Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Aking Gagawin Upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?’


“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Aking Gagawin Upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

ang mabuting Samaritano

The Good Samaritan, ni Dan Burr

Abril 22–28

Mateo 18; Lucas 10

“Anong Aking Gagawin Upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?”

Anong mga katotohanan sa Mateo 18 at Lucas 10 ang kailangang matutuhan ng mga bata? Makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo habang binabasa mo ang mga kabanatang ito. Matutulungan ka ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na maunawaan ang doktrina, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya kung paano ituro ang mga katotohanang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Sabihin sa mga bata na ibahagi kung paano nila ipinagdiwang ang Pagbabayad-sala ni Cristo nitong Pasko ng Pagkabuhay.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Mateo 18:21–35

Nararapat na palagi kong patawarin ang iba.

Habang binabasa mo ang Mateo 18:21–35, isipin ang sarili mong mga karanasan sa pagpapatawad at kung ano ang dapat malaman ng mga bata tungkol sa alituntuning ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mateo 18:21, at anyayahan ang mga bata na sabihin ang “Pinatatawad kita” nang pitong beses. Itanong, “Sapat na ba ang magpatawad ng pitong beses?” Basahin ang talata 22 at ipaliwanag na nais ni Jesus na piliin natin ang palaging magpatawad.

  • Ikuwento ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin (tingnan sa Mateo 18:23–35). Kung kinakailangan, ipaliwanag na kapag ang isang tao ay may ginawang isang bagay na hindi maganda sa atin, marahil ay makadarama tayo ng galit o lungkot sa simula. Ngunit ang pagpapatawad ay nangangahulugan na muli tayong makadarama ng kapayapaan. (Maaari kang makadama ng pahiwatig na tulungan ang mga bata na maunawaan na kung may isang tao na nananakit sa kanila, kailangan nila itong sabihin sa kanilang mga magulang o isa pang pinagkakatiwalaang matanda.)

  • Isulat sa pisara ang Pinatatawad kita, at sabihin sa mga bata na makakatulong ang mga salitang ito na gawing masasayang sandali ang malulungkot na pagkakataon. Magdrowing ng malungkot na mukha sa pisara, at magbigay ng ilang halimbawa ng mga bata na nagpapatawad sa isa’t isa. Pagkatapos ng bawat halimbawa, anyayahan ang isang bata na gawing masaya ang isang malungkot na mukha.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52. Patayuin sila kapag narinig nila ang salitang tulungan. Ibahagi ang iyong patotoo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na patawarin ang iba.

Lucas 10:25–37

Itinuro sa akin ni Jesus na ituring kong kapwa ang lahat ng tao at mahalin sila.

Ang talinghaga ng mabuting Samaritano ay isang di-malilimutang kuwento na maaaring magpakita sa mga bata kung sino ang ating kapwa. Mag-isip ng mga paraan para mahikayat mo ang mga bata na “humayo … at gayon din ang gawin” (Lucas 10:37).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tanungin ang bawat bata, “Sino ang iyong kapwa?” Ipaliwanag na itinuro ni Jesus na ang simumang nangangailangan ng ating tulong ay ang ating kapwa, kahit na hindi malapit ang kanyang tirahan, at dapat nating tratuhin nang may pagmamahal ang taong iyon.

  • Basahin ang Lucas 10:25–37 habang isinasadula ng mga bata ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano, na naghahalinhinan sa pagganap sa iba’t ibang tauhan. Pagkatapos ng bawat pagsasadula, hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila maaaring maging tulad ng mabuting Samaritano.

  • Sumulat ng ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan ang isang tao ay nangangailangan ng tulong, at itago ang mga papel sa paligid sa silid. Sabihin sa mga bata na hanapin ang mga papel at ipaliwanag kung paano sila magpapakita ng kabaitan sa tao sa sitwasyong iyon.

  • Awitin ninyo ng mga bata ang “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo” at “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39, 83. Gawing magkakapares ang mga bata, at anyayahan ang bawat pares na mag-isip ng ilang paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal o kabaitan sa iba. Sabihin sa bawat pares na ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

  • Ipasulat sa mga bata sa maliliit na piraso ng papel ang mga paraan na makapagpapakita sila ng pagmamahal sa iba. Gumawa ng kadenang papel gamit ang maliliit na piraso ng papel na ito at hikayatin ang mga bata na isabit ang kadenang papel sa kanilang mga tahanan, kung saan ito ay makapagpapaalaala sa kanila na maging mabait.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mateo 18:21–35

Patatawarin ako ng Ama sa Langit kung patatawarin ko ang iba.

