Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’


“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Huling Hapunan

And It Was Night, ni Benjamin McPherson

Hunyo 10–16

Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18

“Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo”

Habang binabasa mo ang mga pangyayaring inilarawan sa Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; at Juan 18, pagtuunan ng pansin ang anumang impresyong natatanggap mo, lalo na ang mga pahiwatig na gumawa ng mga pagbabago sa buhay mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Tatlong mortal lamang ang saksi sa pagdurusa ni Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani—at tulog pa sila sa halos buong kaganapang ito. Sa halamanang iyon at kalaunan sa krus, inako ni Jesus ang mga kasalanan, pasakit, at pagdurusa ng bawat taong nabuhay, bagama’t halos walang taong nabubuhay noong panahong iyon ang nakakaalam kung ano ang nangyayari. Gayunman, ang pinakamahahalagang kaganapan sa kawalang-hanggan ay madalas lumipas nang hindi napapansin ng mundo. Gayunman, alam ito ng Diyos Ama. Narinig Niya ang pagsamo ng Kanyang matapat na Anak: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. At na[g]pakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya” (Lucas 22:42–43). Bagama’t wala tayo roon para masaksihan ang pagpapakitang ito ng pagiging di-makasarili at pagsunod, kung tutuusin, lahat tayo ay maaaring maging saksi ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tuwing nagsisisi tayo at tumatanggap ng kapatawaran ng ating mga kasalanan at tuwing nadarama natin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas, mapapatotohanan natin ang nangyari sa Halamanan ng Getsemani.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mateo 26:17–30; Marcos 14:12–26; Lucas 22:7–39

Ang sakramento ay pagkakataon upang alalahanin ang Tagapagligtas.

Ano ang ginagawa mo upang maalaala ang mga taong naging mahalaga sa buhay mo? Nang pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa Kanyang mga disipulo, sinabi Niya, “Gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin” (Lucas 22:19; tingnan din sa 3 Nephi 18:7). Paano nakakatulong sa iyo ang tinapay, tubig, at iba pang mga bahagi ng ordenansang ito na alalahanin Siya at ang Kanyang pagdurusa? Pagnilayan ang tanong na ito habang nagbabasa ka tungkol sa unang sakramento. Tandaan din ang mga pagbabagong matatagpuan sa Joseph Smith Translation (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Mag-ukol ng panahon na pagnilayan ang karanasan mo sa oras ng sakramento bawat linggo. Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan ito? Marahil maisusulat mo ang ilang bagay na nagaganyak kang alalahanin tungkol sa Tagapagligtas—ang Kanyang mga turo, Kanyang mga pagpapakita ng pag-ibig, mga panahong nadama mo na mas malapit ka sa Kanya, o mga kasalanan at pasakit na inako Niya mismo alang-alang sa iyo.

Tingnan din sa 3 Nephi 18:1–13; Doktrina at mga Tipan 20:76–79.

Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42; Lucas 22:40–46

Ang Tagapagligtas ay nagdusa para sa akin sa Getsemani.

Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “[m]aglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 40).

Isipin kung ano ang gagawin mo para tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Nelson. Maaari kang magsimula sa mapanalanging pagninilay sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, tulad ng inilarawan sa mga talatang ito, at pagsulat ng mga impresyon at tanong na pumapasok sa iyong isipan.

Para sa mas malalim na pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, subukang saliksikin ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan para sa mga sagot sa mga tanong na katulad nito:

Habang pinag-aaralan mo ang nangyari sa Getsemani, maaaring nakakatuwang malaman na ang Getsemani ay isang halamanan ng mga punong olibo at may kasamang pigaan ng olibo, na ginagamit upang durugin ang mga olibo at katasin ang langis na ginagamit para sa ilaw at pagkain gayundin sa pagpapagaling (tingnan sa Lucas 10:34). Ang proseso ng paggamit ng isang pabigat para katasin ang langis ng olibo ay maaaring maging simbolo ng bigat ng kasalanan at pasakit na tiniis ng Tagapagligtas para sa atin (tingnan sa D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 50–51).

Marcos 14:27–31, 66–72; Lucas 22:31–32

Ang pagbabalik-loob ay isang patuloy na proseso.

Isipin ang mga karanasan ni Pedro sa Tagapagligtas—ang mga himalang nasaksihan niya at ang doktrinang natutuhan niya. Bakit kaya sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro na, “Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”? (Lucas 22:32; idinagdag ang italics). Ano ang itinuro ni Elder David A. Bednar na pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng patotoo at ng tunay na pagbabalik-loob? (tingnan sa “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 106–9). Habang nagbabasa ka tungkol sa mga karanasan ni Pedro sa Marcos 14:27–31, 66–72, pag-isipan ang sarili mong pagbabalik-loob. Anong mga aral ang matututuhan mo mula kay Pedro? Habang patuloy mong binabasa ang Bagong Tipan, anong katibayan ang nakikita mo sa pagbabalik-loob ni Pedro at sa kanyang mga pagsisikap na palakasin ang iba? Ano ang naging epekto ng pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa kanyang pagbabalik-loob? (tingnan sa Juan 15:26–27; Mga Gawa 1:8; 2:1–4).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang patuloy ninyong binabasa ng inyong pamilya ang huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung ano ang mga alituntuning bibigyang-diin at talakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 26:17–30; Marcos 14:12–26; Lucas 22:7–39

Ano ang karanasan ng inyong pamilya sa oras ng sakramento linggu-linggo? Ang pagbabasa tungkol sa unang sakramento ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa kahalagahan ng sakramento at sa mga paraan na magagawang mas makabuluhan ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang pagsamba. Isiping ipakita ang larawang Pagpapasa ng Sacrament (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 108) at magbahagi ng mga ideya sa isa’t isa kung ano ang magagawa ninyo bago, habang, at pagkatapos ng sakramento.

Lucas 22:40–46

Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga talatang ito, maaari nilang ibahagi ang kanilang natutuhan nang pag-aralan nila ang mga talata sa banal na kasulatan na iminungkahi sa personal na pag-aaral ng banal na kasulatan sa bahaging “Ang Tagapagligtas ay nagdusa para sa akin sa Getsemani.”

Lucas 22:50–51

Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa karanasang ito?

pinagagaling ni Cristo ang tainga ng alipin

Suffer Ye Thus Far, ni Walter Rane

Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42; Lucas 22:40–46

Ano ang natututuhan natin mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Basahin kung ano ang naituro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga katotohanang natatagpuan mo sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign o Liahona, maaari mong hanapin sa indeks ng mga paksa ang “Pagbabayad-sala” (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21).

si Cristo sa Getsemani

Not My Will, but Thine, ni Walter Rane