Kabanata 51 Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani Nagpunta si Jesus at ang mga Apostol sa Halamanan ng Getsemani. Hindi sumama sa kanila si Judas. Pinuntahan niya ang mga pinunong Judio para sabihin kung nasaan si Jesus. Mateo 26:36; Marcos 14:43; Juan 18:2–3 Pinasama ng Tagapagligtas sina Pedro, Santiago, at Juan sa Kanya sa halamanan. Pinaghintay Niya sila habang nagdarasal Siya sa malayo. Mateo 26:36–39; Marcos 14:33–35 Alam ni Jesus na kailangan Niyang magdusa para sa mga kasalanan ng lahat ng tao. Ayaw Niyang magdusa, pero pinili Niyang sundin ang Ama sa Langit. Mateo 26:39–44 Nakatulog sina Pedro, Santiago, at Juan habang nagdarasal si Jesus. Lumapit si Jesus at naratnan silang tulog. Hiniling Niyang manatili silang gising. Mateo 26:40–41 Lumayo Siyang muli para magdasal. Gustong manatiling gising nina Pedro, Santiago, at Juan, pero pagod na pagod sila. Muli silang nakatulog. Muli silang naratnang tulog ni Jesus. Lumayo Siya at nagdasal sa ikatlong beses. Mateo 26:42–44 Habang nagdarasal si Jesus, nagsimula Siyang manginig dahil sa sakit. Dumating ang isang anghel para palakasin Siya. Lubha Siyang nahirapan kaya pinawisan Siya ng dugo. Nagdurusa Siya para sa lahat ng ating kasalanan para tayo mapatawad kung magsisisi tayo. Lucas 22:41–44; Doktrina at mga Tipan 19:16–19 Ginising ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan. Sinabi Niya sa kanila na ipagkakanulo Siya at papatayin. Sabi ni Jesus darating ang masasamang tao para dakpin Siya. Mateo 26:45–46