Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’


“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 10–16. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Huling Hapunan

And It Was Night, ni Benjamin McPherson

Hunyo 10–16.

Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; Juan 18

“Huwag ang Ayon sa Ibig Ko, Kundi ang Ayon sa Ibig Mo”

Habang binabasa mo ang Mateo 26; Marcos 14; Lucas 22; at Juan 18, hanapin ang mga alituntunin na nadarama mong kailangang maunawaan ng mga bata.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang mga larawan ng mga pangyayari sa mga kabanatang ito, tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 54, 55 at 56, at ipalarawan sa mga bata ang nangyayari sa mga larawan.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Marcos 14:22–25; Lucas 22:19–20

Ang sakramento ay tumutulong sa akin na isipin si Jesus.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pakikibahagi sa sakramento ay isang pagkakataon para isipin si Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang salaysay tungkol sa pagpapakilala ni Jesus ng sakramento. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 49: Ang Unang Sacrament,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 124–26. Tulungan ang mga bata na maunawaan na inaalaala natin si Jesucristo sa oras ng sakramento.

  • Itanong sa mga bata kung nalalaman nila kung ano ang kinakatawan ng tinapay at tubig. Ipaliwanag na ang mga sagisag na ito ay tumutulong sa atin na maalala na si Jesus ay namatay para sa atin at nagbangon mula sa mga patay. Ipakita ang isang piraso ng tinapay at isang baso ng tubig habang tinutulungan mo ang mga bata na maisaulo ang mga katagang “Sa pagalaala sa [Kanya]” (Lucas 22:19).

  • Sabihin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at isipin ang isang taong mahal nila, at pagkatapos sabihin sa kanila na magkuwento sa iyo tungkol sa taong iyon. Sabihin sa kanila na muling ipikit ang kanilang mga mata, isipin ang Tagapagligtas, at pagkatapos ay ibahagi ang mga bagay na nalalaman nila tungkol sa Kanya. Hikayatin sila na isipin si Jesus sa oras ng sakramento bawat linggo.

  • Anyayahan ang mga bata na ipakita kung ano ang maaari nilang gawin para maalala si Jesus at maging mapitagan sa oras ng sakramento.

  • Tulungan ang mga bata na gumawa ng buklet na inilalarawan sa pahina ng aktibidad sa linggong ito. Imungkahi na gamitin nila ito para matulungan silang isipin si Jesus sa oras ng sakramento.

  • Tulungan ang mga bata na humanap sa ilang magasin ng Simbahan ng mga larawan ni Jesus at lumikha ng isang collage na matitingnan nila habang nasa sacrament meeting.

Mateo 26:36–46

Nagdusa si Jesus para sa akin dahil mahal Niya ako.

Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na madama ang pagmamahal ni Jesus para sa kanila habang tinatalakay ninyo ang kuwento tungkol sa Kanyang pagdurusa sa Getsemani.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na isipin ang isang pagkakataon na sila ay nalungkot o nasaktan. Kung naaangkop, anyayahan ang ilang bata na magbahagi. Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ipaliwanag na nadama ni Jesus, sa paraang hindi natin lubos na nauunawaan, ang lahat ng sakit at lungkot na nadama ng lahat ng tao. Ibig sabihin nito matutulungan Niya tayo kapag tayo ay nalulungkot, nasasaktan, o balisa.

  • Awitin ninyo ng mga bata ang “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42-43. Anyayahan sila na ibahagi kung paano nila nadarama ang pagmamahal ni Jesus.

si Cristo na nagdarasal sa Getsemani

Christ Praying in the Garden of Gethsemane, ni Hermann Clementz

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Marcos 14:22–24

Ang sakramento ay tumutulong sa akin na maalala si Jesucristo at ang Kanyang sakripisyo para sa akin.

Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa sakramento?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata sa Marcos 14:22–24 (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:20–24 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]) at Doktrina at mga Tipan 20:75–79. Ano ang mga salita at ideya na magkatulad sa dalawang ito?

  • Itanong sa mga bata kung ano ang mga ginagawa nila para matulungan silang isipin si Jesus habang nasa sakramento. Tulungan silang hanapin ang mga banal na kasulatan o mga salita sa mga himno ng sakramento na maaaring basahin sa oras ng sakramento, at ilista ang mga ito sa isang kard na maaaring tingnan ng mga bata sa susunod na makikibahagi sila ng sakramento. Kantahin ang ilan sa mga awiting ito kasama ang mga bata (tingnan sa Mga Himno, blg. 87–117).

