“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: ‘Narito, ang Iyong Hari ay Pumaparito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Mayo 20–26
Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12
‘Narito, ang Iyong Hari ay Pumaparito’
Habang binabasa mo ang Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; at Juan 12, bigyang pansin ang mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Tingnan sa “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang Musmos” sa simula ng manwal na ito para sa mga bagay na dapat mong isaisip habang itinuturo mo ang mga alituntuning ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan mula sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa nangyayari sa larawan.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Kilala ako ng Ama sa Langit at ni Jesus sa pangalan.
Habang binabasa mo ang tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas kay Zaqueo, anong mga mensahe ang sa tingin mo ay magpapala sa mga bata na tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawang nasa simula ng outline na ito. Tulungan ang mga bata na kilalanin si Zaqueo at sabihin ang kanyang pangalan. Gumawa ng mga galaw na magagawa ng mga bata habang ikinukuwento mo ang tungkol kina Zaqueo at Jesus—halimbawa, pagtingkayad para makakita kahit na maraming tao o pagkukunwaring umaakyat sa isang puno. Ipaliwanag na nakita ng Tagapagligtas si Zaqueo at tinawag ito sa kanyang pangalan. Magpatotoo na kilala ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga bata at nalalaman ang kanilang mga pangalan.
-
Magdala sa klase ng isang picture frame, o gumawa ng isa mula sa papel. Sabihin sa mga bata na isa-isang hawakan ang frame na itinatapat ito sa kanilang mukha habang sinasabi ng klase na “Kilala ng Ama sa Langit at ni Jesus si [pangalan ng bata].”
-
Sabihin sa mga bata na isa-isang magkunwaring umaakyat ng puno na gaya ni Zaqueo. Ipasabi sa klase ang “Kilala ng Ama sa Langit at ni Jesus si [pangalan ng bata].”
-
Sama-samang kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3, at tulungan ang mga bata na pakinggan ang mga bagay na tutulong sa kanila na malaman na mahal sila ng Ama sa Langit.
Ang templo ay isang banal na lugar.
Ang iyong patotoo sa templo ay makakatulong sa mga batang tinuturuan mo na maunawaan na ang templo ay isang banal na lugar.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawang Nililinis ni Jesus ang Templo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 51), at isalaysay ang kuwento na nakatala sa Mateo 21:12–14. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga pera at mga hayop sa larawan. Pagkatapos ay talakayin kung bakit gusto ng Tagapagligtas na umalis sa templo ang mga mamamalit ng salapi at ang mga taong nagbebenta ng mga hayop.
-
Ipakita ang mga larawan ng mga templo (halimbawa, tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 117–21), at ipabahagi sa mga bata kung ano ang nararamdaman nila kapag nakikita nila ang templo. Sabihin sa mga bata na ang mga nararamdamang iyon ay ang Espiritu Santo na nagsasabi sa atin na ang templo ay isang espesyal na lugar. Sabihin sa mga bata na kumilos tulad ng gagawin nila kung nasa loob sila ng templo. Halimbawa, maaari silang magsalita nang pabulong at umupo nang may paggalang. Sama-samang kantahin ang “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99, at hikayatin ang mga bata na mithiin na makapasok sa templo balang araw.
Maaari akong maging masunurin.
Nais ng Ama sa Langit na maging masunurin tayo. Ang talinghaga ng dalawang anak na lalaki ay isang pagkakataon upang ituro ang kahalagahan ng pagsunod.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdrowing ng larawan ng dalawang anak na lalaki sa pisara, at gamitin ang mga drowing habang isinasalaysay mo ang talinghaga sa Mateo 21:28–32. Sinong anak ang gumawa nang tama sa huli? Sabihin sa mga bata na tukuyin ang mga bagay na magagawa nila para maging masunurin sa tahanan. Sabihin sa kanila na idrowing ang kanilang sarili na ginagawa ang isa sa mga bagay na iyon.
