Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15: ‘Lumago ang Salita ng Diyos at Dumami’


“Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15: ‘Lumago ang Salita ng Diyos at Dumami’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 15–21. Mga Gawa 10–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Kausap ni Cornelio si Pedro

Hulyo 15–21

Mga Gawa 10–15

“Lumago ang Salita ng Diyos at Dumami”

Basahing mabuti ang Mga Gawa 10–15, na binibigyan ng panahon ang Espiritu na gabayan ka sa kaisipan at damdamin. Ano ang matututuhan mo sa mga kabanatang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa Kanyang mortal na ministeryo, madalas mahamon ng mga turo ni Jesucristo ang matatagal nang tradisyon at paniniwala ng mga tao; hindi ito natigil matapos Siyang umakyat sa langit—pagkatapos ng lahat, patuloy Niyang ginabayan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Halimbawa, noong nabubuhay pa si Jesus ipinangaral lamang ng Kanyang mga disipulo ang ebanghelyo sa mga kapwa Judio. Ngunit agad-agad, matapos mamatay ang Tagapagligtas at si Pedro ang naging propeta ng Simbahan, inihayag ni Jesucristo kay Pedro na takdang oras na para ipangaral ang ebanghelyo sa mga hindi Judio. Ang ideya ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Gentil ay tila hindi nakakagulat ngayon, kaya ano ang aral para sa atin ng salaysay na ito? Marahil ang isang aral ay na ang mga pagbabago sa mga patakaran at kaugalian—kapwa sa sinauna at makabagong Simbahan—ay dumarating sa paghahayag mula sa Panginoon para sa Kanyang hinirang na mga pinuno (Amos 3:7; DT 1:38). Ang patuloy na paghahayag ay mahalagang katangian ng tunay at buhay na Simbahan ni Jesucristo. Tulad ni Pedro, kailangang handa tayong tanggapin ang patuloy na paghahayag at mamuhay “ayon sa bawat salita ng Diyos” (Lucas 4:4), kabilang na ang “lahat ng [Kanyang] ipinahayag, ang lahat na Kanyang ipinahahayag ngayon” at ang “maraming dakila at mahahalagang bagay” na ipahahayag pa Niya “hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Gawa 10

“Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”

Sa loob ng maraming henerasyon, naniwala ang mga Judio na ang ibig sabihin ng pagiging “binhi ni Abraham” o literal na inapo ni Abraham, ay tinanggap (hinirang) ng Diyos ang isang tao (tingnan sa Lucas 3:8). Lahat ng iba pa ay itinuturing na “maruming” Gentil na hindi tinatanggap ng Diyos. Sa Mga Gawa 10, ano ang itinuro ng Panginoon kay Pedro tungkol sa taong “kalugodlugod sa kaniya”? (Mga Gawa 10:35). Anong katibayan ang nakita mo sa kabanatang ito na si Cornelio ay namumuhay nang matwid na kalugud-lugod sa Panginoon? Bakit mahalagang malaman na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao” (talata 34), ibig sabihin na matatanggap ng lahat ng tao ang mga pagpapala ng ebanghelyo kung ipinamumuhay nila ang ebanghelyo? (tingnan sa 1 Nephi 17:35).

Tulad ng mga Judio na mababa ang tingin sa mga taong hindi binhi ni Abraham, nahuhuli mo ba ang sarili mo na gumagawa ng hindi mabuti o mga maling akala tungkol sa isang taong kaiba sa iyo? Paano natin maaalis ang ugaling ito? Maaaring nakakatuwang subukan ang isang simpleng aktibidad sa susunod na ilang araw: Sa tuwing may makakasalamuha ka, sikaping isipin na, “Ang taong ito ay anak ng Diyos.” Sa paggawa mo nito, ano ang mga pagbabagong napansin mo sa paraan ng pag-iisip at pakikihalubilo mo sa iba?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 48–51; 1 Samuel 16:7.

Mga Gawa 10; 11:1–1815

Tinuturuan ako ng Ama sa Langit nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng paghahayag.

