“Abril 15–21. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Saan Naroon, Oh Kamatayan, ang Iyong Pagtatagumpay?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Abril 15–21. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Abril 15–21
Pasko ng Pagkabuhay
“Saan Naroon, Oh Kamatayan, ang Iyong Pagtatagumpay?”
Habang binabasa mo ang mga patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa outline na ito, itala ang mga damdamin at impresyong dumarating sa iyo mula sa Espiritu Santo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, maraming Judio sa Kanyang paligid ang nakikilahok sa mga kaugalian ng Paskua. Naghanda sila ng mga pagkain, nagkantahan, at sama-samang nagtipon upang gunitain ang pagkaligtas ng sambahayan ni Israel mula sa pagkaalipin sa mga Egipcio. Nakinig ang mga pamilya sa kuwento tungkol sa mapangwasak na anghel na nilagpasan ang mga tahanan ng kanilang mga ninuno na naglagay ng marka ng dugo ng kordero sa kanilang pintuan. Sa gitna ng lahat ng pagdiriwang na ito na lubhang sagana sa simbolismo ng pagliligtas, kakaunti lamang ang nakaalam na malapit na silang iligtas ni Cristo, ang Kordero ng Diyos, mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan—sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, Kanyang kamatayan, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Gayon pa man, may mga taong kumilala kay Jesus bilang kanilang ipinangakong Mesiyas, ang kanilang walang-hanggang Tagapagligtas. Mula noong araw na iyon, nagpatotoo na ang mga disipulo ni Jesucristo sa buong daigdig “na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan … ; at siya’y inilibing, at siya’y muling binuhay nang ikatlong araw” (I Mga Taga Corinto 15:3–4).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Si Jesucristo ay may kapangyarihang tulungan ako na madaig ang kasalanan, kamatayan, mga pagsubok, at mga kahinaan.
Ang isang paraan para makatuon sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa linggong ito ay mag-ukol ng oras bawat araw para basahin ang tungkol sa huling linggo ng buhay ni Jesus (na susundan ng isang posibleng iskedyul ng pagbabasa). Ano ang nakikita mo sa mga kabanatang ito na tumutulong na madama mo ang pagmamahal ng Tagapagligtas? Ano ang natututuhan mo tungkol sa Kanyang kapangyarihang iligtas ka mula sa kasalanan at kamatayan? Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtitiis sa mga pagsubok at pagdaig sa mga kahinaan? Paano ka sumasampalataya sa Kanyang kapangyarihang magligtas?
-
Linggo: Matagumpay na pagpasok sa Jerusalem (Mateo 21:6–11)
-
Lunes: Paglilinis ng templo (Mateo 21:12–16)
-
Martes: Pagtuturo sa Jerusalem (Mateo 21–23)
-
Miyerkules: Patuloy na pagtuturo (Mateo 24–25)
-
Huwebes: Ang Paskua at ang pagdurusa ni Cristo sa Halamanan ng Getsemani (Mateo 26)
-
Biyernes: Pagsubok, Pagpapako sa Krus, at libing (Mateo 27:1–61)
-
Sabado: Nasa libingan ang katawan ni Cristo (Mateo 27:62–66) samantalang nagmiministeryo ang Kanyang espiritu sa daigdig ng mga espiritu (DT 138)
-
Linggo: Ang pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Cristo (Mateo 28:1–10)
Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Juan 20:19–29; I Mga Taga Corinto 15:1–8, 55
Maraming saksi ang nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng mga disipulo nang panoorin nila ang pagkutya, pagpapahirap, at pagpapako sa krus kay Jesus. Nasaksihan nila ang Kanyang kapangyarihan, nadama ang katotohanan ng Kanyang mga aral, at nanampalataya sila na Siya ang Anak ng Diyos. Maaaring naging pagsubok sa pananampalataya ng ilan ang masaksihan ang Kanyang kamatayan, ngunit hindi nagtagal ay naging mga saksi sila sa dakilang himala ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Ano ang matututuhan mo mula sa mga ulat ng mga taong nakasaksi sa Nabuhay na Mag-uling Tagapagligtas? Markahan o pansinin ang karanasan ng bawat tao sa Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Juan 20:19–29; at I Mga Taga Corinto 15:1–8, 55. (Isaisip na ang iba pang mga saksi ng nabuhay na mag-uling Cristo ay matatagpuan sa 3 Nephi 11; Mormon 1:15; Eter 12:38–39; Doktrina at mga Tipan 76:19–24; 110:1–10; at sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–17.) Sa mga salaysay na ito, ano ang nagpapalakas ng iyong pananampalataya sa literal na Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon? Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, may iba pang mga tao na nabuhay na mag-uli at nagpakita sa marami (tingnan sa Mateo 27:52–53; 3 Nephi 23:9). Sa palagay mo, bakit mahalaga na naitala ito kapwa sa Biblia at sa Aklat ni Mormon?
Binibigyan ako ni Cristo ng pag-asa at kagalakan.
Ang anak ni Elder Paul V. Johnson na si Alisa, na dinapuan ng nakamamatay na kanser at nagtiis ng maraming operasyon, ay nagpakita ng “buhay na pag-asa” na inilarawan ni Pedro sa I Ni Pedro 1:3–11. Ibinahagi ni Elder Johnson ang isang liham na isinulat ni Alisa sa Pasko ng Pagkabuhay, bago siya pumanaw: “Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang paalaala ng lahat ng inaasam ko para sa aking sarili. Na balang-araw ako ay gagaling at magiging buo muli. Na balang-araw ay hindi na ako magkakaroon ng anumang metal o plastik sa loob ng aking katawan. At ang aking puso ay hindi na mangangamba at ang aking isipan ay hindi na mag-aalala. … Masaya ako na talagang naniniwala ako sa isang magandang kabilang-buhay” (“At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 121).
Ano ang mga salita o parirala sa I Ni Pedro 1:3–11 na nagbibigay sa iyo ng pag-asa dahil kay Jesucristo? Kailan mo nadama ang pag-asang iyon? Paano mo maibabahagi sa mga mahal mo sa buhay ang iyong pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo?
Tingnan din sa Alma 27:28; 36:1–24; 3 Nephi 9:11–17; Moroni 7:40–41.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Mormon.org
Ang bahaging “Holy Week” ng mormon.org/easter ay may time line at paglalarawan ng nangyari sa bawat araw ng huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas. Bawat araw ng linggo maaaring rebyuhin ng inyong pamilya ang mga paglalarawang ito upang makita kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa araw na iyon, o mababasa ninyo ang tungkol sa Kanyang huling linggo sa mga banal na kasulatan bilang pamilya (tingnan ang isang iminungkahing listahan sa bahaging “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral”).
Mga Himno at Aklat ng mga Awit Pambata
Isiping sama-sama ninyong kantahin ang mga awitin tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa linggong ito, pati na ang ilan na di-gaanong pamilyar sa inyo (tingnan ang indeks ng mga paksa ng Mga Himno o Aklat ng mga Awit Pambata, sa ilalim ng mga paksang tulad ng “Pagbabayad-sala,” “Pasko ng Pagkabuhay,” o “Pagkabuhay na Mag-uli”). Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na matutuhan ang mga awitin, maaari kang magpakita ng mga larawan na nauugnay sa mga salita.
“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”
Bilang pamilya, basahin “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2–3; tingnan din sa LDS.org), at anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na pumili ng isang mensahe sa Pasko ng Pagkabuhay mula sa patotoong ito upang ibahagi sa iba. Halimbawa, maaari kang gumawa ng mga poster na ididispley sa social media, sa inyong pintuan sa harapan, o sa inyong bintana.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.