Kabanata 18 Pinili ni Jesus ang Kanyang mga Apostol Isang araw tinuruan ni Jesus ang mga tao mula sa isang bangka sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Ang bangka ay pagmamay-ari ng lalaking nagngangalang Pedro. Lucas 5:1–3 Magdamag na nangisda si Pedro at ang kanyang mga kaibigan pero walang nahuling isda. Pagkatapos magturo ni Jesus, sinabi Niya kay Pedro na dalhin sa laot ang bangka. Pagkatapos ay sinabi Niya kay Pedro at sa mga kaibigan nito na ihagis ang kanilang mga lambat sa tubig. Lucas 5:4–5 Napakarami nilang nahuling isda kaya nagsimulang mapunit ang lambat nila. Lucas 5:6 Pinalapit ni Pedro ang mga kaibigan niya sa isa pang bangka para tumulong. Punung-puno ng mga isda ang dalawang bangka kaya nagsimula silang lumubog. Lucas 5:7 Namangha si Pedro at ang kanyang mga kaibigan. Alam nila na si Jesucristo ang may gawa niyon. Lucas 5:8–9 Lumuhod si Pedro sa paanan ng Tagapagligtas. Sinabi niya na hindi siya karapat-dapat na mapalapit kay Jesus. Sinabi ni Jesus kay Pedro na huwag matakot. Lucas 5:8–10 Magkapatid ang dalawa sa mga kaibigan ni Pedro, sina Santiago at Juan. Sinabi ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan na sundan Siya at maging “mga mamamalakaya ng mga tao.” Iniwan ng mga lalaki ang lahat ng ari-arian nila at sumama kay Jesus. Sinabi rin ng Tagapagligtas sa ibang mga lalaki na sundan Siya. Mateo 4:18–22; 9:9; Lucas 5:10–11; Juan 1:35–51 Pumili ng labindalawang Apostol si Jesus para mamuno sa Kanyang Simbahan. Magdamag Siyang nagdasal para mapili Niya ang mga tamang lalaki. Kinabukasan pumili at nag-orden Siya ng labindalawang lalaki, at binigyan sila ng priesthood at ng awtoridad na maging mga Apostol. Marcos 3:14; Lucas 6:12–16; Juan 15:16 Naglakbay ang mga Apostol sa maraming bayan. Nagturo sila ng ebanghelyo at nagpagaling ng mga tao. Nagbalik sila para sabihin kay Jesus ang nagawa nila. Marcos 6:30; Lucas 9:1–6, 10