“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: ‘Narito, ang Hari Mo’y Pumaparito’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 20–26. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Mayo 20–26
Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12
“Narito, ang Hari Mo’y Pumaparito”
Bago basahin ang mga ideya sa outline na ito, basahin ang Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; at Juan 12. Itala ang mga impresyon na maibabahagi mo sa inyong pamilya o sa inyong mga klase sa Simbahan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Tagapagligtas ay nagutom matapos maglakbay mula sa Betania hanggang Jerusalem, at ang isang puno ng igos sa di-kalayuan ay nagmistulang mapagkukunan ng pagkain. Ngunit nang makalapit si Jesus sa puno, natuklasan Niya na wala itong bunga (tingnan sa Mateo 21:17–20; Marcos 11:12–14, 20). Sa isang banda, ang puno ng igos ay parang mapagpaimbabaw na mga pinuno ng relihiyon sa Jerusalem: ang kanilang hungkag na mga turo at panlabas na pagpapakita ng kabanalan ay walang naibigay na espirituwal na pangangalaga. Mukhang maraming kautusang sinusunod ang mga Fariseo at eskriba subalit hindi nila sinunod ang dalawang pinakadakilang utos: ang ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili (tingnan sa Mateo 22:34–40; 23:23).
Sa kabilang banda, sinimulan nang kilalanin ng maraming tao ang mabuting bunga sa mga turo ni Jesus. Pagdating Niya sa Jerusalem, naglatag sila ng mga sangang pinutol mula sa mga puno sa Kanyang daraanan nang papasukin nila Siya, at nagalak sila na sa wakas, tulad ng sinabi sa sinaunang propesiya, “Ang iyong [H]ari ay naparirito” (Zacarias 9:9). Sa pagbabasa mo sa linggong ito, pag-isipan ang mga bunga ng mga turo at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa buhay mo at kung paano ka “[m]agbubunga ng marami” (Juan 12:24).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Mateo 23; Lucas 19:1–10; 20:45–47.
Hindi naghahatol ang Panginoon ayon sa panlabas na anyo kundi ayon sa mga hangarin ng puso.
Noong panahon ni Jesus, inakala ng maraming tao na ang mga publikano, o mga maniningil ng buwis, ay hindi tapat at nagnanakaw sa mga tao. Kaya dahil si Zaqueo, ang punong publikano, ay mayaman, maaaring mas lalo nila siyang pinaghinalaan. Ngunit tumingin si Jesus sa puso ni Zaqueo. Ano ang inihahayag ng Lucas 19:1–10 tungkol sa puso ni Zaqueo? Maaari mong itala ang mga salita sa mga talatang ito na inilalarawan kung ano ang ginawa ni Zaqueo para ipakita ang kanyang katapatan sa Tagapagligtas. Ano ang mga hangarin ng puso mo? Ano ang ginagawa mo para hanapin ang Tagapagligtas, tulad ng ginawa ni Zaqueo?
Ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa mga eskriba at mga Fariseo ay bumubuo ng nakatutuwang pagkakaiba sa Kanyang pakikipag-ugnayan kay Zaqueo. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Pinagalitan [ni Jesus] ang mga ipokritong gaya ng mga eskriba, Fariseo, at Saduceo—yaong mga pakunwaring mabait para sila ay mapuri, makaimpluwensya, at yumaman sa mundo, samantalang inaapi ang mga taong dapat ay pinagpapala nila” (“Sa Pagiging Tapat,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 81).
Sa Mateo 23, ginamit ng Tagapagligtas ang ilang metapora para ilarawan ang pagpapaimbabaw. Isiping markahan o ilista ang mga metaporang ito at isulat kung ano ang itinuturo nito tungkol sa pagpapaimbabaw. Ano ang nagaganyak kang gawin sa naiibang paraan dahil sa mga turo ng Tagapagligtas?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:62–63; 137:9.
Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; Juan 12:12–16
Si Jesucristo ang aking Hari.
Ang mga salaysay sa Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; at Juan 12:12–16 ay inilalarawan ang pagsisimula ng huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, pati na ang Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Ang mga taong kumilala sa Kanya bilang kanilang Hari ay nagpakita ng kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis sa Kanya (tingnan sa Juan 12:1–8), paglalatag ng mga damit at sanga ng palma sa Kanyang daraanan papuntang Jerusalem, at pagsigaw ng mga papuri. Isipin kung paano mapapalalim ng sumusunod na resources ang pag-unawa mo sa mga pangyayari na nagsimula sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas.
-
Isang sinaunang halimbawa ng pagpapahid ng langis sa isang hari: 2 Mga Hari 9:1–13
-
Isang sinaunang propesiya tungkol sa matagumpay na pagpasok: Zacarias 9:9
-
Ang kahulugan ng salitang Hosana: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana”
-
Mga propesiya kung paano muling paparito ang Tagapagligtas: Apocalipsis 7:9–10; 19:11–16
Paano mo matatanggap ang Tagapagligtas bilang iyong Panginoon at Hari?
Ang dalawang dakilang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang kapwa gaya ng aking sarili.
Kung sakaling madama mo na napakaraming gagawin habang sinisikap mong sundin si Jesucristo, ang mga salita ng Tagapagligtas sa abugado sa Mateo 22 ay makakatulong sa iyo na mapasimple at mapagtuunan ang iyong pagkadisipulo. Narito ang isang paraan para magawa ito: Ilista ang ilan sa mga utos ng Panginoon. Paano nakakonekta ang bawat item sa iyong listahan sa dalawang dakilang utos? Paano makakatulong sa iyo ang pagtutuon sa dalawang dakilang utos para masunod ang iba pang mga utos?
Ano ang mga pilakteria?
Ang mga pilakteria ay mga kahon na yari sa katad na naglalaman ng mga piraso ng pergamino na sinulatan ng mga talata sa banal na kasulatan. Idinikit ng mga Judio ang maliliit na kahong ito sa mga pantaling katad at isinuot ang mga ito sa kanilang noo o kamay para maalala ang mga kautusan (tingnan sa Deuteronomio 6:6–8). Dahil sa kayabangan, nagsuot ng napakalalaking pilakteria ang mga Fariseo para makita ng lahat kung gaano nila kamahal ang salita ng Diyos.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Paano ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas? Paano natin ipinapakita ang ating pagmamahal sa Kanya?
Paano natin maipapakita ang paggalang sa iba kapag ipinapahayag o ipinagtatanggol nila ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon? Anong mga bunga sa lipunan ang pumipigil sa atin kung minsan na ipahayag o ipagtanggol ang ating paniniwala kay Cristo? Para sa mga halimbawa ng mga taong hindi nagpatangay sa pamimilit ng lipunan, tingnan sa Daniel 1:3–20; 3; 6; Juan 7:45–53; 9:1–38; at Mosias 17:1–4.
Paano natin ipinapakita ang ating pagpipitagan at paggalang sa templo? Ano ang maaari nating “itaboy” sa ating buhay na humahadlang sa atin na madama na ang templo ay isang “bahay ng panalangin” (Mateo 21:12–13) at isang lugar ng espirituwal na paggaling? Isiping kantahin ang “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.
Anong mga aral mula sa talinghaga ng taong may dalawang anak na lalaki ang maaaring makatulong sa inyong pamilya? Halimbawa, maaari mong gamitin ang kuwento para talakayin ang kahalagahan ng tapat na pagsunod at pagsisisi. Siguro maaaring sumulat ang pamilya ninyo ng isang script para isadula ang talinghaga at maghalinhinan sa pagganap ng iba’t ibang tauhan.
Ano ang ilan sa mga bagay na “sa Dios” (talata 21) na dapat nating ibigay sa Kanya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.