Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’


“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Si Pablo sa daan patungong Damasco

May We So Live, ni Sam Lawlor

Hulyo 8–14

Mga Gawa 6–9

“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”

Magsimula sa pagbabasa ng Mga Gawa 6–9. Matutulungan ka ng mga mungkahi sa outline na ito na tukuyin ang ilan sa mahahalagang alituntunin na nasa mga kabanatang ito, bagama’t maaari mong mahanap ang iba sa sarili mong pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung mayroon mang tila hindi magbabalik-loob, marahil si Saulo iyon—isang Fariseo na may reputasyon na tagausig ng mga Kristiyano. Kaya nang sabihin ng Panginoon sa isang alagad na nagngangalang Ananias na hanapin si Saulo at alukin siya ng basbas, natural lang na nag-alangan si Ananias. “Panginoon,” sabi niya, “nabalitaan ko sa marami ang tungkol sa taong ito, kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal” (Mga Gawa 9:13). Ngunit batid ng Panginoon ang puso ni Saulo at ang kanyang potensyal, at mayroon Siyang misyon para kay Saulo: “Siya’y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel” (Mga Gawa 9:15). Kaya’t sumunod si Ananias, at nang matagpuan niya ang dating mang-uusig na ito, tinawag niya itong “Kapatid na Saulo” (Mga Gawa 9:17). Kung lubusang nagbago ni Saulo at malaya siyang binati ni Ananias, kung gayon dapat ba nating ituring ang kahit sino na malamang na hindi kandidato na magbago—kabilang na ang ating mga sarili?

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Gawa 6–8

Ang puso ko ay kailangang maging “matuwid sa harap ng Dios.”

Ang ibig sabihin ng lumalagong Simbahan ay lumalaking pangangailangan para maglingkod ang mga alagad sa kaharian. Ayon sa Mga Gawa 6:1–15, anong mga katangian ang hinahanap ng Labindalawang Apostol sa mga taong makakasama nilang maglingkod? Habang binabasa mo ang Mga Gawa 6–8, pansinin kung paanong ang mga katangiang ito, at ang iba pa, ay nakita sa mga taong tulad nina Esteban at Felipe. Ano ang kulang kay Simon, at ano ang matututuhan natin mula sa kanya tungkol sa kahandaang magbago?

Mayroon bang anumang bagay na sa iyong pakiramdam ay dapat mong baguhin para matiyak na ang puso mo ay “matuwid sa harap ng Dios”? (Mga Gawa 8:21–22). Paano ka mapagpapala ng paggawa ng mga pagbabagong ito habang naglilingkod ka sa Diyos?

Mga Gawa 6–7

Ang hindi pagsunod sa panghihikayat ng Espiritu Santo ay maaaring humantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta.

Ang mga pinuno ng mga Judio, bagama’t inutusan silang ihanda ang mga tao para sa pagdating ng Mesiyas, ay hindi tinanggap si Jesucristo at hiniling na Siya ay Ipako sa Krus dahil sa kanilang kapalaluan at paghahangad sa kapangyarihan. Paano ito nangyari? Sinabi ni Esteban sa kanila, “Kayo’y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo” (Mga Gawa 7:51). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagsalangsang sa (o kalabanin ang) Espiritu Santo? Bakit ang pagsalangsang sa Espiritu Santo ay humahantong sa hindi pagtanggap sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta?

Habang binabasa mo ang Mga Gawa 6–7, alamin ang iba pang mga mensahe na itinuro ni Esteban sa mga Judio. Para sa anong mga saloobin ang kanyang mga babala? May natutuklasan ka bang anumang katulad na mga saloobin sa sarili mo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salita ni Esteban tungkol sa mga bunga ng pagsalangsang sa Espiritu Santo? Paano ka magiging mas sensitibo at mas tumutugon sa mga paramdam ng Espiritu Santo sa iyong buhay?

Mga Gawa 7:54–60

Bukod kay Esteban, sino pa ang pinaslang dahil sa kanilang patotoo kay Jesucristo?

Si Esteban ay ang unang kilalang Kristiyanong martir (isang taong pinatay dahil sa kanyang mga paniniwala) pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus. Namatay din ang maraming iba pang mga Banal sa kasaysayan dahil ayaw nilang itatwa ang pananampalataya nila kay Jesucristo. Ang ilan dito ay binanggit sa II Mga Cronica 24:20–21; Marcos 6:17–29; Mga Gawa 12:1–2; Apocalipsis 6:9–11; Mosias 17:20; Alma 14:8–11; Helaman 13:24–26; Doktrina at mga Tipan 109:47–49; 135:1–7; at Abraham 1:11. Malamang na pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, ang lahat ng mga Apostol maliban kay Juan ay namatay bilang mga martir.

