Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 24–30. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y Nagbangon’


“Hunyo 24–30. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y Nagbangon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 24–30. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

kausap ni Jesus si Pedro

Feed My Sheep, ni Kamille Corry

Hunyo 24–30

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21

“Siya’y Nagbangon”

Mapanalanging basahin ang Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; at Juan 20–21, na iniisip ang kagalakan mo dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Pagnilayan kung paano mo maibabahagi sa iba ang iyong patotoo tungkol sa mga pangyayaring ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa maraming nakamasid, ang kamatayan ni Jesus ng Nazaret ay maaaring tila kabalintunaang wakas ng isang napakagandang buhay. Hindi ba ito ang lalaking nagpabangon kay Lazaro mula sa mga patay? Hindi ba Niya napaglabanan ang paulit-ulit na masasamang banta mula sa mga Fariseo? Naipamalas Niya ang kapangyarihang mapagaling ang pagkabulag, ketong, at pagkahimatayin. Ang mismong hangin at karagatan ay sumunod sa Kanya. Subalit narito Siya, nakabayubay sa krus, at nagsasabing, “Naganap na” (Juan 19:30). Maaaring may kaunting sorpresa sa mapanlait na mga salitang “Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapaligtas” (Mateo 27:42). Ngunit alam natin na hindi nagtapos ang kuwento sa kamatayan ni Jesus. Alam natin na pansamantala lamang ang katahimikan ng libingan at nagsisimula pa lamang ang nakapagliligtas na gawain ni Cristo. Siya ay hindi matatagpuan ngayon “sa gitna ng mga patay” kundi sa gitna ng mga buhay (Lucas 24:5). Ang Kanyang mga turo ay hindi mapapatahimik, sapagkat ipapangaral ng Kanyang matatapat na disipulo ang ebanghelyo sa “lahat ng mga bansa,” na nagtitiwala sa Kanyang pangako na Siya ay “[pasasa kanila] palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:19–20).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20

Dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, ako man ay mabubuhay na mag-uli.

Sa mga talatang ito, mababasa mo ang isa sa pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sangkatauhan: ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Habang nagbabasa, ilagay ang sarili mo sa katayuan ng mga taong nakasaksi sa mga pangyayaring nakapalibot sa Pagkabuhay na Mag-uli. Ano kaya ang nadama ng mga saksing ito? Ano ang nadarama mo habang nagbabasa ka tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas? Pag-isipan kung paano ito nakaapekto sa iyo—sa pananaw mo sa buhay, sa pakikipag-ugnayan mo sa iba, sa pananampalataya mo kay Cristo, at sa pananampalataya mo sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkabuhay na Mag-uli”.

Lucas 24:13–35

Maaanyayahan natin ang Tagapagligtas na “manatili sa atin.”

Ang karanasan ng dalawang disipulong naglalakbay na nakakita sa Tagapagligtas ay maaaring magkaroon ng mga kahalintulad sa iyong landas ng pagkadisipulo. Anong mga koneksyon ang nakikita mo sa pagitan ng ulat na ito at ng mga karanasan mo bilang alagad ni Cristo? Paano mo Siya makakasama sa paglakad ngayon at maaanyayahang “manatili” nang kaunti pang panahon? (Lucas 24:29). Paano mo natatanto ang Kanyang presensya sa buhay mo? Sa anong mga paraan napatotohanan sa iyo ng Espiritu Santo ang kabanalan ni Jesucristo?

Lucas 24:36–43; Juan 20

May katawan ba si Jesucristo?

Sa pamamagitan ng mga kuwento ng pagpapakita ng nagbangong Panginoon kay Maria Magdalena at kalauna’y sa Kanyang mga pakikipag-ugnayan sa Kanyang mga disipulo, nalalaman natin na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus ay literal at pisikal. Sa Kanyang nabuhay na mag-uli at niluwalhating katawan, Siya ay naglakad, nakipag-usap, at kumain na kasama ng Kanyang mga alagad. Pinatototohanan din ng iba pang mga talata sa banal na kasulatan na si Jesucristo ay may katawang may laman at mga buto: Mga Taga Filipos 3:20–21; 3 Nephi 11:13–15; Doktrina at mga Tipan 110:2–3; 130:1, 22.

Juan 20:19–29

“Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon maʼy nagsisampalataya.”

