na tulungan ang mga batang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Atasan ang bawat bata na basahin nang tahimik ang alinman sa talinghaga ng nawawalang tupa o talinghaga ng nawawalang piraso ng pilak, na matatagpuan sa Lucas 15:1–10 at ibahagi ang natutuhan nila.

  • Isulat sa pisara ang mga pangalang ito: ama, panganay na anak at nakababatang anak. Ipakita ang video na “The Prodigal Son” (LDS.org) at i-pause ito paminsan-minsan para maisulat ng mga bata sa pisara ang mga nadarama ng mga taong nakasulat sa pisara.

  • Hilingin sa isang bata na umalis sa silid habang itinatago ng ibang mga bata ang barya o papel na tupa. Sabihin sa mga bata na bumalik at hanapin ang barya o ang tupa. Ipaalala sa mga bata na ang mga tao ay maaaring maligaw sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Anyayahan sila na magmungkahi ng mga paraan na makakatulong sila sa mga taong tulad nito. Kasama ng mga bata, awitin ang “Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134, at magpatotoo tungkol sa kagalakang nadarama kapag ang mga tao ay bumabalik sa Diyos.

  • Ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang nawawalang tupa, ang nawawalang barya, at alibughang anak upang ilarawan ang mga taong “naliligaw” dahil wala sa kanila ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Sabihin sa mga bata na isipin ang iba pang mga batang hindi dumadalo sa Primary. Paano pa natin matutulungan ang mga batang ito na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila?

pasan ni Jesus sa balikat ang tupa

Lost Sheep, ni Liz Lemon Swindle

Lucas 17:11–19

Maipapakita ko ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapasalamat para sa aking mga pagpapala.

Ang kuwento tungkol sa sampung ketongin ay maaaring maging isang mabuting paraan upang hikayatin ang mga bata na magpasalamat sa Ama sa Langit para sa kanilang mga biyaya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang kuwento tungkol sa sampung ketongin. Paano pinagpala ang ketongin na nagpasalamat dahil sa kanyang pagiging mapagpasalamat? Bakit mahalagang pasalamatan ang Diyos para sa ating mga pagpapala?

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga bagay na pinasasalamatan nila na nagsisimula sa bawat titik ng kanilang mga pangalan.

  • Sabihin sa mga bata na magsulat ng maiikling sulat ng pasasalamat sa Ama sa Langit para sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa kanila. Maaari nilang isabit ang maiikling sulat sa kanilang mga higaan para mapaalalahanan silang magpasalamat kapag nagdarasal sila.

Juan 11:1–46

Naniniwala tayo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Paano mo magagamit ang kuwento nina Maria, Marta, at Lazaro para tulungan ang mga batang malaman, tulad ni Marta, na si Jesus “ang Cristo, ang anak ng Dios”? (Juan 11:27).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang ilang pangungusap na sinabi ng mga tao sa Juan 11. Sabihin sa mga bata na hulaan kung sino ang nagsabi ng bawat pahayag, at sabihin sa kanila na saliksikin ang Juan 11 upang tingnan kung tama ang kanilang mga hula. Ano ang madarama nila kung sila si Jesus, Marta, Maria, o Lazaro? Paano makakatulong sa atin ang paniniwala kay Jesus kapag tayo ay nalulungkot o natatakot?

  • Basahin ang patotoo ni Marta na matatagpuan sa Juan 11:20–27. Sabihin sa mga bata na hanapin ang mga salita at kataga na nagpapakita na si Marta ay may pananampalataya. Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya kapag nahihirapan tayo?

  • Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Juan 11:25. Ipaliwanag na ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli, ngunit tanging ang mabubuti ang makatatanggap ng buhay na walang-hanggan at muling makakapiling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Bigyan ang mga bata ng ilang papel o isang maliit na notebook na maaari nilang gamitin upang isulat o idrowing ang mga bagay na ipinagpapasalamat nila sa buong linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang pag-uulit ang susi sa pagkatuto. Ang mga bata ay nakikinabang sa pakikinig sa mga alituntunin ng ebanghelyo o paggawa ng isang aktibidad nang maraming beses. Subukang ulitin ang mga aktibidad sa iba’t ibang paraan.