Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘Ang Anak ng Tao ay Paparito’


“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘Ang Anak ng Tao ay Paparito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Mayo 27–Hunyo 2. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Ikalawang Pagparito

The Second Coming, ni Harry Anderson

Mayo 27–Hunyo 2

Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; Lucas 21

“Ang Anak ng Tao ay Paparito”

Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 25; Marcos 12–13; at Lucas 21, maaari mong itanong, “Ano ang mga mensahe ng mga kabanatang ito para sa akin? para sa aking pamilya? para sa aking tungkulin?”

Itala ang Iyong mga Impresyon

Maaaring ikinagulat ng mga disipulo ni Jesus ang Kanyang propesiya: ang malaking templo ng Jerusalem, ang espirituwal at kultural na sentro ng mga Judio, ay mawawasak nang lubusan kaya’t “walang maiiwan … na isang bato sa ibabaw ng ibang bato.” Natural lamang na gusto ng mga disipulo na malaman pa ang iba. “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?” tanong nila. “At ano ang palatandaan ng inyong pagparito?” Joseph Smith—Mateo 1:2–4 Inihayag ng sagot ng Tagapagligtas na ang malaking pagkawasak na darating sa Jerusalem—isang propesiyang natupad noong AD 70—ay medyo maliit kumpara sa mga palatandaan ng Kanyang pagparito sa mga huling araw. Ang mga bagay na tila mas matatag kaysa sa templo sa Jerusalem ay mapapatunayang pansamantala lamang—ang araw, buwan, mga bituin, mga bansa, at ang dagat. Maging ang “mga kapangyarihan sa langit ay mayayanig” (Joseph Smith—Mateo 1:33). Kung tayo ay may espirituwal na kamalayan, matuturuan tayo ng kaguluhang ito na magtiwala sa isang bagay na talagang permanente. Tulad ng ipinangako ni Jesus, “Ang langit at lupa ay lilipas; gayon man, ang aking mga salita ay hindi lilipas. … At sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang” (Joseph Smith—Mateo 1:35, 37).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Joseph Smith—Mateo

Ano ang Joseph Smith—Mateo?

Ang Joseph Smith—Mateo, na nasa Mahalagang Perlas, ay hango sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Ito ay naglalaman ng mga pagbabago sa huling talata ng Mateo 23 at sa buong Mateo 24 (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith”). Ipinanumbalik ng binigyang-inspirasyong mga pagbabagong ginawa ni Joseph Smith ang mahahalagang katotohanang nawala. Ang mga talata 12–21 ng Joseph Smith—Mateo ay tumutukoy sa pagkawasak ng Jerusalem noong unang panahon; ang mga talata 21–55. ay naglalaman ng mga propesiya tungkol sa mga huling araw.

Joseph Smith—Mateo 1:21–37; Marcos 13:21–37; Lucas 21:25–38

Ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay makakatulong sa akin na harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya.

Maaaring nakababahalang mabasa ang mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ngunit nang ipinropesiya ni Jesus ang mga pangyayaring ito, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na “huwag kayong magulumihanan” (Joseph Smith—Mateo 1:23). Paano kang “[hindi] magugulumihanan” kapag nakarinig ka tungkol sa mga lindol, digmaan, panlilinlang, at taggutom? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang mga talatang ito. Markahan o itala ang anumang nagbibigay ng katiyakang payo na makikita mo.

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:14–21; 38:30; 45:16–52; 88:86–94.

Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55; Mateo 25:1–13; Lucas 21:29–36

Kailangan akong maging handa palagi para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Hindi pa naihahayag ng Diyos “ang araw ni ang oras [ng pagparito ng Anak ng tao]” (Mateo 25:13). Ngunit ayaw Niyang dumating ang araw na iyon sa atin nang “bigla” (Lucas 21:34), kaya binigyan Niya tayo ng payo kung paano maghahanda.

Habang binabasa mo ang mga talatang ito, tukuyin ang mga talinghaga at iba pang mga pagkukumparang ginamit ng Tagapagligtas para ituro sa atin na laging maging handa para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ano ang natututuhan mo mula sa mga ito? Ano ang nagaganyak kang gawin?