Maaaring mahirap paniwalaan na ang isang bagay ay totoo nang hindi nakikita ang pisikal na ebidensya. Maaaring pakiramdam mo kung minsa’y para kang si Tomas, na nagsabing, “Malibang aking makita … ay hindi ako sasampalataya” (Juan 20:25). Bilang tugon, sinabi ng Tagapagligtas kay Tomas, “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29). Paano ka napagpala dahil sa paniniwala sa espirituwal na mga bagay na hindi mo nakikita? Ano ang nakakatulong sa iyo na manampalataya sa Tagapagligtas kahit hindi mo Siya nakikita? Anong iba pang mga katotohanan ang pinaniniwalaan mo kahit walang pisikal na katibayan? Paano mo patuloy na mapapalalakas ang iyong pananampalataya sa “mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo”? (Alma 32:21; tingnan din sa Eter 12:6). Isiping itala sa isang journal ang mga karanasang nakatulong sa iyo na maniwala kay Jesucristo, o ibahagi ang mga ito sa isang kakilala mo.

Juan 21:1–17

Inaanyayahan ako ng Tagapagligtas na pakainin ang Kanyang mga tupa.

Maaaring nakatutuwang ikumpara ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol sa Juan 21 sa unang pagkakataon na inutusan Niya silang ihagis ang kanilang mga lambat, na nakatala sa Lucas 5:1–11. Anong mga pagkakatulad at pagkakaiba ang nakikita mo? Anong mga ideya tungkol sa pagiging disipulo ang nakikita mo?

Isipin kung paano maaaring umangkop sa iyo ang mga salita ng Tagapagligtas kay Pedro sa Juan 21:15–17. May pumipigil ba sa iyo sa paglilingkod sa mga tupa ng Panginoon? Ano ang isasagot mo kapag tinanong ka ng Panginoon ng, “Iniibig mo baga ako?” Pagnilayan kung paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Panginoon.

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ang Unang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 83–85.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang tinatapos ninyong basahin ng inyong pamilya ang mga Ebanghelyo, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung ano ang mga alituntuning bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 28:6

Bakit kabilang sa ilan sa mga salitang puno ng pag-asa at kahalagahan ang mga salitang “Siya’y wala rito: sapagka’t siya’y nagbangon”?

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21

Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga kabanatang ito, pansinin ang mga taong nakaugnayan ni Jesus sa bawat kuwento. Halimbawa, sa isang punto ay maaari kayong magtuon sa mga taong dumalaw sa libingan ng Tagapagligtas. Sa isa pang punto, maaari ninyong pag-aralang mabuti ang mga ginawa ng mga Apostol o ng mga disipulo sa daan patungong Emaus.

si Cristo kasama ang dalawang disipulo

Road to Emmaus, ni Jon McNaughton

Mateo 28:16–20; Marcos 16:14–20; Lucas 24:44–53

Bilang pamilya, talakayin ang gawaing ipinagagawa ni Cristo sa Kanyang mga Apostol. Paano tayo makakatulong na maisagawa ang gawaing ito? Makapagbabahagi ba kayo ng isang pagkakataon na nadama ninyo na “gumagawang kasama [ninyo] ang Panginoon” upang matulungan kayong isakatuparan ang Kanyang mga layunin? (Marcos 16:20).

Juan 21:15–17

Isiping basahin ang mga talatang ito habang sabay-sabay kayong kumakain. Makapagdaragdag ito ng kaunting kahulugan sa mga salita ng Tagapagligtas na “pakanin mo ang aking mga tupa.” Batay sa itinuro ni Jesus tungkol sa mga tupa sa Bagong Tipan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 9:35–36; 10:5–6; 25:31–46; Lucas 15:4–7; Juan 10:1–16), bakit magandang metapora ang pagpapakain sa mga tupa para sa pangangalaga at pagkalinga sa mga anak ng Diyos? Ano ang itinuturo ng metapora tungkol sa damdamin ng Ama sa Langit at ni Jesus tungkol sa atin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gumamit ng musika upang anyayahan ang Espiritu at matutuhan ang doktrina. Ang pakikinig o pagkanta ng mga himnong tulad ng “Siya’y Nagbangon!” o “Si Cristo Ngayo’y Nabuhay,” Mga Himno, blg. 119, 120, ay makapag-aanyaya sa Espiritu at matutulungan kayong matuto tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.

nagpakita si Cristo kay Maria sa libingan sa halamanan

Woman, Why Weepest Thou? ni Simon Dewey