Kabanata 17 Ang mga Galit na Tao sa Nazaret Nagpunta si Jesus sa Nazaret, ang bayang kinalakhan Niya. Lucas 4:16 Nagpunta si Jesus sa isang sinagoga, isang gusaling sinisimbahan ng mga Judio. Tumayo Siya at nagbasa mula sa mga banal na kasulatan. Binasa Niya ang mga salita ng propetang si Isaias. Sinabi ni Isaias na darating ang Tagapagligtas sa daigdig at tutulungan ang lahat ng tao. Lucas 4:16–19 Nang itiklop ni Jesus ang mga banal na kasulatan at umupo, nakatingin sa Kanya ang lahat. Lucas 4:20 Sinabi ni Jesus na ang mga salita ni Isaias ay tungkol sa Kanya—na Siya ang Tagapagligtas. Namangha ang mga tao sa Kanyang mga salita. Sabi nila, “Hindi baga ito ang anak ni Jose?” Hindi sila naniwala na si Jesus ang Anak ng Diyos. Lucas 4:21–22 Alam ng Tagapagligtas kung ano ang iniisip nila. Gusto nilang maghimala Siya. Pero sinabi sa kanila ni Jesus na hindi Siya maghihimala para sa kanila dahil wala silang pananampalataya sa Kanya. Lucas 4:23–27 Ikinagalit ito ng mga tao. Dinala nila si Jesus sa ituktok ng isang burol at gusto Siyang ihulog mula rito. Lucas 4:28–29 Tumakas si Jesus sa kanila at nagpunta sa ibang bayan. Lucas 4:30–31