Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 1–7. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko’


“Hulyo 1–7. Mga Gawa 1–5: ‘Kayo’y Magiging mga Saksi Ko’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 1–7. Mga Gawa 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

araw ng Pentecostes

Araw ng Pentecostes, ni Sidney King

Hulyo 1–7

Mga Gawa 1–5

“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”

Habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa 1–5, mabibigyang inspirasyon ka ng Espiritu Santo na mahanap ang mga katotohanan na may kaugnayan sa iyong buhay. Tandaan ang mga talata na nakintal sa isip mo, at humanap ng mga pagkakataong ibahagi ang natututuhan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Naisip mo na ba kung ano ang maaaring iniisip at nadarama ni Pedro nang siya, kasama ng mga Apostol, ay “tinitigan ang langit” habang si Jesus ay umaakyat papunta sa Kanyang Ama? (Mga Gawa 1:10). Ang Simbahang itinatag ng Anak ng Diyos ay pinamumunuan na ngayon ni Jesus sa pamamagitan ni Pedro, na propeta ng Diyos. Ang tungkulin na pamunuuan ang mga pagsisikap na “[turuan o] gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa” ay nasa kamay na ngayon ni Pedro (Mateo 28:19). Pero kung nakadama siya ng kakulangan o takot, wala tayong nakikitang anumang ebidensya nito sa aklat ng Mga Gawa. Ang nakikita natin ay ang mga halimbawa ng walang takot na patotoo at pagbabalik-loob, mahimalang mga paggaling, espirituwal na pagpapakita, at malaking pag-unlad para sa Simbahan. Ngayon, dahil sa kaloob ng Espiritu Santo, si Pedro ay hindi na ang mangmang na mangingisda na natagpuan ni Jesus sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Ni hindi na siya ang taong balisa na ilang linggo pa lang ang nakalipas ay tumatangis at namimighati dahil itinatwa niya na nakilala niya si Jesus ng Nazaret.

Sa aklat ng Mga Gawa, mababasa mo ang makapangyarihang mga pahayag tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Malalaman mo rin kung paano mababago ng ebanghelyo ang mga tao—pati na ikaw—na maging magigiting na disipulo na batid ng Diyos na kaya nilang maging.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Gawa 1:1–8, 15–26; 2:1–42; 4:1–13, 31–33

Pinapatnubayan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Nakatala sa aklat ng Mga Gawa ang pagsisikap ng mga Apostol na itatag ang Simbahan ni Jesucristo matapos ang Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas. Bagama’t wala na si Jesucristo sa lupa, pinatnubayan Niya ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag ng Espiritu Santo. Isipin kung paano ginabayan ng Espiritu Santo ang mga bagong lider ng Simbahan ni Cristo habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na talata: Mga Gawa 1:1–8, 15–26; 2:1–42; 4:1–13, 31–33.

Ano ang ilan sa mga gawain, mga tungkulin o responsibilidad na ibinigay sa iyo ng Panginoon? Ano ang natututuhan mo mula sa mga karanasan ng mga naunang Apostol tungkol sa kung paano ka maaaring umasa sa Espiritu Santo na gabayan ka?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Espiritu Santo.”

Mga Gawa 2:1–18

Ano ang layunin ng kaloob na mga wika?

Ang kaloob na mga wika kung minsan ay itinuturing na pagsasalita sa isang wika na walang sinumang nakauunawa. Gayunpaman, tinukoy ni Propetang Joseph Smith ang mga pangyayari sa Mga Gawa 2 upang linawin na ang mga kaloob ng Espiritu ay “[ibinigay para sa layuning] makapangaral sa mga taong ang wika ay hindi maunawaan; tulad noong panahon ng Pentecostes. … Ang mahalagang layon ng [kaloob na] mga wika ay makapagsalita sa mga dayuhan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 449). Ang Kapistahan ng Pentecostes, isang malaking pista-opisyal ng mga Judio, ay nagtipon sa mga Judio mula sa maraming bansa tungo sa Jerusalem. Tinutulutan ng kaloob na mga wika na maunawaan ng mga bisita ang mga salita ng mga Apostol sa kanilang katutubong wika.

