Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Dios upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio’


“Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Dios upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

si Pablo sa Areopago (Mars Hill)

Hulyo 22–28.

Mga Gawa 16–21

“Kami’y Tinawag ng Dios upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio”

Matapos basahin ang Mga Gawa 16–21, isipin kung paano makakatulong ang mga pahiwatig ng Espiritu at mga ideya sa outline na ito sa paghahanda mo ng lesson. Sumangguni sa “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Nakababatang mga Bata” sa manwal na ito para sa karagdagang tulong.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na sabihin sa iyo kung paano katulad ni Pablo ang mga missionary ngayon. Itanong, “Naibahagi na ba ninyo ang ebanghelyo sa iba?”

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Gawa 16:25–34

Nagtuturo ang mga missionary sa mga tao tungkol kay Jesus.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung ano ang ginagawa ng mga missionary? Paano mo maipapaunawa sa mga bata na maibabahagi nila ang ebanghelyo sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang Mga Gawa 16:25–34 habang ibinubuod mo ang salaysay tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo nina Pablo at Silas sa bilangguan (tingnan din sa “Kabanata 61: Sina Pablo at Silas sa Bilangguan,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 158–60, o ang katumbas na video sa LDS.org). Ipaliwanag na tinuturuan din ng mga missionary ngayon ang mga tao tungkol kay Jesus at tinutulungan silang maghandang mabinyagan.

  • Gumawa ng mga missionary name tag na maikakabit ng mga bata sa damit nila, at tulungan silang isulat ang pangalan nila sa mga tag. Turuan ang mga bata ng mga simpleng pahayag ng doktrina na maibabahagi nila sa iba, tulad ng “Ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit,” “Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng isang buhay na propeta,” o “Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas.”

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga detalye tungkol sa isang taong kilala nila na nasa misyon. Maaari silang magdrowing ng isang larawan o sumulat ng maikling mensahe para ipadala sa isang missionary.

Mga Gawa 17:10–12

Pinatototohanan ng mga banal na kasulatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Bagama’t maaaring hindi pa marunong magbasa ang ilan sa mga batang tinuturuan mo, matutulungan mo silang matutuhang mahalin ang mga banal na kasulatan at makita kung paano pinatototohanan ng mga ito ang Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Maglagay ng ilang kopya ng mga banal na kasulatan sa paligid ng silid, at ipahanap ang mga ito sa mga bata. Tulungan ang isa sa mga bata na basahin ang pariralang “Siniyasat [nila] araw-araw ang mga kasulatan” (Mga Gawa 17:11). Anyayahan ang mga bata na ituro ang bawat araw sa isang linggo sa kalendaryo habang sinasabayan ka nilang bigkasing muli ang pariralang ito.

  • Para maituro sa mga bata na pinatototohanan ng mga banal na kasulatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo, tulungan silang buksan ang isang kabanata sa mga banal na kasulatan, tulad ng Mga Gawa 1718, at hanapin doon ang mga salitang Diyos o Panginoon. Maaari mong markahan ang mga salitang ito para mas madaling mahanap ng mga bata ang mga ito. Tuwing makikita nila ang isa sa mga salitang ito, anyayahan silang magbahagi ng isang bagay na alam nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Gawa 17:22–31

Ako ay anak ng Diyos.

Sa Areopago (Mars’ Hill), itinuro ni Pablo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos, pati na ang mga katotohanan na tayo ay Kanyang mga anak at na “hindi siya malayo sa bawa’t isa sa atin” (Mga Gawa 17:27). Paano mo matutulungan ang mga bata na mapalapit sa Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Tayo nga’y lahi ng Dios” (Mga Gawa 17:29), at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng lahi ay anak. Magpatotoo sa bawat bata, nang paisa-isa, na siya ay anak ng Diyos. Itanong sa kanila kung ano ang nadarama nila kapag naririnig nila na sila ay anak ng Diyos. Anyayahan silang ibahagi ang nadarama nila tungkol sa kanilang Ama sa Langit.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga bata na kasama ang kanilang pamilya (kung maaari, gamitin ang mga larawan ng mga bata sa klase mo). Ipaliwanag na tayo ay mga anak ng ating ina’t ama, at lahat tayo ay mga espiritung anak ng ating mga Magulang sa Langit.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa Ama sa Langit, tulad ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8). Sa tulong ng mga bata, sumulat ng mga salita o magdrowing ng mga larawan sa pisara na kumakatawan sa mga bagay na natututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit mula sa awitin.

