“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘Ang Anak ng Tao ay Paparito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Mayo 27–Hunyo 2
Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21
“Ang Anak ng Tao ay Paparito”
Pag-isipang mabuti kung ano ang kailangang matutunan ng mga batang tinuturuan mo mula sa Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; at Lucas 21. Huwag mag-atubiling iangkop ang mga ideya para sa mas malalaking bata sa outline na ito para sa mga batang musmos at vice versa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng isang larawan na may kaugnayan sa isa sa mga kuwentong babasahin sa linggong ito (tulad ng larawan tungkol sa sampung dalaga mula sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol sa kuwento.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Bago bumalik si Jesus, ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong daigdig.
Sinabi ni Jesus na bago Siya bumalik, ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong daigdig. Ang mga bata ay makakatulong sa pagtupad ng propesiyang ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng isang mapa, globo, o larawan ng daigdig (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 3) at tulungan ang mga bata na sabihing, “Ang Ebanghelyong ito … ay ipangangaral sa buong daigdig” (Joseph Smith—Mateo 1:31 ). Bakit nais ng Diyos na marinig ng lahat ng Kanyang mga anak ang Kanyang ebanghelyo?
-
Pagmartsahin ang mga bata sa kanilang lugar habang sabay-sabay ninyong kinakanta ang “Nais Ko nang Maging Misyonero” at “Tinawag upang sa Diyos Maglingkod,” Aklat ng mga Awit Pambata, 90, 95. Anyayahan ang mga full-time o kakauwi lang na mga missionary na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan para maibahagi nila ang ebanghelyo.
Magagamit ko ang mga kaloob na ibinigay sa akin ng Diyos.
Natutuklasan ng mga batang musmos ang kanilang mga kaloob at kakayahan. Tulungan silang maunawaan na ang mga kaloob at kakayahang ito ay nagmumula sa Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng ilang barya na magagamit habang ikinukuwento mo ang talinghaga ng mga talento na nasa Mateo 25:14–30. Maaari mong hilingin sa tatlong bata na maging kinatawan ng tatlong alipin. Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang talento ay tumutukoy sa pera, ngunit ngayon, ang talento ay maaaring tumutukoy ito sa ating mga kaloob at kakayahan.
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi tungkol sa mga paraan na tinutulungan sila ng kanilang mga magulang, kapatid, guro, o kaibigan. Anong mga kakayahan ang taglay ng mga taong ito na tumutulong sa kanilang maglingkod sa iba?
-
Magsulat ng mga munting liham sa mga bata na nagsasabi sa bawat isa sa kanila ng tungkol sa mga kaloob o kakayahang napansin mong taglay nila. Balutin ang bawat munting liham na tulad ng isang regalo at sabihin sa mga bata na buksan ang kanilang “mga kaloob.” Hikayatin sila na pagbutihin pa ang kanilang mga kaloob at gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa iba.
Gusto ni Jesus na paglingkuran ko ang iba.
Naglilingkod tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga taong nakapaligid sa atin. Kahit na ang mga batang musmos ay makapaglilingkod sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang mga talinghaga sa Mateo 25:34–46. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag naglilingkod tayo sa iba, pinaglilingkuran natin si Jesucristo.
-
Itaas ang larawan ng isang bata sa iyong klase na may larawan ni Jesus na nakatago sa likod nito. Ano ang magagawa natin para paglingkuran ang batang ito? Alisin ang larawan ng bata at ipaliwanag na kapag pinaglilingkuran natin ang isa’t isa, pinaglilingkuran natin si Jesus.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili na naglilingkod sa iba sa mga paraang inilarawan ng Tagapagligtas sa Mateo 25:35–36. Pahulaan sa ibang mga bata kung ano ang ginagawa nila.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan ipinakita ng isang tao ang mala-Cristong paglilingkod sa kanila o sa kanilang pamilya.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Bago bumalik si Jesus, ang ebanghelyo ay ipangangaral sa buong daigdig.
Maaaring tumulong ang mga batang tinuturuan mo na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagpapalang natanggap o tatanggapin nila dahil sila ay mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Sama-samang basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:31, at itanong sa mga bata kung paano pagpapalain ng ebanghelyo ang mga anak ng Diyos sa buong mundo.
-
Ipakita sa mga bata ang isang mapa ng mundo o ng inyong bansa, at tulungan silang tukuyin ang ilang lugar kung saan nangaral ng ebanghelyo sa isang mission ang isang kapamilya o kaibigan.
-
Hilingin sa ilang bata na dumating sa klase na handang ibahagi kung paano ipinakilala ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanilang pamilya o kanilang mga ninuno. Kung maaari, hilingin sa isang tao sa ward na naglingkod sa isang full-time mission na magbahagi ng isang karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo.
-
Hilingin sa bawat bata na isulat ang pangalan ng isang tao na maaari nilang kausapin tungkol sa ebanghelyo o anyayahan sa simbahan. Hilingin din sa mga bata na ilista ang mga bagay na magagawa nila para maging mga missionary ngayon.
Responsibilidad ko ang sarili kong pagbabalik-loob sa ebanghelyo.
Itinuturo ng talinghaga ng sampung dalaga na hindi natin maaaring iasa sa iba ang ating pagbabalik-loob sa ebanghelyo. Paano mo matutulungan ang mga bata na panagutan ang kanilang sariling pagbabalik-loob?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isang bata at sa isa sa kanyang mga magulang na dumating na handang magbahagi kung paano nila natutuhan sa bahay ang tungkol sa talinghaga ng sampung dalaga sa linggong ito.
-
Magdrowing ng isang lampara sa pisara, at sulatan ito ng patotoo. Bigyan ang bawat bata ng isang papel na tulad ng hugis ng mga patak ng langis, at sabihin sa bawat bata na isulat dito ang isang bagay na gagawin niya para lalong magbalik-loob sa ebanghelyo. Idikit ang kanilang mga patak sa pisara sa paligid ng lampara.
-
Sabihin sa mga bata na tulungan kang ilista ang mga bagay na dapat gawin upang maghanda para sa isang espesyal na bisita. Ano ang pagkakatulad o pagkakaiba ng mga bagay na ito sa mga paraan ng ating espirituwal na paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?
-
Sa limang piraso ng papel, isulat ang mga bagay na hindi maaaring hiramin. Sa lima pang piraso ng papel, isulat ang mga bagay na maaaring hiramin. Balasahin ang mga piraso ng papel, at sabihin sa mga bata na igrupo ang mga piraso ng papel ayon sa dalawang grupong ito. Sama-samang basahin ang Mateo 25:1–13. Bakit mahalagang hindi natin iasa sa iba ang ating pagbabalik-loob sa ebanghelyo?
Sa Huling Paghuhukom, mag-uulat tayo sa Panginoon tungkol sa ating buhay.
Matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli, hahatulan tayo ng Diyos batay sa ating pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pagtanggap ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ang talinghaga ng mga talento at ang talinghaga ng tupa at mga kambing ay nagtuturo sa atin tungkol sa Huling Paghuhukom na ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa kalahati ng klase ang Mateo 25:14–30 at sa natitirang kalahati ang Matthew 25:31–46. Sabihin sa mga grupo na isadula ang mga talinghaga sa klase.
-
Ipabasa ang Mateo 25:35–36 sa mga bata bilang makakapares at ipalista sa kanila ang mga bagay na magagawa nila upang ipakita ang kanilang pagmamahal kay Jesucristo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang mga paraan para maging mas mahuhusay silang missionary at pag-usapan sa kanilang pamilya ang tungkol sa mga tao na maaari nilang bahaginan ng ebanghelyo.