-
Ipabahagi sa mga bata ang mga karanasan nila kung saan ay naging masunurin sila sa kanilang mga magulang o sa ibang tagapag-alaga o lider. Paano sila pinagpala sa pagiging masunurin? Paano sila magiging mas masunurin sa hinaharap?
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Kapag hinahanap ko ang Tagapagligtas, Siya ay natatagpuan ko.
Maaari mong gamitin ang kuwento tungkol kay Zaqueo upang matulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaari nilang gawin para mapalapit sa Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Lucas 19:1–10, na humihinto pagkatapos ng ilang mga talata para talakayin ang natututuhan natin tungkol kay Zaqueo. Ano ang ginawa ni Zaqueo para makita niya ni Jesus? Paano siya tumugon nang sabihan siya ni Jesus na bumaba mula sa puno? Magpabahagi sa bawat bata ng isang dahilan kung bakit gusto nilang makita si Jesus. Kung pumunta ang Tagapagligtas sa inyong lungsod, ano ang gagawin mo para maghanda?
-
Sabihin sa mga bata na mag-isip ng mga taong alam nila na tulad ni Zaqueo na maaaring naghahanap sa Tagapagligtas. Itanong sa mga bata kung ano ang maaari nilang gawin para tulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas.
-
Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan ay nadama nilang nalalaman ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang tungkol sa kanila at na minahal Nila sila.
Ang templo ay isang banal na lugar na dapat kong igalang.
Paano makakatulong sa iyo ang salaysay tungkol sa paglilinis ng Tagapagligtas sa templo para maituro sa mga bata ang tungkol sa kabanalan ng mga templo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Mateo 21:12–14. Ipakita ang larawang Nililinis ni Jesus ang Templo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 51), at itanong sa kanila kung anong talata ang ipinapakita sa larawan. Sabihin sa kanila na magdrowing ng mga larawan ng maaaring hitsura ng templo bago at matapos itong linisin ni Jesus.
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang naramdaman nila nang sila ay pumasok sa loob ng isang templo, bumisita sa bakuran ng templo, o tumingin sa mga litrato ng mga templo. Ano ang nakatulong sa kanila na malaman na ang templo ay isang sagradong lugar?
-
Anyayahan ang isa o higit pang mga kabataan na magsalita sa klase kung paano sila naghanda na makapasok sa templo. Kung nakapunta na sila sa templo, hilingin na magsalita sila tungkol sa nadama nila noong naroon sila.
-
Gupitin ang larawan ng isang templo para maging mga piraso ng isang puzzle, at bigyan ang bawat bata ng isang piraso. Sabihin sa mga bata na isulat sa likod ng kanilang piraso ng puzzle ang isang bagay na magagawa nila para maghanda sa pagpasok sa templo. Habang nagbabahagi ang bawat bata ng isang ideya, idagdag ang kanyang piraso sa puzzle.
Kailangan kong maging mabuti sa aking mga kilos at mga hangarin.
Itinuro ni Jesus sa mga eskriba at mga Fariseo ang tungkol sa kahalagahan ng tunay na pamumuhay ng ebanghelyo—hindi lamang para magkunwaring mabait. Ano ang makakatulong sa mga bata na maunawaan ang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa mo ang Mateo 23:25–28 sa mga bata, isiping ibahagi ang kahulugan ng mapagpaimbabaw mula sa Bible Dictionary [Diksiyonaryo ng Biblia]: “Isang taong nagkukunwaring relihiyoso.” Bakit masamang maging isang mapagpaimbabaw?
-
Magpakita sa mga bata ng isang tasa na malinis sa labas ngunit marumi sa loob para makatulong na mailarawan ang metapora sa Mateo 23:25. Paano natin matitiyak na malinis at dalisay ang ating kalooban?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na pumili ng isang alituntunin o gawain sa klase na ibabahagi nila sa kanilang pamilya sa tahanan o bahay.