  • Basahin sa mga bata ang mga salitang ito mula sa Mga Gawa 17:27: “Hindi siya malayo sa bawa’t isa sa atin.” Magkuwento tungkol sa mga pagkakataon na nadama mo na malapit ka sa Ama sa Langit, at anyayahan ang mga bata na gawin din iyon.

lalaking may hawak ng maliit na batang babae

Bawat tao ay anak ng Diyos.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Gawa 16:14–15, 25–34; 18:7–8, 24–28

Maaari akong maging missionary ngayon.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maging katulad ni Pablo at ibahagi sa iba ang natututuhan nila tungkol sa ebanghelyo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na basahin ang Mga Gawa 16:14–15, 25–34; 18:7–8, 24–28 at ilista ang mga taong binahaginan ng ebanghelyo nina Pablo at Apolos. Pagkatapos ay anyayahan silang ilista ang mga taong mababahaginan nila ng ebanghelyo. Hayaan ang mga bata na isadula kung paano sila maaaring magkuwento sa mga taong ito tungkol kay Jesucristo o aanyayahan silang magsimba. Maaari mo ring anyayahan ang mga bata na isulat ang kanilang patotoo tungkol sa isang katotohanan ng ebanghelyo sa mga taong ito.

  • Anyayahan ang kasalukuyang mga full-time missionary, returned missionary, o ward missionary na bumisita sa klase at magkuwento ng mga karanasan nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga bata na magtanong kung paano nila maibabahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Gawa 17:2–4, 10–12; 18:28

Pinatototohanan ng mga banal na kasulatan si Jesucristo.

Pinatototohanan ng lahat ng propeta si Jesucristo. Paano mo matuturuan ang mga bata na hanapin Siya sa mga banal na kasulatan, kahit hindi binabanggit ang Kanyang pangalan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa mga bata ang Mga Gawa 17:2–4, 10–12; 18:28, at anyayahan silang hanapin ang pagkakatulad ng mga talatang ito. Ayon sa mga talatang ito, ano ang nakatulong sa mga tao na maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang paborito nilang kuwento tungkol kay Jesus na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan ngayong taon. Sa mga piraso ng papel, isulat ang mga reperensya sa banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas, at itago ang mga ito sa paligid ng silid. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga ito. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga reperensyang makikita nila, at ipabahagi sa kanila sa isa’t isa ang itinuturo ng bawat talata tungkol kay Jesus.

  • Magpatulong sa mga bata na gumawa ng simpleng tsart na maaari nilang markahan kapag may nabasa o nalaman sila tungkol kay Jesus mula sa mga banal na kasulatan. Idispley ito bawat Linggo sa buong taon, at tulungan ang mga bata na hanapin ang mga lugar sa mga banal na kasulatan na nagtuturo tungkol kay Jesus.

Mga Gawa 17:22–31

Ako ay anak ng Diyos.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maalala na sila ay anak ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang bato, at ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, sumasamba ang mga tao sa mga diyos na yari sa bato at iba pang mga materyal. Ipabasa sa mga bata ang Mga Gawa 17:27–29. Ano ang nalalaman natin tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito? Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng lahi ay mga anak. Itanong sa mga bata kung ano ang pakiramdam nila nang malaman nila na sila ay anak ng Diyos.

  • Ipabasa sa mga bata ang Mga Gawa 17:27. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan tungkol sa paraan na maaaring “maapuhap” o mahanap nila ang Diyos. Kailan nila nadama na “hindi [Siya] malayo sa [kanila]”?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan sa linggong ito na nagtuturo tungkol kay Jesucristo (maaari nila itong gawin sa kanilang personal na pag-aaral o sa pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan). Sa susunod na linggo, anyayahan silang ibahagi ang kanilang natuklasan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging mas mabubuting mag-aaral. Ang layunin mo sa pagtuturo sa mga bata ay hindi lang para ibahagi ang katotohanan sa kanila. Dapat mo rin silang tulungang matutong umasa sa sarili sa paghahanap ng katotohanan. Halimbawa, sa halip na magkuwento lang sa mga bata tungkol sa pangangaral ni Pablo sa Areopago, maaari kang magplano ng mga aktibidad, tulad ng mga iminungkahi sa outline na ito, na tutulong sa kanila na matuklasan mismo ang mga katotohanan sa kuwentong ito.