Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastor’


“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastor’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

si Cristo at ang babaing nahuling nangangalunya

He That Is without Sin, ni Liz Lemon Swindle

Abril 29–Mayo 5

Juan 7–10

“Ako ang Mabuting Pastor”

Habang binabasa mo ang Juan 7–10, isipin mo ang mga batang tinuturuan mo. Marami sa mga ideya para sa mas malalaking bata sa outline na ito ay maiaangkop sa mga batang musmos, o vice versa.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Sabihin sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na ginawa nila noong nakaraang linggo para maging tulad ng mabuting Samaritano.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Juan 7:14–17

Ang pagsunod sa mga kautusan ay tutulong sa akin na malaman na ang mga ito ay totoo.

Itinuro ni Jesus na maaari tayong magkaroon ng patotoo sa mga katotohanang ibinahagi Niya kapag ipinamumuhay natin ang mga ito. Paano mo magagamit ang salaysay na ito upang maturuan ang mga bata na ang kapayapaang nadarama natin kapag sinusunod natin ang mga kautusan ay tumutulong sa atin na malaman na ito ay totoo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang Juan 7:17 gamit ang mga salitang nauunawaan ng mga bata. Tulungan silang malaman na ang pagsunod sa mga kautusan ay tumutulong sa atin na mapalapit kay Jesucristo, marahil sa pamamagitan ng sama-samang pagkanta ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” o “Piliin ang Tamang Landas,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69, 82–83. Sabihin sa mga bata na pakinggan kung paano tayo pagpapalain kapag sinusunod natin ang mga kautusan.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung saan natutunan mo na ang isang kautusan ay mula sa Diyos dahil ipinamuhay mo ito, tulad ng pagbabayad ng ikapu o pagpapatawad sa isang taong hindi mabait. Sabihin sa mga bata na umisip ng isang karanasan nila nang sinunod nila ang isang kautusan. Itanong, “Ano ang naramdaman mo pagkatapos mong sumunod?”

  • Piliin ang ilan sa mga kautusan at gumuhit ng dalawang set ng mga simpleng larawan na kumakatawan sa bawat utos. Itaob ang lahat ng mga larawan sa sahig at sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagbaligtad ng mga magkakapareha na mga kautusan. Patotohanan ang kahalagahan ng mga kautusan at kung paano napalakas ng pagsunod sa mga ito ang iyong patotoo.

Juan 8:29

Sinunod ni Jesus ang Kanyang Ama.

Palaging ginagawa ni Jesucristo ang mga bagay na ikinalulugod ng Kanyang Ama sa Langit. Paano mo matutulungan ang mga bata na makahanap ng mga paraan para matularan ang Kanyang halimbawa?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na ulitin ang sinabi ni Jesus tungkol sa Ama sa Langit sa Juan 8:29: “Ginagawa kong lagi ang sa kaniya’y nakalulugod.” Sabihin sa kanila na magbahagi ng mga bagay na ginawa ni Jesus na nagpasaya sa Ama sa Langit. Ipakita sa kanila ang ilang larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo para bigyan sila ng mga ideya.

  • Tanungin ang mga bata kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Pagkatapos ay itanong sa kanila kung ano ang magagawa nila sa linggong ito para pasayahin ang isang kapamilya o kaibigan. Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan nila na ginagawa ang mga aktibidad na iyon. Iuuwi nila ang mga larawan para mapaalalahanan sila.

  • Anyayahan ang isang magulang ng isa sa mga bata na magbahagi ng isang karanasan kung saan gumawa ang kanyang anak ng isang bagay na nagpaligaya sa kanya. Sabihin sa bata na ibahagi kung ano ang naramdaman niya.

Juan 10:1–18

Kilala at mahal ako ni Jesus.

Ang talinghaga ng mabuting pastol ay makakatulong sa mga bata na maunawaan na minamahal sila at nakikilala sila ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa isang bagay sa talinghaga ng mabuting pastol, tulad ng tupa, isang tulisan, o isang lobo. Basahin ang Juan 10:1–18 sa mga bata, at sabihin sa kanila na itaas ang kanilang mga larawan kapag narinig nilang binabasa mo ang tungkol sa iginuhit nila. Ipaliwanag na tulad ng paggabay at pagmamahal ng “mabuting pastol” sa kanyang kawan, mahal tayo ni Jesus at ginagabayan Niya tayo pabalik sa Kanya. Gayakan ang isa sa mga bata na parang isang pastol, at sabihin sa mga bata na ibahagi kung paanong si Jesus ay tulad ng isang pastol sa atin.