  • Isulat sa pisara ang mahahalagang parirala mula sa mga panalangin sa sakramento, at tulungan ang mga bata na maisaulo ang mga ito. Ano ang kahulugan ng mga pariralang ito? Bakit tayo nagpapasalamat na napapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa bawat linggo?

  • Anyayahan ang isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na ikuwento sa mga bata ang tungkol sa kanyang mga karanasan sa paghahanda, pagbabasbas, o pagpapasa ng sakramento. Ano ang nakakatulong sa kanya na maghanda sa paggawa nito? Ano ang nararamdaman niya habang ginagawa niya ito? Paano napapaalaala sa kanya ng tinapay at tubig ang Tagapagligtas?

  • Hilingin sa mga bata na nabinyagan na ibahagi ang mga naaalala nila tungkol sa kanilang binyag. Ano ang naramdaman nila? Anong mga tipan ang ginawa nila? (tingnan sa Mosias 18:8–10). Sabihin sa kanila na kapag tumatanggap tayo ng sakramento tuwing Linggo, ito ay parang pagpapabinyag na muli—maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan, at tayo ay nagpapanibago ng ating mga tipan.

Mateo 26:36–42

Sa Getsemani, dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking kasalanan at pasakit.

Ang kaalaman tungkol sa ginawa ni Jesus para sa atin sa Getsemani ay makakatulong sa mga bata na magsisi sa kanilang mga kasalanan at bumaling sa Tagapagligtas kapag nakararanas sila ng mahihirap na pagsubok.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang Mateo 26:36–42, na hinahanap ang mga salita o kataga na naglalarawan ng nadama ni Jesus sa Getsemani. Ano ang nararanasan noon ni Jesus na naging dahilan kung bakit ganito ang Kanyang nadama? Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol kay Jesus at sa Kanyang sakripisyo para sa atin.

  • Sabihin sa mga bata na ibahagi ang isang pagkakataon na sila ay nalungkot o nasaktan. Itanong sa kanila kung mayroon silang kakilala na nakaranas din ng ganoon. Ipaliwanag na sa Getsemani, nadama ni Jesus ang lahat ng pasakit at lungkot na nadama ng lahat ng tao. Ginawa Niya ito para mapanatag Niya tayo kapag kailangan natin ng kapanatagan (tingnan sa Alma 7:11–12).

  • Bigyan ang isang bata ng patpat na mas mahaba kaysa sa lapad ng pintuan ng silid-aralan, at sabihin sa kanya na hawakan ito nang pahalang habang sinusubukang lumakad papasok sa pinto. Ipaliwanag na ang patpat ay kumakatawan sa ating mga kasalanan, na pumipigil sa atin na makapasok sa kaharian ng Diyos. Kunin ang patpat para ipakita na inako ni Jesus sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan para maaari tayong mapatawad kapag tayo ay nagsisi.

Lucas 22:39–44

Masusundan ko ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa Ama sa Langit.

Ipinakita ni Jesus ang pagsunod sa Ama nang sabihin Niyang, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa halimbawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakabisa sa mga bata ang katagang “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42) at talakayin ang kahulugan nito. Ano ang maaari nating gawin upang sundin ang kalooban ng Ama sa Langit?

  • Tulungan ang mga bata na tukuyin ang ilang utos na nasunod na nila. Itanong: Anong mga pagpapala ang tinanggap ninyo sa pagiging masunurin sa Ama sa Langit, kahit na napakahirap nito? Anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga karanasan at patotoo.

Lucas 22:41–43

Makatatanggap ako ng tulong kapag nagdarasal ako.

Nang magdasal si Jesus sa Getsemani, nagpakita ang isang anghel para palakasin Siya. Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo na makapagdarasal din sila sa Ama sa Langit na palakasin sila?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang nasa Lucas 22:41–43 (marahil sa pamamagitan ng paggamit ng “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32. Ipaliwanag na noong nanalangin si Jesus, ipinadala ng Ama sa Langit ang isang anghel para palakasin Siya. Sino ang ipinapadala ng Ama sa Langit para palakasin tayo?

  • Ipakita ang larawan ng anghel na pumapanatag kay Cristo sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, at magbahagi ng isang karanasan kung saan nadama mong pinalakas ka ng Ama sa Langit.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang mga gagawin nila sa oras ng sakramento para maalala si Jesus.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo sa iyong klase. Ang patotoo ay maaaring maging kasing simple ng, “Alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa inyo” o “Maganda ang aking pakiramdam kapag natututo ako ng tungkol kay Jesucristo.”

pahina ng aktibidad: ang sakramento