Mga Gawa 2:36–47; 3:13–21

Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay tumutulong sa akin na lumapit kay Cristo.

Nadama mo na ba na “nangasaktan ang [iyong] puso,” tulad ng mga Judio noong panahon ng Pentecostes? (Mga Gawa 2:37). Siguro may isang bagay kang ginawa na pinanghihinayangan mo, o baka gusto mo lang baguhin ang iyong buhay. Ano ang dapat mong gawin kapag ganito ang nadarama mo? Ang payo ni Pedro sa mga Judio ay matatagpuan sa Mga Gawa 2:38. Pansinin kung paano naapektuhan ng mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo (kabilang ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo—o ang tinutukoy kung minsan na doktrina ni Cristo) ang mga miyembro, gaya ng nakatala sa Mga Gawa 2:37–47.

Maaaring nabinyagan ka na at natanggap mo na ang kaloob na Espiritu Santo, kaya paano mo patuloy na ipamumuhay ang doktrina ni Cristo? Isaisip ang mga salitang ito mula kay Elder Dale G. Renlund: “Maaari tayong maging sakdal kung paulit-ulit at palagi tayong … nananampalataya [kay Cristo], nagsisisi, nakikibahagi ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan at pagpapala ng binyag, at tumatanggap ng Espiritu Santo upang makasama natin nang mas palagian. Kapag ginawa natin ito, higit tayong nagiging katulad ni Cristo at nakakatiis hanggang wakas, [sa kabila ng lahat na kaakibat nito]” (“Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 56).

Tingnan din sa 2 Nephi 31; 3 Nephi 11:31–4127; Brian K. Ashton, “Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 106–9.

Mga Gawa 3:19–21

Ano ang “mga panahon ng kaginhawahan” at “panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay”?

“Ang mga panahon ng kaginhawahan” ay tumutukoy sa panahon ng Milenyo, kung kailan ay babalik si Jesucristo sa lupa. Ang “mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay” ay tumutukoy sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

Mga Gawa 3; 4:1–31; 5:12–42.

Ang mga disipulo ni Jesucristo ay binigyan ng kapangyarihang magsagawa ng mga himala sa Kanyang pangalan.

Ang lalaking pilay ay umaasang tatanggap ng pera mula sa mga taong nagpunta sa templo. Pero mas malaki ang inialok sa kanya ng mga lingkod ng Panginoon. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 3; 4:1–31; at 5:12–42, isipin kung paano nakaapekto ang sumunod na himala:

sa lalaking pilay

kina Pedro at Juan

sa mga saksi sa templo

sa mga mataas na saserdote at pinuno

Iba pang mga Banal

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Gawa 2:37

Kailan natin nadamang “nangasaktan ang [ating] puso” nang itinuturo ng isang tao ang ebanghelyo? Ano ang ibig sabihin ng pakiramdam na ito? Bakit mahalagang sabihin ang, “Ano ang gagawin namin?” kapag ganito ang pakiramdam natin?

Mga Gawa 3:1–8

Paanong naiiba ang pagpapalang natanggap ng lalaki sa templo kaysa inaasahan niya? Paano natin nakita ang mga pagpapala ng Ama sa Langit na dumarating sa atin sa mga paraang hindi natin inaasahan?

Pinagagaling ni Pedro ang isang lalaki

Ang Nasa Akin ay Siya Kong Ibinibigay sa Iyo, ni Walter Rane

Mga Gawa 3:12–26; 4:1–21; 5:12–42

Ano ang hinahangaan mo tungkol sa katapatan nina Pedro at Juan? Paano tayo magiging matatag sa ating patotoo kay Jesucristo?

Mga Gawa 4:32–5:11

Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na isadula ang kuwento nina Ananias at Safira gamit ang mga simpleng costume at ilang barya. Anong mga aral ang natututuhan natin sa kuwentong ito? Depende sa mga pangangailangan ng inyong pamilya, maaari ninyong talakayin ang katapatan, pagsang-ayon sa mga pinuno ng Simbahan, o lubos na paglalaan.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pumili ng isang paksa. Hayaang maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya na pumili ng paksa mula sa Mga Gawa 1–5 na sama-samang pag-aaralan.

Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Ang Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, ni William Henry Margetson