  • Ipakita ang larawan ni Jesus at ng mga tupa sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Paano natin malalaman na mahal ni Jesus ang mga tupa? Paano natin masasabi na mahal ng mga tupa si Jesus?

  • Tulungan ang mga bata na gawin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Juan 7:14–17

Ang pagsunod sa mga kautusan ay tutulong sa akin na malaman na ang mga ito ay totoo.

Ikaw at ang mga batang iyong tinuturuan ay maaaring nagkaroon na ng mga karanasan kung saan ipinamumuhay ninyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo at nalaman na ang mga ito ay totoo. Paano mo magagamit ang mga karanasang ito sa iyong pagtuturo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang bawat talata ng Juan 7:14–17 sa iba’t ibang piraso ng papel at idispley ang mga ito nang hindi magkakasunud-sunod. Sabihin sa mga bata na pagsunud-sunurin ang mga ito at tingnan sa Juan 7:14–17 kung sila ay tama. Sabihin sa mga bata na magpartner-partner at ibahagi sa kanilang partner ang mga nauunawaan nila sa bawat talata. Paano nakatulong sa kanila ang pagsunod sa mga utos para malaman na totoo ang mga kautusan?

  • Magbigay ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan na nagpapakita kung paano pinagpala ang mga tao dahil ipinamuhay nila ang mga katotohanan ng ebanghelyo, tulad ni Daniel (tingnan Daniel 6) o si Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3–4).

  • Ilang araw bago magsimula ang klase, anyayahan ang isa sa mga bata na isulat ang isang pagkakataon nang siya ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa isang kautusan sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito. Sa oras ng klase, sabihin sa bata na ibahagi ang isinulat niya.

Juan 8:31–36

Ang katotohana’y magpapalaya sa atin.

Habang tumatanda ang mga bata, may makakasalamuha silang mga tao na naniniwala na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay pumipigil sa tao. Paano mo magagamit ang Juan 8:31–36 upang malabanan ang ganitong mga sinasabi?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na basahin ang Juan 8:31–36 at ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng maging isang alipin ng kasalanan. Paano tayo natutulungan ng mga turo ni Jesus na maging malaya?

  • Sabihin sa isang bata na ibuhol ang isang lubid, bandana, o kurbata sa iyong braso nang hindi gaanong mahigpit upang ipakita kung paano tayo natatali sa kasalanan kapag paulit-ulit natin itong ginagawa nang hindi nagsisisi.

  • Magpakita ng isang kandado para kumatawan sa kasalanan at isang susi para kumatawan sa paraan kung paano tayo pinalalaya ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Halimbawa, ang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay makapagbibigay sa atin ng kalayaan na magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. O ang malaman ang tungkol sa Salita ng Karunungan ay makapagbibigay sa atin ng kalayaan na umiwas sa adiksyon.

nagtuturo si Cristo sa templo

Itinuro ni Jesus, “Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32).

Juan 10:1–18

Si Jesus ay tulad ng isang pastol para sa atin.

Habang pinag-aaralan ninyo ang talinghaga ng mabuting pastol, alamin ang mga katotohanang nagtuturo tungkol sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas. Paano mapagpapala ang mga bata ng kaalaman ng mga katotohanang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang mabuting pastol at nagpapaupa sa pisara. Ipaliwanag na ang nagpapaupa ay isang tao na binabayaran upang gawin ang isang trabaho nang dahil sa pera. Sabihin sa mga bata na ilista ang mga pagkakaiba na makikita nila sa Juan 10:1–18 sa pagitan ng mabuting pastol at ng nagpapaupa. Bakit gugustuhin mong tularan ang mabuting pastol at hindi ang nagpapaupa?

  • Magdrowing o magpakita ng isang larawan ng isang pintuan. Sama-samang basahin ang Juan 10:7–9, at itanong sa mga bata kung paanong si Jesus ay tulad ng isang pintuan. Ayon sa talata 9, anong mga pagpapala ang dumarating sa mga “pumapasok” sa pintuan? Paano tayo makakapasok sa pintuan na inilaan ni Jesucristo para sa atin?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang kautusan na masusunod nila nang mas lubusan. Sabihin sa kanila na subukang sundin ang utos na ito sa susunod na linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga binigyang-inspirasyong tanong. Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya sa mga batang tinuturuan mo na gumawa nang higit pa sa pag-uulat lamang ng mga katotohanan. Sa halip, hikayatin silang ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Halimbawa, kung ang tinatalakay mo ay tungkol sa mga kautusan, maaari mong hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano sila napagpala ng pagsunod sa mga utos.

pahina ng aktibidad: kilala at mahal ako ni Jesus