Kabanata 24 Ibinangon ang Anak na Babae ni Jairo mula sa mga Patay Isang araw nagpatirapa si Jairo, isang pinuno ng sinagoga, sa paanan ng Tagapagligtas. Marcos 5:21–22 Sabi ni Jairo, malubha ang sakit ng kanyang 12-taong-gulang na anak na babae. Nagsumamo siya kay Jesus na pumunta at basbasan ito. Naniwala siya na mapapagaling ito ni Jesus. Marcos 5:23, 42 Sinundan ni Jesus si Jairo pauwi, pero tumigil Siya para pagalingin ang isang babae. Habang kausap Niya ito, may lumapit kay Jairo para sabihing huli na ang lahat—patay na ang kanyang anak. Marcos 5:24–35 Narinig ito ni Jesus. Sinabi Niya kay Jairo na huwag matakot kundi sumampalataya sa Kanya. Marcos 5:36 Sumama si Jesus kay Jairo sa bahay nito. Punung-puno ang bahay ng mga taong nag-iiyakan dahil sa pagkamatay ng batang babae. Marcos 5:37–38 Sinabi sa kanila ni Jesus na hindi patay ang bata kundi natutulog. Pinagtawanan Siya ng mga tao. Sigurado silang patay na ang bata. Marcos 5:39–40 Pinalabas ng bahay ng Tagapagligtas ang lahat maliban sa Kanyang mga disipulo, kay Jairo, at sa maybahay ni Jairo. Nagpunta sila sa silid na kinaroroonan ng batang babae. Marcos 5:40 Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bata. Pinatayo Niya ito. Tumayo ito at lumakad. Namangha ang mga magulang nito. Sinabihan sila ni Jesus na huwag ikuwento kaninuman ang nangyari. Pagkatapos ay sinabi Niya sa mga magulang na pakainin ang bata. Marcos 5:41–43