Kabanata 57 Pinatay ng Masasamang Tao si Esteban Maraming pinunong Judio ang nag-akala na titigil ang mga himala pagkamatay ni Jesus. Gayunman, nagsagawa rin ng mga himala ang mga Apostol. Maraming taong naniwala kay Jesucristo at sumapi sa Simbahan. Ang Mga Gawa 4:1–4, 13–16; 5:14 Nagpagalit ito sa maraming pinunong Judio. Ibinilanggo nila sina Pedro at Juan. Pinapatay ni Haring Herodes Agripa si Apostol Santiago. Ang Mga Gawa 4:3; 12:1–2 Tumawag ng pitong lalaki ang mga Apostol para tumulong sa pamumuno sa Simbahan. Isa rito ang mabuting taong nagngangalang Esteban. Itinuro niya ang ebanghelyo sa maraming tao. Nagsinungaling ang ilang masasamang tao at sinabing nagsalita si Esteban laban sa batas ng mga Judio. Dinala nila siya sa mga pinunong Judio para litisin. Ang Mga Gawa 6:3–12 Sinabi ni Esteban sa mga pinuno na masasama sila. Sinabi niya na pinatay nila si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ang Mga Gawa 7:51–54 Tumingin sa Langit si Esteban at nakita niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Nang sabihin niya sa mga pinuno ang kanyang nakita, nagalit sila. Ang Mga Gawa 7:55–56 Itinapon nila si Esteban sa labas ng bayan para pagbabatuhin hanggang sa mamatay. Inilatag nila ang kanilang mga damit sa paanan ng binatang nagngangalang Saulo. Habang naghihingalo si Esteban, hiniling niya sa Diyos na dalhin ang kanyang espiritu sa langit. Hiniling din niya sa Diyos na patawarin ang mga pumapatay sa kanya. At namatay na siya. Ang Mga Gawa 7:58–60