“Hunyo 17–23. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: ‘Naganap Na’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Hunyo 17–23. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Hunyo 17–23
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19
“Naganap Na”
Kasama sa Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 ang mga paglalarawan ng mga huling sandali ng mortal na buhay ng Tagapagligtas. Hangaring madama ang Kanyang pagmamahal para sa iyo habang nag-aaral ka tungkol sa Kanyang sakripisyo at kamatayan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa bawat salita at gawa, ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng dalisay na pag-ibig—ang tinawag ni Apostol Pablo na pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13). Naging mas maliwanag lang ito noong mga huling sandali ng mortal na buhay ng Tagapagligtas. Ipinakita ng Kanyang marangal na pananahimik sa harap ng mga maling paratang na Siya ay “hindi nayayamot [kaagad]” (I Mga Taga Corinto 13:5). Ang kahandaan Niyang mahagupit, malait, at maipako sa krus—habang pinipigilan ang Kanyang kapangyarihang tapusin ang Kanyang mga paghihirap—ay nagpakita na Siya ay “mapagpahinuhod” at “lahat ay binabata” (I Mga Taga Corinto 13:4, 7). Nahayag sa pagkahabag Niya sa Kanyang ina at pagkaawa Niya sa mga nagpako sa Kanya sa krus—maging sa oras ng Kanyang walang-katulad na pagdurusa—na “hindi [Niya] hinahanap ang [K]aniyang sarili” (I Mga Taga Corinto 13:5). Sa Kanyang mga huling sandali sa lupa, ginawa ni Jesus ang Kanyang nagawa sa Kanyang buong mortal na ministeryo—tinuruan tayo sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin. Tunay ngang ang pag-ibig sa kapwa “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19
Ang kahandaan ni Jesucristo na magdusa ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal para sa Ama at sa ating lahat.
Bagama’t may kapangyarihan ang Tagapagligtas na pababain ang “pulutong [ng] mga anghel” (Mateo 26:53), kusang-loob Niyang piniling tiisin ang di-makatarungang mga paglilitis, malupit na panlalait, at di-mailarawang sakit ng katawan. Bakit Niya ginawa iyon? “Dahil sa Kanyang mapagkandiling pagmamahal,” pagpapatotoo ni Nephi, “at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao” (1 Nephi 19:9).
Maaari mong simulang pag-aralan ang mga huling oras ng buhay ng Tagapagligtas sa pagbasa sa 1 Nephi 19:9. Saan mo makikita sa Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 ang mga halimbawa ng bawat bagay na sinabi ni Nephi na pagdurusahan ni Jesus?
“[Kanilang] hahatulan siyang isang bagay na walang saysay”
“Kanilang hahagupitin siya”
“Kanilang sasampalin siya”
“Kanilang luluraan siya”
Aling mga talata ang nagpapadama sa iyo ng “mapagkandiling pagmamahal” ng Ama sa Langit at ni Jesus sa iyo? Alin sa mga katangiang ipinamalas ng Tagapagligtas ang nadarama mong kailangan mo pang pag-igihin?
Mateo 27:27–49, 54; Marcos 15:16–32; Lucas 23:11, 35–39; Juan 19:1–5
Ang panlalait sa katotohanan ng Diyos ay hindi dapat magpahina sa aking pananampalataya.
Samantalang natiis ni Jesus ang panlalait sa Kanyang buong ministeryo, lalo itong tumindi noong hagupitin Siya at Ipako sa Krus. Ngunit hindi mababago ng panlalait na ito ang katotohanan: si Jesus ang anak ng Diyos. Habang binabasa mo ang kahihiyang tiniis ni Jesus, pag-isipan ang oposisyon at panlalait na kinakaharap ng Kanyang gawain ngayon. Ano ang naiisip mong mga ideya tungkol sa pagtitiis sa oposisyon? Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga salita ng senturion sa Mateo 27:54?
Pinabayaan ba ng Ama sa Langit si Jesus sa krus?
Ganito ang pananaw ni Elder Jeffrey R. Holland: “Pinatototohanan ko … na hindi pinabayaan ng perpektong Ama ang Kanyang Anak sa oras na iyon. … Gayunman, para maging ganap ang pinakadakilang sakripisyong iyon ng Kanyang Anak yamang ginawa iyon nang kusang-loob at mag-isa, saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya. … Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas], kinailangan Niyang malaman kung ano ang pakiramdam ng mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, May 2009, 87–88).
Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng pagpapatawad.
Ano ang nadarama mo kapag binabasa mo ang mga salita ng Tagapagligtas sa Lucas 23:34? Sa pagtukoy sa mga salita ng Tagapagligtas, itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring na: “Kailangan nating patawarin at huwag kamuhian ang mga nakakasakit sa ating damdamin. Nagpakita ng halimbawa ang Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus. … Hindi natin alam ang nasa puso ng mga taong nakakasakit sa ating damdamin” (“That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 68). Paano ka matutulungan ng talatang ito kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao?
Ano ang ibig sabihin ng “paraiso” sa pahayag ng Tagapagligtas sa magnanakaw?
Sa mga banal na kasulatan, ang salitang paraiso ay karaniwang nangangahulugan ng “isang lugar ng kapayapaan at kaligayahan sa kabilang-buhay”—isang lugar na nakalaan sa mabubuti. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang salitang paraiso sa Lucas 23:43 ay “mali ang [pagkakasalin] …; ang talagang sinabi ng Panginoon ay makakapiling Siya ng magnanakaw sa daigdig ng mga espiritu” (Tapat sa Pananampalataya, 191 ). Sa daigdig ng mga espiritu, maririnig ng magnanakaw ang pangangaral ng ebanghelyo.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Kahit personal na kilala ni Judas si Jesus, “tinalikuran [niya si Jesus], at nasaktan dahil sa kanyang mga salita” (Joseph Smith Translation, Mark 14: 31 ). Ano kaya ang dahilan ng pagtalikod sa Tagapagligtas ng mga taong tila may malakas na patotoo? Paano tayo mananatiling tapat kay Jesucristo?
Mateo 27:11–26; Marcos 15:1–15; Lucas 23:12–24; Juan 19:1–16
Bakit hinayaan ni Pilato na ipako sa krus si Jesus, kahit alam niyang walang kasalanan si Jesus? Anong mga aral ang natututuhan natin mula sa karanasan ni Pilato tungkol sa paninindigan sa alam nating tama? Maaaring makatulong sa inyong pamilya na isadula ang mga sitwasyon na nagtutulot sa kanila na magsanay na manindigan sa tama.
Marahil maaari mong iatas ang isa o mahigit pang mga pahayag ng Tagapagligtas sa krus, na nasa mga talatang ito, sa bawat miyembro ng pamilya at hilingan silang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon.
Paano napalakas ng pagbabasa tungkol sa Pagpapako sa Krus ang ating patotoo na si Jesus ang “Anak ng Diyos”?
Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano natin dapat mahalin at suportahan ang mga miyembro ng pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.