“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9: ‘Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Hulyo 8–14. Mga Gawa 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Hulyo 8–14.
Mga Gawa 6–9
“Ano ang Nais Ninyong Ipagawa sa Akin?”
Magsimula sa pagbasa sa Mga Gawa 6–9. Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito. Maaaring iakma ang mga aktibidad para sa nakababatang mga bata sa outline na ito para sa nakatatandang mga bata, at vice versa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Isulat ang ilan sa mga pangalan ng mga tao mula sa Mga Gawa 6–9 sa pisara—tulad halimbawa nina Saulo o Esteban. Ipabahagi sa mga bata ang mga nalalaman nila tungkol sa mga taong ito.
Ituro ang Doktrina
Nakababatang mga Bata
Kaya kong sundin si Jesucristo sa pamamagitan ng paninindigan sa tama.
Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata mula kay Estaban tungkol sa pagiging mga alagad ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na lumikha ng mga galaw para sa isang awitin tungkol sa pagpili ng tama, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81). Gamitin ang Mga Gawa 7:51–60 sa pagkukuwento sa mga bata kung paano nagturo si Esteban tungkol kay Jesucristo, kahit na nagalit nang husto ang mga pinunong Judio dahil dito (tingnan din sa “Kabanata 57: Pinatay ng Masasamang Tao si Esteban,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 150–51, o ang katumbas na video sa LDS.org). Paano nanindigan si Esteban sa tama?
-
Bigyan ang mga bata ng ilang sitwasyon kung saan ang mga bata ay kailangang pumili sa pagitan ng tama o mali. Itanong sa mga bata kung ano ang gagawin nila para manindigan sa tama.
Hinihikayat ako ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.
Sinunod ni Felipe ang mga pahiwatig ng Espiritu at tinulungan ang lalaking Etiope na nahihirapang unawain ang mga banal na kasulatan. Anong mga aral ang maituturo ng kuwentong ito sa mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Kumuha ng dalawang upuan upang lumikha ng isang karwahe. Hilingin sa dalawang bata na umupo sa karwahe, ang isa ay kakatawan kay Felipe at ang isa naman ay sa lalaking Etiope. Pagkatapos ay isalaysay kung paano tinuruan ni Felipe ng ebanghelyo ang lalaking mula sa Ethiopia.
-
Naramdaman mo na bang sinabi sa iyo ng Espiritu Santo na ibahagi ang ebanghelyo sa isang tao, katulad ng naranasan ni Felipe sa Mga Gawa 8:29? Ibahagi ang iyong karanasan sa mga bata.
Kapag nagkakamali ako, inaanyayahan ako ng Ama sa Langit na magsisi at magbago.
Nang sabihin ni Jesus kay Saulo na tumigil sa pang-uusig sa Simbahan ng Panginoon, agad na nagsisi si Saulo at nagbago. Paano matutulungan ng salaysay na ito ang mga batang tinuturuan mo na hangaring magbago kaagad kapag nagkamali sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento tungkol sa pagbabalik-loob ni Saulo, na matatagpuan sa Mga Gawa 9:1–20 (tingnan din sa “Kabanata 59: Nalaman ni Saulo ang Tungkol kay Jesus,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 154–55, o ang katumbas na video sa LDS.org).
-
Ilista o magdala ng mga larawan ng mga bagay na nagbabago, tulad ng butete na nagiging palaka, o mga puno sa iba’t ibang panahon. Paano nagbago si Saulo nang dalawin siya ni Jesucristo?
-
Magdrowing sa pisara ng isang sangang-daan. Sabihin sa mga bata na magbanggit ng mga pangalan ng lugar na gusto nilang bisitahin, at isulat ang mga ito sa itaas ng isang daan. Ano ang mangyayari kung pumunta tayo sa maling landas? Paano naihahalintulad ang pagsisisi sa pagbalik sa tamang landas?
-
Hilingin sa mga bata na ulitin ang sinabi ni Saulo sa Panginoon: “Ano ang nais ninyong ipagawa sa akin?” Ano ang nais ng Panginoon na gawin natin?
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ako ay magiging isang saksi ni Jesucristo.
Paano ninyo matutulungan ang mga batang inyong tinuturuan na matuto mula sa halimbawa ni Esteban sa pagtayo bilang saksi ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Mga Gawa 6:5–15 at 7:51–60. Paano naging isang saksi ni Jesucristo si Esteban? Anyayahan ang isa o mahigit pang mga bata na magkunwaring sila si Esteban at ibahagi ang kanilang mga paniniwala at bakit.
