Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9: ‘Ikaw ang Cristo’


“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9: ‘Ikaw ang Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Pagbabagong-Anyo ni Cristo

The Transfiguration, ni Carl Heinrich Bloch

Abril 1–14

Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9

“Ikaw ang Cristo”

Sa susunod na dalawang linggo, pagnilayan ang patotoo ni Pedro, na matatagpuan sa Mateo 16:15–17, at ang mga patotoo ng mga propeta at apostol na maririnig mo sa pangkalahatang kumperensya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Hindi ba kakatwang hilingin ng mga Fariseo at Saduceo na pakitaan sila ni Jesus ng “isang palatandaan mula sa langit”? Hindi pa ba sapat ang Kanyang maraming bantog na mga himala? Paano naman ang Kanyang makapangyarihang mga aral o ang iba’t ibang paraan na natupad Niya ang sinaunang mga propesiya? Ang kanilang kahilingan ay hindi udyok ng kawalan ng mga palatandaan kundi ng pag-ayaw nilang “mangakilala ang mga tanda” at tanggapin ang mga ito. (Tingnan sa Mateo 16:1–4.)

Nasaksihan ni Pedro, tulad ng mga Fariseo at Saduceo, ang mga himala ng Tagapagligtas at narinig ang Kanyang mga turo. Ngunit ang tiyak na patotoo ni Pedro na, “Ikaw ang Cristo, ang anak ng Dios na buhay,” ay hindi dumating sa pamamagitan ng kanyang pisikal na mga pandamdam—sa kanyang “laman at dugo.” Ang kanyang patotoo ay inihayag sa kanya ng ating “Ama na nasa langit.” Paghahayag ang batong pinagtayuan ng Tagapagligtas ng Kanyang Simbahan noon at ngayon—paghahayag mula sa langit tungo sa Kanyang mga lingkod. At ito ang bato na maaaring maging saligan ng ating pagkadisipulo—paghahayag na si Jesus ang Cristo at na hawak ng Kanyang mga lingkod “ang mga susi ng kaharian.” Kapag tayo ay nakatayo sa pundasyong ito, “ang pintuan ng impiyerno ay hindi magsisipanaig laban sa [atin].” (Mateo 16:15–19.)

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mateo 16:13–17; Lucas 9:18–21

Ang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag.

Kung tatanungin ni Jesucristo ang mga tao ngayon ng, “Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng [T]ao?” ang sagot nila ay maiiba sa sagot ng mga tao noong Kanyang panahon. Ano ang mga makabagong saloobing napansin mo tungkol kay Jesus? Paano ka tutugon kung tanungin kayo ni Jesus ng, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Tingnan sa Mateo 6:13–15.)

Pagnilayan ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano mo ito tinanggap. Ano ang natututuhan mo mula sa Mateo 16:15–17 na makapagpapatibay rito? Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa patotoo at personal na paghahayag, saliksikin ang mga talatang ito sa banal na kasulatan: Juan 15:26; I Mga Taga Corinto 12:3; 2 Nephi 31:18; Alma 5:45–48; at Doktrina at mga Tipan 8:2–3.

Mateo 17:1–9, Marcos 9:2–10; Lucas 9:28–36

Ano ang nangyari sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo?

Noong isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa “isang mataas na bundok,” Siya ay nagbagong-anyo (o niluwalhati) sa kanilang harapan. Sina Moises at Elias (Elijah) ay nagpakita rin at iginawad ang mga susi ng priesthood sa mga Apostol. Ang mga susing ito ay nagbigay sa kanila ng kakayahang pamunuan ang Simbahan ni Cristo sa lupa matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabagong-anyo”). Ipinanumbalik din ang mga susing ito sa ating panahon (tingnan sa DT 110).

Mateo 16:13–19; 17:1–9

Ano ang “mga susi ng kaharian ng langit”?

Ang “mga susi ng kaharian ng langit” na ipinangako ng Tagapagligtas na ibibigay kay Pedro ay mga susi ng priesthood (Mateo 16:19). “Ang mga susi ng Priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamunuan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo. Ang paggamit ng awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan ng mga mayhawak ng mga susi nito (tingnan sa DT 65:2; 81:2; 124:123). Ang mga mayhawak ng mga susi ng priesthood ay may karapatang pamunuan at pamahalaan ang Simbahan ayon sa nasasakupan” (Handbook 2: Administering the Church [2010], 2.1.1).

estatuwa ni Pedro na mayhawak na mga susi

Ang “mga susi ng kaharian ng langit” ay ang mga susi ng priesthood.