Habang lumalaki ang mga bata, maaaring nagiging mas mahirap ang pagpapatawad. Ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin ay maaaring maging isang di-malilimutang paraan para ituro sa kanila na nais ng ating Ama sa Langit na patawarin natin ang lahat.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Mateo 18:23–35 sa mga bata; ipaliwanag na ang panginoon o hari ay kumakatawan sa Ama sa Langit, ang alipin ay kumakatawan sa atin, at ang kapwa alipin ay kumakatawan sa mga taong nagkakasala sa atin. Itanong sa mga bata, “Kailan kayo nahirapang patawarin ang isang tao? Paano ninyo inalis ang mga sama-ng-loob? Kailan mo kinailangan ng kapatawaran sa mga maling pagpili?”

  • Isulat sa pisara ang mga multiplication problem na 70 × 7, at tulungan silang i-solve ito. Ipabasa sa isang bata ang Mateo 18:21–22, at ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang numerong ito upang ituro sa atin na dapat tayong magpatawad palagi.

  • Bigyan ang lahat ng papel, at sabihin sa mga bata na magdrowing ng larawan ng isang batang hindi mabait sa ibang bata. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na makipagpalitan sila ng papel sa kanilang katabi at iguhit sa likod ng bagong papel ang isang paraan na maipapakita nila ang pagpapatawad sa iba.

  • Sabihin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng ilang situwasyon kung saan maaaring kailanganin ng isang tao na patawarin ang ibang tao. Sabihin sa mga bata na isadula kung paano nila maipapakita ang pagpapatawad sa ganoong mga sitwasyon.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang bawat linya ng awitin at kung ano ang itinuturo nito tungkol sa pagpapatawad sa iba.

Lucas 10:30–37

Kaya kong mahalin at paglingkuran ang iba, lalo na ang mga nangangailangan.

Pagnilayan ang mga pagkakataon sa iyong buhay na naging isang “mabuting Samaritano” ang isang tao sa iyo. Paano mo mahihikayat ang mga bata na maging “mabubuting Samaritano” sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang bawat bata ng iguguhit na eksena sa talinghaga ng mabuting Samaritano. Sabihin sa kanila na iayos sa tamang pagkakasunud-sunod ang kanilang mga larawan at gamitin ang mga ito para isalaysay ang kuwento.

  • Ipaliwanag sa mga bata na labis na namumuhi ang mga Judio sa mga Samaritano na kapag naglalakbay sila mula Jerusalem patungong Galilea, sila ay lumilihis o umiikot sa labas ng Samaria upang maiwasan ang pakikisalamuha sa sinumang Samaritano.  Bakit ginamit ni Jesus ang isang Samaritano bilang halimbawa ng kabutihan sa talinghagang ito? Ano ang itinuturo sa atin ng kuwentong ito tungkol sa pagtulong sa iba na nangangailangan? (Tingnan din sa Mosias 4:16–22.)

  • Sabihin sa mga bata na magbahagi ng isang karanasan kung kailan naging tulad ng isang mabuting Samaritano ang isang tao sa kanila.

  • Hamunin ang mga bata na magtakda ng mithiin na maging tulad ng mabuting Samaritano sa linggong ito. Halimbawa, may kilala ba silang maysakit o nalulungkot? o isang tao na hindi regular na nagsisimba? Itanong sa mga bata kung paano nila matutulungan ang taong iyon.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang kanilang mithiin na maging tulad ng mabuting Samaritano sa linggong ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Turuan ang mga bata na magtala ng mga impresyon. Kung matututuhan ng mga bata ang gawi ng pagtatala ng mga impresyon, tutulungan sila nitong kilalanin at sundin ang Espiritu. Maitatala ng mga bata ang mga impresyon sa pamamagitan ng pagmamarka ng mga banal na kasulatan, pagdodrowing ng mga larawan, o paggawa ng mga simpleng journal entry.

pahina ng aktibidad: ipinakikita ko ang aking pagmamahal