“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang Musmos
Ang mga batang musmos ay handa at sabik na matutuhan ang ebanghelyo kung ituturo ito sa paraang mauunawaan nila. Kung nagtuturo ka ng mga batang musmos, isaalang-alang ang mga aktibidad na ito na makakatulong sa kanila na matuto (ang ilang nakatatandang mga bata ay maaaring makinabang din sa mga aktibidad na ito):
-
Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa inyong buhay, mula sa kasaysayan ng Simbahan, o mula sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang itaas ang mga larawan o bagay, idrowing ang kanilang mga naririnig, isadula ang kuwento, o tumulong na isalaysay ang kuwento. Tulungan ang mga bata na makilala ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga kuwentong ibinabahagi ninyo.
-
Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mga batang musmos, ngunit maaari mo silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong pagtuunan ang isang talata, pinakamahalagang kataga, o salita. Habang binabasa mo nang malakas ang isang talata sa banal na kasulatan, maaari mong patayuin o pagtaasin ng kamay ang mga bata kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala na nais mong pagtuunan ng pansin. Maaaring kaya na rin nilang magsaulo ng maiikling kataga ng banal na kasulatan kung uulitin nila ang mga ito ng ilang beses. Kapag naririnig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.
-
Maging aktibo. Dahil madalas ay puno ng enerhiya ang mga bata, magplano ng mga paraan upang sila ay makagalaw—pagmamartsa, paglukso, paglundag, pagbaluktot, paglalakad, at iba pang mga pagkilos na nauugnay sa alituntunin o kuwento na iyong itinuturo. Maaaring maging epektibo rin ang mga galaw na ito sa sama-samang pagkanta ninyo.
-
Tingnan ang isang larawan o manood ng video. Kapag nagpapakita ka sa mga bata ng mga larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa mga banal na kasulatan, bigyan sila ng mga tanong para matulungan silang matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang nararamdaman mo tungkol dito?” Ang Biblevideos.lds.org, medialibrary.lds.org, at children.lds.org ay magagandang lugar para hanapan ng mga video.
-
Umawit. Ang Mga Himno at mga awit mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay mabisang nagtuturo ng mga doktrina. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga kantang nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mensahe ng mga awitin sa kanilang buhay. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o parirala sa mga titik ng awit. Bukod sa pag-awit, makagagawa ang mga bata ng mga kilos na babagay sa mga awitin o pakikinggan lamang ang mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang iba pang mga aktibidad.
-
Magbahagi ng mga karanasan. Ang mga maibabahagi ng mga batang musmos ay hindi kasindami ng maibabahagi ng nakatatandang mga bata, pero kung bibigyan ninyo sila ng mga partikular na patnubay, maibabahagi nila ang kanilang mga nadarama at karanasan tungkol sa natututuhan nila.
-
Lumikha. Ang mga bata ay makabubuo, makapagdodrowing, o makapagkukulay ng isang bagay na may kinalaman sa kuwento o alituntunin na natututuhan nila. Hikayatin silang iuwi sa kanilang tahanan ang mga nilikha nila at ibahagi ito sa mga miyembro ng pamilya para matulungan ang mga bata na maalala ang natutuhan nila.
-
Makibahagi sa mga object lesson. Ang isang simpleng object lesson ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap maunawaan. Kapag gumagamit ng mga object lesson, maghanap ng mga paraan para makilahok ang mga bata. Mas marami silang matututuhan mula sa isang karanasan na may interaksyon kaysa sa panonood lamang ng isang demonstrasyon.
-
Magdula-dulaan: Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na mararanasan nila sa totoong buhay, mas mahusay nilang mauunawaan kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.
-
Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig ng mga bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o mga aktibidad, kahit na sa iisang lesson pa ito mangyari. Halimbawa, maaari mong ibahagi ang isang kuwento sa banal na kasulatan nang ilang ulit sa iba’t ibang paraan sa oras ng lesson—pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagbubuod gamit ang iyong sariling mga salita, pagpapalabas ang video, pagpapatulong sa mga bata na magkuwento, pagpapasadula sa kanila ng kuwento, at iba pa. Kung ang isang aktibidad na ginamit sa klase ay inuulit din sa bahay, ang pag-uulit ay makakatulong sa mga bata na matuto at makaalala.
-
Makipag-interaksyon sa iba. Ang mga bata ay umuunlad sa kanilang kakayahang makisalamuha at madalas na natutuwang matuto at maglaro kasama ang kanilang mga kaibigan. Lumikha ng mga pagkakataon para sila ay makapagbahagi, magsalitan, at magtulungan habang sila ay natututo.
-
Makibahagi sa iba-ibang mga aktibidad. Ang mga bata ay karaniwang madaling mainip, at magkakaiba ang kanilang estilo sa pag-aaral o pagkatuto. Gumamit ng iba’t ibang aktibidad, at pagtuunan ng pansin ang mga palatandaan na ang bata ay kailangan nang magpalit ng gawain. Halimbawa, maaaring kailanganin mong mas madalas na pagsalit-salitin ang mga tahimik at masisiglang mga aktibidad.
Bahagi ng iyong tungkulin bilang isang guro ng mga batang musmos—bukod sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo—ay ang tulungan ang mga bata na matutong makibahagi nang angkop sa isang klase sa Simbahan. Halimbawa, maaaring kailangan nilang matutuhan ang tungkol sa paghahalinhinan, pagbabahagi, paggalang sa iba, at iba pa. Ang ilang guro ay lumilikha ng mga tsart na mayroong mga takdang-gawain para sa bawat bata para makilahok sila sa klase sa isang partikular na paraan (tulad ng pagsambit ng panalangin, paghawak ng larawan, o pamimigay ng mga papel). Maaaring mabago ang mga takdang-gawain linggu-linggo. Matutulungan nito ang mga bata na maghalinhinan at magpokus sa angkop na pag-uugali sa silid-aralan.
Ang mga bata—lalo na ang mga musmos—ay madalas na nakikinabang sa isang regular at hindi pabagu-bagong iskedyul. Dahil madaling mainip ang mga batang musmos at kung minsan ay nahihirapang magpokus sa buong oras ng klase, pinakamainam kung sa iskedyul ay may madalas na transisyon mula sa isang uri ng aktibidad tungo sa iba pa. Halimbawa, ang karaniwang iskedyul ng iyong klase ay maaaring kabilangan ng paminsan-minsang pahinga para maglaro, magkulay ng larawan, kumanta ng isang awitin, at iba pa.