Ang mga susi ng priesthood na ibinigay kay Pedro at sa iba pang mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo ay ipinanumbalik sa ating panahon (tingnan sa DT 110:11–16). Kabilang sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol at iba pang mga General Authority; mga pangulo ng templo, mission, stake, at district; at mga bishop, branch president, at quorum president.

Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 92–95; Tapat sa Pananampalataya, 202–3.

Mateo 17:14–21; Marcos 9:14–29

Sa paghahangad ng mas malaking pananampalataya, kailangan ko munang kumapit sa pananampalatayang mayroon na ako.

Ang ama na binanggit sa Mateo 17 at Marcos 9 ay may mga dahilan para magduda na mapapagaling ni Jesus ang kanyang anak. Hiniling niya sa mga disipulo ni Jesus na pagalingin ang kanyang anak, at hindi nila ito magawa. Ngunit nang anyayahan siya ng Tagapagligtas na manampalataya, hindi siya nagtuon sa kanyang mga pagdududa. “[Panginoon], nananampalataya ako,” sabi niya, at pagkatapos, sa pag-amin na ang pananampalataya ay hindi perpekto, idinagdag na, “tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.”

Ano ang itinuro ng Espiritu sa iyo habang binabasa mo ang himalang ito? Paano ka natulungan ng Ama sa Langit na maragdagan ang iyong pananampalataya? Ano ang magagawa mo upang magamit ang pananampalatayang mayroon ka na? Marahil maaari kang bumuo ng listahan ng mga talata sa banal na kasulatan, mensahe sa kumperensya, o karanasang nakapagpalakas ng iyong pananampalataya.

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–95.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 16:13–19; 17:1–9

Para maituro sa mga bata ang mga susi ng priesthood, maaari mong isalaysay ang kuwento ni Elder Gary E. Stevenson nang ma-lock ang kanyang kotse habang siya ay nasa labas nito (tingnan sa “Nasaan ang mga Susi at Awtoridad ng Priesthood?” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 29–32). Maaari kang magpagamit ng mga susi sa mga anak mo para buksan ang bahay, ang kotse, o iba pang mga kandado. Isiping magpakita ng litrato ng Pangulo ng Simbahan at magpatotoo na hawak niya ang lahat ng susi ng priesthood, tulad ni Pedro noon.

Mateo 17:20

Ang mga propetang may pananampalataya kay Jesucristo ay napagalaw ang mga bundok (tingnan sa Jacob 4:6; Moises 7:13). Ang sumusunod na patotoo ni Bishop Richard C. Edgley ay makakatulong upang maging angkop ang talatang ito sa inyong pamilya: “Hindi pa ako nakasaksi ng pag-aalis ng aktuwal na bundok. Ngunit, dahil sa pananampalataya nakita kong napalitan ng pag-asa at magandang pananaw ang gabundok na pagdududa at kawalang-pag-asa. Dahil sa pananampalataya, personal kong nasaksihang napalitan ng pagsisisi at kapatawaran ang gabundok na kasalanan. At dahil sa pananampalataya, personal kong nasaksihang napalitan ng kapayapaan, pag-asa, at pasasalamat ang gabundok na pasakit. Oo, nakita kong naalis ang mga bundok” (“Pananampalataya—Kayo ang Pumili,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 33). Ano ang ilang bundok sa ating buhay na kailangang alisin? Paano natin maipapakita ang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na tulungan tayong alisin ang mga bundok na ito?

Lucas 9:61–62

Ano ang ibig sabihin ng lumingon matapos humawak sa araro? Bakit tayo hindi magiging karapat-dapat sa kaharian ng Diyos dahil sa pag-uugaling ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtipon nang madalas. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Huwag kailanman palagpasin ang pagkakataong tipunin ang mga anak para pag-aralan ang doktrina ni Jesucristo. Ang gayong mga sandali ay napakabihira kumpara sa mga pagsisikap ng kaaway” (“The Power of Teaching Doctrine,” Ensign, Mayo 1999, 74).

lalaki kasama ang maysakit na anak sa harapan ni Jesus

Guro, Dinala Ko sa Iyo ang Aking Anak na Lalake, ni Walter Rane