Kabanata 22 Ang Lalaking Sinaniban ng Masasamang Espiritu Isang lalaking nakatira sa sementeryo sa may Dagat ng Galilea ang sinaniban ng masamang espiritu kaya ito nagwawala. Ikinadena siya ng mga tao para pigilan siya, pero pinatid niya ang kadena. Marcos 5:1–4 Ginugol ng lalaki ang buong maghapon at magdamag sa kabundukan at mga kuweba. Lagi siyang sumisigaw at sinusugatan ng mga bato ang sarili. Marcos 5:5 Isang araw tumawid ng Dagat ng Galilea si Jesus at ang Kanyang mga disipulo sakay ng bangka. Nang umibis ng bangka ang Tagapagligtas, patakbong sinalubong Siya ng lalaki. Marcos 5:1–2, 6 Sinabihan ni Jesus ang masamang espiritu na lumabas sa lalaki. Alam ng masamang espiritu na si Jesus ang Anak ng Diyos. Hiniling nito kay Jesus na huwag siyang saktan. Marcos 5:7–8 Nang itanong ng Tagapagligtas ang pangalan ng masamang espiritu, sabi nito, “Pulutong ang pangalan ko,” na ibig sabihi’y marami. Maraming masamang espiritung sumanib sa lalaki. Hiniling nila kay Jesus na hayaan silang makapasok sa katawan ng ilang baboy sa malapit. Marcos 5:9–12 Pumayag si Jesus. Nilisan ng masasamang espiritu ang lalaki at pumasok sa katawan ng mga 2,000 baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol papunta sa dagat at nangalunod. Marcos 5:13 Tumakbo sa bayan ang lalaking nag-aalaga sa mga baboy at ikinuwento sa mga tao ang nangyari. Nagpunta ang mga tao at nakita si Jesus at ang lalaking nagwawala. Pero hindi na nagwawala ang lalaki. Marcos 5:14–15 Dahil dito natakot ang mga tao kay Jesus. Pinaalis nila Siya. Bumalik Siya sa bangka. Marcos 5:15–18 Gustong sumama sa Kanya ng lalaking gumaling. Sa halip ay pinauwi siya ng Tagapagligtas para ikuwento sa kanyang mga kaibigan ang nangyari sa kanya. Marcos 5:18–19 Nagkuwento ang lalaki sa kanyang mga kaibigan, at namangha sila sa dakilang kapangyarihan ni Jesus. Marcos 5:20