Kabanata 44 Nagpunta ang Tagapagligtas sa Jerusalem Ikinuwento ng ilang tao sa mga saserdote at Fariseo na binuhay na muli ni Jesus si Lazaro. Inisip ng mga Fariseo na maniniwala ang lahat kay Jesus. Natakot sila na walang makikinig sa kanila. Juan 11:46–48 Nagplano ang mga Fariseo na patayin si Jesus. Hinintay nilang pumunta Siya sa Jerusalem para sa pista ng Paskua. Juan 11:49–51, 55–57 Nagpunta si Jesus sa Jerusalem. Nabalitaan ng marami na darating Siya at sinalubong Siya ng mga ito. Sakay ng buriko si Jesus papasok sa bayan. Isang propeta ang sumulat na gagawin ito ng Anak ng Diyos. Maraming tao ang naniwala na si Jesus ang Anak ng Diyos. Naglatag sila ng mga palaspas at ilang damit nila sa lupa para maraanan Niya. Sumigaw sila ng hosanna at sinabing si Jesus ang kanilang hari. Zacarias 9:9; Mateo 21:4–9; Juan 12:1, 12–15 Nagpuntahan ang mga tao sa Jerusalem para alamin kung ano ang nangyayari. Nagtanong sila kung sino si Jesus. Sinabi sa kanila ng mga tao na Siya ay propeta mula sa Nazaret. Mateo 21:10–11 Nagalit ang mga Fariseo. Ayaw nilang maniwala ang mga tao na si Jesus ang Tagapagligtas. Alam ni Jesus na gusto Siyang patayin ng mga Fariseo. Juan 11:53; 12:19, 23 Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na malapit na Siyang mamatay. Magdurusa Siya para sa mga kasalanan ng lahat ng tao at mamamatay sa krus. Siya ang Tagapagligtas ng mundo. Ito ang dahilan kaya Siya naparito sa daigdig. Juan 12:23–25, 27, 32–33, 47