Mga Gawa 8:26–39

Tutulungan ako ng Espiritu Santo na gabayan ang iba patungo kay Jesucristo.

Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo mula sa salaysay sa Mga Gawa 8:26–39? Paano tinulungan ng Espiritu Santo si Felipe? Paanong ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba ay tulad ng pagiging gabay? (tingnan sa Mga Gawa 8:31).

Mga Gawa 9:1–31

Kapag nagpapailalim ako sa kagustuhan ng Panginoon, maaari akong maging instrumento sa Kanyang mga kamay.

Ang pagbabalik-loob ni Saulo ay tila masyadong biglaan; “pagdaka” mula sa pagbibilanggo sa mga Kristiyano siya ay nangangaral tungkol kay Cristo sa mga sinagoga (Mga Gawa 9:20). Habang binabasa mo ang kanyang kuwento, pag-isipang mabuti kung bakit siya ay handang magbago. (Para mabasa ang sariling paliwanag ni Saulo tungkol sa kanyang pagbabalik-loob, tingnan sa Mga Gawa 22:1–16 at 26:9–18. Tandaan na noong panahon ng mga kuwentong ito, ang pangalan ni Saulo ay binago at naging Pablo.)

Bagama’t totoo na hindi pangkaraniwan ang karanasan ni Saulo—para sa karamihan, ang pagbabalik-loob ay mas mahabang proseso—mayroon ka bang anumang matututuhan mula kay Saulo tungkol sa pagbabalik-loob? Ano ang natutuhan mo sa naging pagtugon ni Ananias at ng iba pang mga disipulo sa pagbabalik-loob ni Saulo? Ano ang gagawin mo para maipamuhay ang mga aral na ito? Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagtatanong sa panalangin, tulad ng ginawa ni Saulo, “Ano ang nais ninyong gawin ko?” O maaari mong isulat ang tanong na ito bilang pamagat sa iyong journal at itala ang mga impresyon na dumarating sa iyo sa paglipas ng panahon.

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Paghihintay sa Daan Patungong Damasco,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 70–77.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Gawa 6:8–7:60

Ihambing ang mga salaysay ni Esteban sa Mga Gawa 6:8 at Mga Gawa 7:51–60 sa mga salaysay tungkol sa Tagapagligtas sa Lucas 23:1–46. Paano sinunod ni Esteban ang halimbawa ng Tagapagligtas?

Mga Gawa 7:51–60

Paano pinagpala ng Espiritu Santo si Esteban nang siya ay pinag-uusig? Kailan natin natanggap ang kalakasan mula sa Espiritu Santo sa mahirap na panahon?

Mga Gawa 9:5

Alam ba ng pamilya mo ang ibig sabihin ng “sumipa laban sa mga prick o matalim na bagay”? Ang prick ay matalim na sibat na ginagamit noon sa pagtataboy ng mga hayop. Kadalasan ang mga hayop ay sumisipa kapag natutusok, na dahilan para lalong bumaon ang sibat sa laman ng hayop. Sa paanong paraan angkop ang analohiyang ito sa atin?

Binuhay ni Pedro si Tabita mula sa mga patay

Tabitha Arise, ni Sandy Freckleton Gagon

Mga Gawa 9:32–43

Isiping anyayahan ang mga miyembro ng inyong pamilya na magdrowing ng mga larawan ng mga kuwento sa Mga Gawa 9:32–43. Ano ang natutuhan nila tungkol sa pagiging tunay na disipulo mula kina Eneas, Tabita, at sa mga balo ng Joppe? Paanong matutulungan ng isang taong “puspos ng mabubuting gawa” ang iba na maniwala sa Panginoon? (tingnan sa Mga Gawa 9:36, 42; “Kabanata 60: Binuhay ni Pedro si Tabita,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 156–57, o ang katumbas na video sa LDS.org.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Habang ikaw ay nagbabasa, pag-isipan kung paano naaangkop sa iyong buhay ang mga kuwento at aral sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, kailan mo naramdaman na “puspos [ka] ng Espiritu Santo” sa mga oras ng pagsubok o pang-uusig? (Mga Gawa 7:55).

Binabato si Esteban

Nakikita Ko ang Anak ng Tao na Nakatayo sa Kanang Kamay ng Diyos, ni Walter Rane