“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Mayo 13–19. Mateo 19–20; Marcos 9; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Mayo 13–19
Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18
“Ano pa ang Kulang sa Akin?”
Basahin ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, na isinasaisip ang mga batang tinuturuan mo. Itala ang anumang pahiwatig na natatanggap mo. Ang iyong paghahanda ay tutulong sa iyo na maituro sa mga bata kung ano ang kailangan nilang malaman mula sa mga kabanatang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa klase ang isang bagay na gustung-gusto nila tungkol sa kanilang pamilya. Maaari mo ring hilingin sa mga magulang ng mga bata na magbigay ng mga larawan ng kanilang pamilya para magamit ng mga bata sa pagbabahagi sa klase.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Nais ng Ama sa Langit na magpakasal tayo sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.
Paano makikinabang ang mga batang tinuturuan mo mula sa kaalaman tungkol sa doktrina ng walang-hanggang kasal? Maaaring makatulong ang pagbasa ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Marcos 10:6–8 sa mga bata, at idispley ang larawan ng isang mag-asawa. Sabihin sa mga bata na ituro ang lalaki at ang babae kapag narinig nilang binasa mo ang mga salitang lalake at babae. Ipaliwanag na nilayon ng Ama sa Langit na magpakasal sa isa’t isa ang isang lalaki at isang babae (tingnan sa Genesis 1:27–28).
-
Magdispley ng mga larawan ng isang pamilya at isang templo. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na mabuklod tayo sa ating pamilya sa templo para makasama natin sila magpakailanman. Maging sensitibo sa mga bata na ang mga magulang ay hindi pa nabubuklod.
-
Kantahin ang “Isang Masayang Pamilya,” Aklat ng mga Awit Pambata, 104. Anyayahan ang mga bata na ituro ang kanilang sarili kapag kinanta nila ang “ako,” at “tayo.” Maaaring ulitin ang aktibidad na ito ng ilang beses. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga nakakatuwang bagay na nagawa nila sa kanilang pamilya. Bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang pamilya?
-
Kantahin ang isang awitin tungkol sa templo o mga pamilya, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” o “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99, 98. Pahawakan sa mga bata ang mga larawan ng templo o mga pamilya, at sabihin sa kanila na itaas ang kanilang mga larawan kapag kinanta nila ang “templo” o “pamilya.” Bakit mahalagang makasal sa templo?
Nais ni Jesus na lumapit sa Kanya ang maliliit na bata para mabasbasan Niya sila.
Ang ulat na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para maipadama sa mga bata kung gaano sila kamahal ni Jesus.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa sarili mong mga salita, ibahagi ang kuwento sa Marcos 10:13–16. Kailan nadama ng mga bata ang pagmamahal ni Jesus para sa kanila? Magpatotoo sa mga bata na mahal sila ni Jesus at nais Niyang pagpalain sila.
-
Ipakita ang larawang Si Cristo at ang mga Bata (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 47). Ipaliwanag na kung nais nating maging tulad ng mga batang nakaupo sa tabi ni Jesus, kailangan nating sundin ang Kanyang mga utos at mahalin Siya at ang ibang tao. Ano ang maaaring gawin ng mga bata para maging tulad ng mga batang nakaupo sa tabi ni Jesus?
-
Sabihin sa mga bata na idrowing ang kanilang sarili na binabasbasan ni Jesus (tingnan sa Marcos 10:16).
Kung susundin natin ang mga kautusan, tatanggap tayo ng buhay na walang-hanggan.
Itinuro ni Jesus sa mayamang binata na upang magtamo ng buhay na walang-hanggan—ang buhay na mayroon ang Ama sa Langit—dapat niyang sundin ang mga kautusan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang kuwento tungkol sa mayamang binata sa Marcos 10:17–22. (Tingnan din sa “Kabanata 42: Ang Mayamang Binata,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 105–6, o sa kaugnay na video sa LDS.org.) Sabihin sa kanila na pakinggan kung ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng binata at kung paano tumugon ang binata.
-
Magsalaysay ng isa o higit pang mga kuwento tungkol sa mga anak na humihingi ng payo o direksyon mula sa kanilang mga magulang ngunit hindi ito sinusunod. Ano ang ilang bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit? Ano ang nadarama natin kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan?
-
Magbahagi ng iyong mga karanasan nang makatanggap ka ng mga personal na pahiwatig na gawin ang isang bagay para maging mas mabuti.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Nais ng Ama sa Langit na magpakasal tayo sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.
Ang mga bagay na itinuro ni Jesus tungkol sa kasal ay makakatulong sa mga bata kapag nahaharap sila sa salungat na mga mensahe sa mundo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa isa sa mga bata na basahin nang malakas ang Marcos 10:6–8. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mangunyapit ay “manatili” o “manangan nang mahigpit” sa isang bagay. Bakit mahalaga na ang mga mag-asawa ay nagkakaisa, nagmamahalan, at nagtutulungan sa isa’t isa?
-
Ibahagi ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng: “Ang kasarian ay mahalagang katangian ng ating premortal, mortal, at walang-hanggang identidad at layunin.”
-
Hilingin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng mga sagot sa mga tanong na tulad ng “Bakit mahalaga ang pamilya sa Simbahan?” o “Bakit mahalaga para sa iyo na makasal sa templo?” Sama-samang awitin ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98. Ibahagi sa mga bata ang iyong patotoo tungkol sa walang-hanggang kasal at pamilya. Anyayahan din silang ibahagi ang kanilang mga patotoo.
-
Anyayahan ang bawat isa sa mga bata na basahin ang isang banal na kasulatan mula sa listahang ito: Marcos 10:6–8; I Mga Taga Corinto 11:11; DT 42:22; 131:1–4; at Moises 3:18, 21–24. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kasal?
Matutulungan ako ni Jesus na malaman ang kailangan kong gawin upang umunlad.
Hinanap ng mayamang binata si Jesus at tumanggap ng partikular na tagubilin na sadyang para sa kanya. Paano mo mahihikayat ang mga bata na humanap ng katulad na patnubay sa kanilang sariling buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na maghanap ng isang talata sa Marcos 10:17–22 na nagpapaliwanag sa larawan na nasa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ipaliwanag na ang payo na ibinigay ni Jesus sa binata ay personal, at tayong lahat ay makakatanggap ng personal na patnubay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.
-
Sama-sama ninyong basahin ang Marcos 10:17–22. Sabihin sa mga bata na isulat sa pisara ang mga utos na sinabi ng Tagapagligtas na dapat sundin ng mayamang binata (tingnan sa talata 19). Ano pa ang kailangan niyang gawin? (tingnan sa talata 21). Hikayatin ang mga bata na isipin ang mga bagay na maaaring kailangan nilang simulang gawin o itigil na gawin para mas masunod si Jesus. Ano ang ilang paraan para malaman natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ni Jesus?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na sabihin sa kanilang mga pamilya kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanila, marahil sa pamamagitan ng pagsulat ng maikling liham na maibibigay sa kanilang mga magulang o sa pagbabahagi ng kanilang patotoo tungkol sa mga pamilya sa family home evening.