“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10: ‘Anong Aking Gagawin upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Abril 22–28. Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Abril 22–28
Mateo 18; Lucas 10
“Anong Aking Gagawin upang Magmana ng Walang Hanggang Buhay?”
Habang binabasa mo nang may panalangin at pinagninilayan ang Mateo 18 at Lucas 10, bigyang-pansin ang mga banayad na pahiwatig ng Espiritu Santo. Sasabihin Niya sa iyo kung paano naaangkop sa iyo ang mga turo at kuwentong ito. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kapag nagtatanong ka sa Panginoon, maaari kang makatanggap ng sagot na hindi mo inasahan. Sino ang aking kapwa-tao? Sinumang nangangailangan ng iyong tulong at pagmamahal. Sino nga ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit? Isang bata. Sapat bang patawarin ang isang nagkasala nang pitong beses? Hindi, dapat kang magpatawad nang pitumpu’t pitong beses. (Tingnan sa Lucas 10:29–37; Mateo 18:4, 21–22.) Kung hinahangad mo ang kalooban ng Panginoon, hindi upang “magaring ganap [sa iyong sarili]” (Lucas 10:29), kundi dahil gusto mo talagang matuto mula sa Kanya, tuturuan ka ng Panginoon kung paano mamuhay sa paraan na humahantong sa buhay na walang hanggan sa piling Niya.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Kailangan kong patawarin ang iba kung gusto kong mapatawad ako ng Panginoon.
Ang mungkahi ni Pedro na kaya niyang patawarin nang pitong beses ang isang tao ay tila masyadong mapagbigay, ngunit nagturo si Jesus ng mas mataas na batas. Ang sagot Niya na, “Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito: kundi, Hanggang sa makapitongpung pito,” ay hindi nagtuturo tungkol sa kung ilang beses kundi sa halip ay tungkol sa pagtulad sa saloobin ni Cristo tungkol sa pagpapatawad. Habang binabasa mo ang talinghaga tungkol sa walang-awang alipin, pagnilayan ang mga panahon na nadama mo ang awa at habag ng Diyos. Mayroon bang isang tao na kailangang makadama ng awa at habag mula sa iyo?
Itinuro ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu na “Gusto kong liwanagin na hindi dapat ipagkamaling pagpapaubaya sa kasamaan ang pagpapatawad sa mga kasalanan. … Kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal, ” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12).
Sinu-sino ang Pitumpu?
Sa pagsunod sa isang pattern na itinatag noong panahon ng Lumang Tipan (tingnan sa Exodo 24:1; Mga Bilang 11:16), si Jesucristo ay “humirang ng pitumpu pa,” bukod sa Kanyang Labindalawang Apostol, upang magpatotoo tungkol sa Kanya, ipangaral ang Kanyang ebanghelyo, at tulungan Siya sa Kanyang gawain. Ang pattern na ito ay nagpapatuloy sa ipinanumbalik na Simbahan. Ang mga Pitumpu ay tinatawag upang tulungan ang Labindalawa sa kanilang misyon bilang mga natatanging saksi ni Jesucristo sa buong mundo. Ang mga Pitumpu ay inoorganisa sa mga korum. Ang mga miyembro ng unang dalawang korum ay itinatalaga bilang mga General Authority Seventy, samantalang ang mga miyembro ng iba pang mga korum ay itinatalaga bilang mga Area Seventy. (Tingnan din sa DT 107:25–26, 33–34, 97.)
Para magkaroon ng buhay na walang hanggan, kailangan kong mahalin ang Diyos at ang aking kapwa tulad sa aking sarili.
Makakatulong na tandaan na ang talinghaga ng mabuting Samaritano ang paraan ni Jesus sa pagsagot sa isang tanong: “Sino ang aking kapuwa tao?” Habang binabasa mo ang talinghagang ito, isaisip ang tanong na iyon. Ano ang nakikita mong mga sagot?
Noong panahon ni Jesus, ang alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano ay nagtagal nang maraming siglo. Ang mga Samaritano ay mga inapo ng mga Judiong naninirahan sa Samaria na nag-asawa ng mga Gentil. Nadama ng mga Judio na nadungisan ang mga Samaritano sa kanilang pakikisama sa mga Gentil at nag-apostasiya. Ang mga Judio ay maglalakbay nang maraming milya sa ibang daan para maiwasang dumaan sa Samaria. (Tingnan din sa Lucas 9:52–54; 17:11–18; Juan 4:9; 8:48.)
Sa palagay mo, bakit pinili ng Tagapagligtas ang isang Samaritano, isang taong kinapopootan ng mga Judio, bilang halimbawa ng habag at pagmamahal sa kapwa? Ano ang hinihikayat ng talinghagang ito na gawin mo para magpakita ng higit na awa sa iba?
Tingnan din sa Mosias 2:17; “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” Mga Himno, blg. 164.
Pinipili natin ang “magaling na bahagi” sa paggawa ng mga pagpiling humahantong sa buhay na walang hanggan.
Itinuro ni Sister Bonnie D. Parkin, dating Relief Society General President, na: “Sina Maria at Marta ay ikaw at ako. … Minahal ng dalawang ito ang Panginoon at gusto nila itong ipakita. Dito, sa tingin ko’y ipinakita ni Maria ang kanyang pag-ibig sa pakikinig sa Kanyang salita, habang si Marta ay ipinahayag naman sa paglilingkod sa Kanya. … Hindi binalewala ni Jesus ang problema ni Marta, ngunit sa halip ay itinama Niya ang pananaw nito sa pagsasabing piliin ang ‘magaling na bahagi.’ At ano iyon? … Ang kailangan ay piliin ang buhay na walang hanggan [tingnan sa 2 Nephi 2:28]. Araw-araw tayong pumipili” (“Piliing Ibigin ang Kapwa: Ang Magaling na Bahaging Iyon,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 104–5). Paano mo ibubuod ang payo ng Panginoon kay Marta sa sarili mong mga salita? Suriin ang iyong iskedyul—mayroon bang “kailangan” na mas nangangailangan ng iyong pansin?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Anong mga himno ang maaaring kantahin ng inyong pamilya na nauugnay sa mga katotohanang itinuturo sa mga kabanatang ito? Ang dalawang halimbawa ay “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin” at “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Mga Himno, blg. 164, 135, ngunit marami pang iba. Paano nakakatulong ang mga titik sa mga himnong ito na mas maunawaan ng inyong pamilya ang mga turo ng Tagapagligtas?
Bakit nanaisin ni Jesus na maging katulad tayo ng isang maliit na bata? Ano ang ilang katangian ng mga bata na gagawin tayong mas katulad ni Cristo kung ilalangkap natin ang mga ito sa ating buhay? (tingnan sa Mosias 3:19).
Ano ang magbibigay-buhay sa talinghaga ng mabuting Samaritano sa inyong pamilya? Magugustuhan ba nilang magsuot ng mga costume at isadula ito? Tiyaking tulungan ang mga miyembro ng pamilya na makita kung paano sila maaaring maging katulad ng mabuting Samaritano. May isa bang taong nangangailangan sa paaralan o simbahan na maaaring hindi natin napapansin? Ano ang magagawa natin para sa taong ito?
Mahirap bang iakma ang mga espirituwal na bagay sa iskedyul ng inyong pamilya? Ang kuwento nina Maria at Marta ay maaaring makahikayat ng isang family council o family home evening tungkol sa kung paano ito gawin. Bilang pamilya, maaari ninyong ilista ang mga paraan para mapili “ang magaling na bahagi” (tingnan sa Lucas 10:42).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.