“Hunyo 3–9. Juan 13–17: ‘Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Hunyo 3–9. Juan 13–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Hunyo 3–9
Juan 13–17
“Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig”
Ipagdasal na malaman ang mga pangangailangan ng mga batang iyong tinuturuan habang binabasa mo ang Juan 13–17. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito ay makakatulong sa iyo upang maunawaan ang doktrina at magbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo sa mga bata sa iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para matulungan ang mga bata na ibahagi sa tahanan ang kanilang natututuhan, magpasa ng isang pusong papel at anyayahan ang bawat bata na ibahagi ang isang bagay na ginagawa niya para ipakita ang pagmamahal sa iba kapag siya na ang may hawak sa puso.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Gusto ni Jesus na paglingkuran ko ang iba.
Ang kuwento ni Jesus na hinuhugasan ang mga paa ng Kanyang mga Apostol ay isang halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod. Paano mo mahihikayat ang mga bata na tularan ang halimbawa ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para matulungan kang isalaysay ang kuwento sa Juan 13:1–17. Sabihin sa mga bata na tukuyin ang mga detalye mula sa kuwento na nasa mga larawan.
-
Magpakita ng mga larawan ni Jesus na naglilingkod sa iba (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa mga magasin ng Simbahan para sa mga ideya). Pagsalit-salitin ang mga bata sa paghawak ng mga larawan habang isinasalaysay mo ang mga kuwento sa larawan (maaari mo silang patulungin sa pagkukuwento kung kaya na nila).
-
Itanong sa mga bata kung ano ang nararamdaman nila kapag tinutulungan sila ng iba. Ipadrowing sa mga bata ang mga paraan na masusundan nila ang mga halimbawa ni Jesus ng paglilingkod sa iba.
Maipapakita ko ang aking pagmamahal para kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagsunod ay palatandaan na mahal nila si Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng isang papel na puso na lalagyan ng dekorasyon. Sabihin sa kanila na itaas ang kanilang puso tuwing kakantahin nila ang salitang “pag-ibig” sa “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” at “Mahalin ang Bawat Isa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 74.
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Juan 14:15 sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga papel na puso kapag sinasabi nila ang, “Kung ako’y inyong iniibig,” at ang isang larawan ng mga tapyas na bato kapag sinasabi nila ang, “Ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”
-
Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pag-arte ng isang kabaitan na magagawa nila para sa isang tao para ipakita ang kanilang pagmamahal kay Jesus. Pahulaan sa iba pang mga bata ang ginagawa nila.
-
Ipagawa sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito.
Juan 14:26–27; 15:26; 16:13–14
Tinutulungan ako ng Espiritu Santo na mas mapalapit kay Jesus.
Bagama’t hindi pa natatanggap ng mga batang tinuturuan mo ang kaloob na Espiritu Santo, kaya na nilang matutuhan ngayon kung paano gumagana ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang larawang Ang Huling Hapunan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 54). Ipaliwanag sa mga bata na sa Huling Hapunan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Espiritu Santo.
-
Sabihin sa mga bata na ilagay ang kanilang mga kamay sa tapat ng kanilang puso at sa kanilang ulo. Buksan ang mga banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 8:2 at ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay maaaring makipag-usap sa atin “sa [ating] isipan at sa [ating mga] puso,” o sa pamamagitan ng ating mga iniisip at nadarama.
-
Patayin ang mga ilaw at itaas ang isang larawan. Pagkatapos ay tapatan ng ilaw ng flashlight ang larawan. Itanong sa mga bata kung paano naihahalintulad ang flashlight sa Espiritu Santo.
-
Kasama ang mga bata, kantahin ang “Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56, sa “marahan at banayad na tinig.” Sabihin sa kanila na pakinggan ang mga bagay na ginagawa ng Espiritu Santo.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Juan 13:34–35; 14:15; 15:10–14
Maipapakita ko ang aking pagmamahal para kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Habang binabasa mo ang mga talatang ito sa iyong personal na pag-aaral, isipin ang mga batang tinuturuan mo. Paano sila mapagpapala kapag naunawaan nila na ang pagsunod ay tanda ng pagmamahal nila sa Tagapagligtas?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Juan 13:34–35. Ang isang paraan para magawa ito ay ang pagkanta ng “Mahalin ang Bawat Isa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 74, at tulungan ang mga bata na matutuhan ang mga galaw na para dito.
-
Sabihin sa mga bata na isulat sa pisara ang mga paraan na ipinakita ni Jesus na minamahal Niya tayo. Maaari mong ipakita ang mga larawan mula sa buhay ng Tagapagligtas para matulungan sila (para sa mga ideya, tingnan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Paano natin maipakikita ang pagmamahal sa iba tulad ng ginawa Niya? Sabihin sa bawat bata na tumayo at magbahagi ng isang bagay na magagawa niya para maipakita ang “[pagmamahalan] sa isa’t isa” (Juan 13:34).
-
Ipabasa sa isang bata ang Juan 14:15. Isa-isang paguhitin ang mga bata ng mga larawan na nagpapakita na sinusunod ng isang tao ang isang kautusan. Huhulaan ng iba kung ano ang iginuguhit niya. Para sa mga halimbawa ng mga kautusan, tingnan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan. Bakit isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa Tagapagligtas ang pagsunod sa mga kautusan?
Ang Espiritu Santo ang gumagabay, umaalo, at nagpapatotoo ng katotohanan.
Ngayong marami na sa mga bata ang tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, paano mo sila matutulungan na mas maunawaan ang mga papel na ginagampanan ng Espiritu Santo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pagpartnerin ang mga bata at ipabasa sa magkakapares ang sumusunod na mga talata: Juan 14:26; 15:26; at 16:13. Sabihin sa kanila na hanapin ang mga salitang nagtuturo sa kanila kung ano ang ginagawa ng Espiritu Santo. Isulat sa pisara ang mga salita.
-
Magbahagi ng karanasan kung saan ang Espiritu Santo ay ginabayan ka, inalo ka, nagbabala sa iyo o nagpatotoo sa iyo tungkol sa katotohanan. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nila sa Espiritu Santo. Paano ko nakilala ang impluwensya ng Espiritu Santo?
-
Ipaguhit sa bawat bata ang kanyang mukha sa isang papel na supot. Tapatan ang mga supot ng ilaw ng flashlight, na kumakatawan sa Espiritu Santo. Pagkatapos ay lagyan ang mga supot ng mga bagay na haharang sa ilaw, tulad ng bandana o tisyu, para ituro na ang ating mga maling pagpili ay maglilimita sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Sabihin sa mga bata na alisin ang bandana o tisyu mula sa kanilang mga supot na kakatawan sa pagsisisi.
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na makilala ko Sila.
Pagpapalain mo ang buhay ng mga bata magpakailanman sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdispley ng isang halaman habang nagsasalitan ang mga bata sa pagbabasa ng mga talata sa Juan 15:1–8. Paano natutulad sa isang puno ng ubas si Jesucristo? Paano tayo katulad ng mga sanga? Ano ang magagawa natin upang maging malapit sa Tagapagligtas?
-
Basahin nang malakas ang Juan 17:3. Itanong sa mga bata kung ano ang mga ginagawa nila para makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ibahagi kung paano mo Sila kinikilala.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na magtanong sa isang kapamilya kung ano ang magagawa nila para mapaglingkuran ang kapamilyang ito. Sa klase sa susunod na linggo, bigyan ng oras ang mga bata na ibahagi ang kanilang ginawa.