Kabanata 53 Ipinako si Jesus sa Krus Nilatigo ng mga kawal si Jesus. Dinamitan nila Siya ng balabal na kulay-ube. Gumawa sila ng koronang tinik at ipinatong ito sa ulo ni Jesus. Pinagtawanan nila Siya at dinuraan. Tinawag nila Siyang “Hari ng mga Judio.” Marcos 15:15–20 Maraming taong sumunod sa mga kawal nang dalhin nila si Jesus sa burol malapit sa Jerusalem. Pinapasan nila sa Kanya ang sarili Niyang krus. Ipinako nila ang Kanyang mga kamay at paa sa krus at itinayo ito. Ipinako rin nila ang dalawa pang lalaki, na mga magnanakaw. Lucas 23:27, 33; Juan 19:17–18 Nanalangin si Jesus. Hiniling Niya sa Ama sa Langit na patawarin ang mga kawal na nagpako sa Kanya. Hindi nila alam na Siya ang Tagapagligtas. Lucas 23:34 Nakatayo si Maria, na ina ni Jesus, sa paanan ng krus. Naroon din si Apostol Juan. Ipinagbilin ni Jesus kay Juan ang Kanyang ina. Isinama ni Juan ang ina ni Jesus sa bahay niya. Juan 19:25–27 Nagdilim sa buong lupain. Nagdusa ang Tagapagligtas sa krus nang maraming oras. Sa wakas humiwalay ang Kanyang espiritu sa Kanyang katawan, at namatay Siya. Mateo 27:45, 50 Pagkamatay Niya, pinagpira-piraso ng lindol ang malalaking bato. Nahati sa dalawa ang tabing ng templo. Natakot ang mga kawal na Romano. Mateo 27:51, 54 Kinuha ng isa sa mga disipulo ni Jesus ang katawan ng Tagapagligtas mula sa krus. Binalot niya ito ng tela at inilagak sa isang lugar na pinaglilibingan ng mga patay. Isang malaking bato ang itinakip sa libingan. Mateo 27:57–60