-
Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagbasa ng Mga Gawa 6:3–10, hinahanap ang mga katangian ni Esteban na tumulong sa kanya na maglingkod.
-
Sabihin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng mga sitwasyon kung saan sila ay makatatayo bilang mga saksi ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Tulungan silang isadula ang ilan sa mga sitwasyong ito. Hilingin sa mga bata na basahin ang Mosias 18:9. Ipaliwanag na ang pagiging isang saksi ni Jesucristo ay kasama sa mga pangakong ginawa natin sa binyag.
-
Isulat ang mga pangalang Esteban at Felipe sa pisara. Sa ilalim ng pangalan ni Esteban, isulat ang mga paraan na maaari tayong maging halimbawa sa iba. Sa ilalim ng pangalan ni Felipe, isulat ang mga paraan na maaari nating ibahagi sa iba ang ebanghelyo. Paano nakakatulong sa atin ang pagiging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo para maibahagi ang ebanghelyo?
Ang priesthood ay isang walang katumbas na kaloob ng Diyos.
Ikinakalat ni Satanas ang mensahe na nagdudulot sa atin ng kaligayahan ang mga materyal na bagay. Paano mo magagamit ang kuwento ni Simon para tulungan ang mga bata na pahalagahan ang mga espirituwal na bagay tulad ng priesthood at mga pagpapala nito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento ni Simon, na matatagpuan sa Mga Gawa 8:5–24 (tingnan din sa “Kabanata 58: Si Simon at ang Priesthood,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 152–53, o ang katumbas na video sa LDS.org). Bakit hindi natin matatanggap ang priesthood sa pamamagitan ng pagbili nito? Paano talaga tinatanggap ng isang tao ang priesthood? (tingnan sa Saligan ng Pananampalataya 1:5).
-
Bigyan ang mga bata ng pera-perahan, at magdispley ng mga larawan ng mga bagay na mabibili ng pera. Itanong sa mga bata kung magkano sa kanilang pera-perahan ang ibibigay nila para sa mga bagay na ito. Pagkatapos ay magpakita ng mga larawan ng sakramento, isang templo (kumakatawan sa mga pagpapala ng templo), binyag, at iba pang mga pagpapalang natatanggap natin sa pamamagitan ng priesthood. Ipaliwanag na ang mga kaloob na ito ng Diyos ay walang katumbas at hindi mabibili ng salapi.
Kapag nagkakamali ako, inaanyayahan ako ng Ama sa Langit na magsisi at magbago.
Nang sabihin ni Jesus kay Saulo na tumigil sa pang-uusig sa Simbahan ng Panginoon, agad na nagsisi si Saulo at nagbago. Paano matutulungan ng salaysay na ito ang mga batang tinuturuan mo na hangaring magbago kaagad kapag nagkamali sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na itupi ang isang papel sa gitna. Ipasulat sa kanila ang Bago sa isang kalahati at Pagkatapos sa isa pang kalahati. Basahin ninyo ng mga bata ang Mga Gawa 8:1–3; 9:1–2; at 9:17–22, na naghahanap ng mga salita o pariralang naglalarawan kay Saulo bago at pagkatapos niyang makita ang Panginoon.
-
Anyayahan ang isang miyembro ng ward na ibahagi ang kuwento ng kanyang pagbabalik-loob at kung paano nagbago ang kanyang buhay nang maging miyembro siya ng Simbahan, gaya ng pagbabago ng buhay ni Saulo.
-
Magdrowing ng isang “daan patungong Damasco” sa pisara. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mga Gawa 9:6, 11, 18, 20–22, na hinahanap ang ginawa ni Saulo para magsisi at bumaling kay Cristo, at isulat ang mga ginawa niya sa daan. Ano ang natututuhan natin mula kay Saulo kung paano tayo magiging mas katulad ni Cristo?
-
Anyayahan ang mga bata na idrowing ang paborito nilang bahagi sa kuwento ng pagbabalik-loob ni Saulo at ipakita ang kanilang drowing sa klase.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ikuwento sa kanilang pamilya ang kanilang paboritong aktibidad sa klase ngayon at kung ano ang natutuhan nila rito.