Mateo 25:14–30

Inaasahan ng Ama sa Langit na gagamitin ko nang matalino ang Kanyang mga kaloob.

Noong panahon ng Tagapagligtas, ang “talento” ay tumutukoy sa pera. Ngunit maituturo sa atin ng talinghaga ng mga talento na ikinuwento ng Panginoon kung paano Niya gustong ipagamit sa atin ang alinman sa mga biyayang naibigay Niya sa atin. Inaasahan ng Panginoon na magpapakahusay tayo sa naibigay Niya sa atin. Habang binabasa mo ang talinghagang ito, gumawa ng listahan ng ilan sa mga pagpapala at oportunidad na naibigay sa iyo ng Ama sa Langit. Ano ang inaasahan Niyang gawin mo sa mga pagpapalang ito? Paano mo magagamit nang mas matalino ang mga kaloob na ito? Paano naparami ang iyong mga talento nang makapaglingkod ka sa Panginoon?

Mateo 25:31–46

Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod ako sa Diyos.

Kung napag-isip mo kung paano hahatulan ng Panginoon ang buhay mo, basahin ang talinghaga ng mga tupa at kambing. Ano ang magiging pinakamahalaga sa pagtayo mo sa harap ni Cristo?

Tingnan din sa Mosias 2:17.

Marcos 12:18–27

Magpapatuloy pa ba ang mga kasal pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli?

Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na ang pahayag ni Jesus na “Sa pagkabuhay na maguli ay hindi na mangagaasawa, ni mga papagaasawahin pa” ay tumutukoy sa mga taong hindi pumasok sa tipan ng selestiyal na kasal (tingnan sa DT 132:15–16). Ang selestiyal na kasal, kung saan “ang isang lalaki ay [nagpapakasal] sa isang babae … sa pamamagitan ng bago at walang hanggang tipan,” ay magtatagal “sa lahat ng kawalang-hanggan” kung ang mag-asawa ay tapat sa kanilang mga tipan (DT 132:19).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Joseph Smith—Mateo

Para matulungan ang inyong pamilya na suriin ang kabanatang ito, anyayahan silang hanapin ang mga turo ng Tagapagligtas kung paano tayo makapaghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan, halimbawa, sa mga talata 22–23, 29–30, 37, 46–48.). Ano ang magagawa ng inyong pamilya para masunod ang payong ito?

Joseph Smith—Mateo 1:22, 37

Ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang salita ng Diyos? Paano natin ito magagawa bilang pamilya? Paano makakatulong sa atin ang paggawa nito para maiwasang malinlang?

Mateo 25:1–13

Maaari mong gamitin ang larawan ng sampung dalaga na kasama sa outline na ito para talakayin ang Mateo 25:1–13. Anong mga detalye ang nakikita ng mga miyembro ng pamilya sa larawang ito na inilarawan sa mga talatang ito?

Masisiyahan ba ang mga miyembro ng pamilya na maghanap sa buong paligid ng bahay ng mga papel na patak ng langis na itinago mo? Maaari mong ikabit ang mga patak sa mga bagay na kumakatawan sa mga magagawa ng mga miyembro ng pamilya para mapalakas ang kanilang patotoo at maging handa para sa Ikalawang Pagparito, tulad ng mga banal na kasulatan, damit-pangsimba, o isang larawan ng templo.

Marcos 12:38–44; Lucas 21:1–4

Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng inyong pamilya mula sa halimbawa ng balo? Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo tungkol sa mga handog? Magpakita ng isang tithing donation slip, at talakayin ang mga handog ng inyong pamilya sa Panginoon at kung paano tumutulong ang mga handog na ito sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. May mga handog bang ibinibigay ang inyong pamilya na hindi maaaring isulat sa tithing slip?

Lepta ng Balo

Widow’s Mite, ni Sandra Rast

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ihanda ang inyong kapaligiran. “Malaki ang epekto ng ating kapaligiran sa kakayahan nating matuto at madama ang katotohanan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15). Subukang maghanap ng lugar para makapag-aral ng mga banal na kasulatan na mag-aanyaya sa impluwensya ng Espiritu Santo. Ang nakasisiglang musika at mga larawan ay maaari ding mag-anyaya sa Espiritu.

Sampung Dalaga

Five of Them Were Wise, ni Walter Rane