Nang makita ni Pedro ang pangitain na nakalarawan sa Mga Gawa 10, nahirapan siya noong una na maunawaan ito at “natitilihang totoo … sa kanyang sarili kung ano ang kahulugan [nito]” (talata 17). Gayunman, binigyan ng Panginoon si Pedro ng dagdag na kaalaman nang hangarin ito ni Pedro. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 10, 11, at 15, pansinin kung paano lumalim ang pang-unawa ni Pedro sa kanyang pangitain sa paglipas ng panahon. Paano ka naghangad at nakatanggap ng dagdag na pang-unawa mula sa Diyos noong may mga katanungan ka?

Ang Mga Gawa 10, 11, at 15 ay gumugunita sa mga pangyayari kung saan inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga lingkod sa pamamagitan ng paghahayag. Maaaring makatulong ang pagtatala ng nalaman mo tungkol sa paghahayag habang binabasa mo ang mga kabanatang ito. Paano nangungusap sa iyo ang Espiritu?

Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Hayaang Patnubayan ng Espiritu Santo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 93–96.

Mga Gawa 11:26

Ako ay isang Kristiyano dahil ako ay naniniwala at sumusunod kay Jesucristo.

Ano ang mahalaga sa isang tao na tinatawag na Kristiyano? (tingnan sa Mga Gawa 11:26). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng makilala bilang isang Kristiyano o taglayin sa iyong sarili ang pangalan ni Jesucristo? (tingnan sa DT 20:77). Isipin ang kahalagahan ng mga pangalan. Halimbawa, ano ang kahulugan sa iyo ng inyong apelyido? Bakit mahalaga ang pangalan ng Simbahan ngayon? (tingnan sa DT 115:4).

Tingnan din sa Mosias 5:7–15; Alma 46:13–15; 3 Nephi 27:3–8; M. Russell Ballard, “Ang Kahalagahan ng Pangalan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 79–82.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Gawa 10:17, 20

Nagkaroon ba tayo ng mga espirituwal na karanasan at kalaunan ay pinagdudahan ang ating nadama o natutuhan? Anong payo ang maibibigay natin sa bawat isa na maaaring makatulong sa atin na madaig ang ating mga pagdududa? (Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Baka Iyong Malimutan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 113–15.)

Mga Gawa 12:1–17

Nang si Pedro ay itinapon sa bilangguan, nagtipon ang mga miyembro ng Simbahan at nagdasal para sa kanya. May isang tao ba na nadarama ng inyong pamilya na dapat ipagdasal, tulad ng isang lider ng Simbahan o mahal sa buhay? Ano ang ibig sabihin ng manalangin nang “walang humpay”? (Mga Gawa 12:5).

naligtas si Pedro mula sa bilangguan

Peter Delivered from Prison, ni A. L. Noakes

Mga Gawa 14

Habang sama-sama ninyong binabasa ang kabanatang ito, maaaring isulat ng ilang miyembro ng pamilya ang mga pagpapalang dumating sa mga alagad at Simbahan, habang isinusulat ng iba pang miyembro ng pamilya ang oposisyon o mga pagsubok na naranasan ng mga disipulo. Bakit tinutulutan ng Diyos ang mahihirap na bagay na mangyari sa mabubuting tao?

Mga Gawa 15:1–21

Inilalarawan ng mga talatang ito ang isang pagtatalo sa Simbahan hinggil sa kung ang binyagang Gentil (hindi Judio) ay dapat tuliin bilang tanda ng kanilang tipan. Ang pagtatalong ito ay nalutas pagkatapos magpulong ang mga Apostol para isaalang-alang ang paksa at pagkatapos ay tumanggap ng inspiradong sagot. Maaaring magandang pagkakataon upang turuan ang inyong pamilya na ang pattern na iyon ay angkop din ngayon. Bilang pamilya, pumili ng isang tanong tungkol sa ebanghelyo na gusto ninyong magkakasamang malaman ang sagot. Sama-samang maghanap ng mga ideya sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga makabagong propeta at apostol.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdrowing ng isang larawan. Ang mga larawan ay makakatulong sa mga miyembro ng pamilya na mailarawan ang mga turo at kuwento sa banal na kasulatan. Maaari ninyong basahin ang ilang talata at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya para magdrowing ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Halimbawa, maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdodrowing ng mga larawan ng pangitain ni Pedro na nasa Mga Gawa 10.

Cornelio at Pedro

Ang mahimalang pangitain ng senturion na si Cornelio at ang paglalakbay para makipagkita kay Pedro ay nagpapakita na “hindi nagtatangi and Dios ng mga tao” (Mga Gawa 10:34).