“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9: ‘Ikaw ang Cristo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Abril 1–14. Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Abril 1–14
Mateo 16–17; Marcos 9; Lucas 9
“Ikaw ang Cristo”
Habang nagninilay sa mga kabanatang ito sa Bagong Tipan at nakikinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, magtuon sa mga mensaheng sa pakiramdam mo ay kailangan ng iyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kung ang mga bata sa iyong klase ay nakinig o nanood ng pangkalahatang kumperensya, anyayahan silang ibahagi ang isang bagay na narinig o nakita nila.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Maaari akong magkaroon ng patotoo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Isipin kung paano mo magagamit ang patotoo ni Pedro at ang sagot ni Jesus para turuan ang mga bata kung ano ang isang patotoo at mahikayat sila na hangarin na magkaroon ng sarili nilang patotoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang sinabi ni Pedro habang binabasa mo ang Mateo 16:15–17. (Tingnan din sa “Kabanata 32: Pinatotohanan ni Pedro si Cristo,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 76–77.) Ipaliwanag na si Pedro ay nagbabahagi ng kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Muling basahin ang mga talata. Bingo Sa pagkakataong ito ay sabihin sa mga bata na pakinggan kung sino ang nagsabi kay Pedro na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
-
Magpatotoo tungkol kay Jesucristo, at ipaliwanag kung paano mo ito natanggap. Sabihin sa mga bata na hangarin na magkaroon ng sarili nilang patotoo mula sa Ama sa Langit.
Ibinibigay ni Jesucristo sa mga propeta at mga apostol ang mga susi ng priesthood para mamuno sa Kanyang Simbahan.
Inihambing ng Tagapagligtas ang paghahayag sa isang bato, at sa mga susi naman inihambing ang awtoridad ng priesthood. Paano ninyo magagamit ang paghahambing na ito upang matulungan ang mga bata na magkaroon ng pananampalataya sa mga namumuno sa Kanyang Simbahan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng isang malaking bato habang binabasa mo sa kanila ang Mateo 16:18. Ulitin ninyo ng mga bata ang mga katagang “sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking [Simbahan],” na may kasamang mga galaw na tutugma sa mga salita. Ipaliwanag na ang Simbahan ay nakatayo sa “bato” ng paghahayag.
-
Ipakita sa mga bata ang ilang susi at sabihin kung para saan ang mga susi. Ipaliwanag na tinanggap nina Pedro at ng iba pang mga Apostol ang mga susi ng priesthood mula kay Jesus. Ang mga susing ito ang “nagbubukas sa nakakandadong” mga pagpapala para sa atin at nagbubukas ng daan tungo sa langit. Halimbawa, ang mga susi ng priesthood ay nagtutulot sa atin na mabinyagan at tumanggap ng sakramento. Bigyan ng mga susing gawa sa papel ang mga bata, at ipasulat sa kanila ang ilang pagpapala na “nakakandado na mabubuksan” ng mga susi ng priesthood.
-
Magpakita ng larawan ng Pangulo ng Simbahan, at magpatotoo na taglay niya ang lahat ng susi ng priesthood ngayon tulad ni Pedro noon.
Makagagawa ng mga himala ang aking pananampalataya.
Noong binabasa mo ang pangako ni Jesus na ang pananampalataya na tulad ng isang butil ng binhi ng mostasa ay makapaglilipat ng isang bundok, anong mga impresyon ang natatanggap mo tungkol sa mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na magpalitan sa pagguhit ng malalaking bundok at maliliit na binhi sa pisara habang binabasa mo sa kanila ang Mateo 17:19–20. Ipaliwanag na ang mga bundok na kailangan nating ilipat ay karaniwang ang mga bagay na tila mahirap para sa ating gawin. Ano ang ilang bagay na maaaring parang bundok para sa atin? Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito upang tulungan ang mga bata na mag-isip kung paano makakatulong sa kanila ang pananampalataya na gawin ang bagay na nais ng Diyos na gawin nila.
-
Ilagay ang larawan ng isang bundok sa isang panig ng silid, at isulat dito ang mga salitang gaya ng takot, pagdududa, o pag-aalala. Sabihin sa mga bata na tukuyin ang ilang bagay na magagawa nila upang magkaroon ng higit na pananampalataya kay Jesucristo. Hayaan ang bawat batang magmumungkahi ng isang bagay na ilipat ang bundok papunta sa kabilang panig ng silid. Basahin ang Mateo 17:19–20, at patotohanan ang kapangyarihan ng pananampalataya sa iyong buhay.
-
Hilingin sa mga bata na kantahin ang “Pananalig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 50– 51, at pagkatapos ay bigyan ang bawat bata ng isang binhing maiuuwi sa bahay. Sabihin sa kanila na itanim ang binhi at ilagay ito sa isang lugar kung saan mapapanood nila ang paglago nito upang tulungan silang maalala na manampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ang isang patotoo tungkol kay Jesucristo ay dumarating sa pamamagitan ng paghahayag mula sa langit.
Paano makakatulong sa mga bata ang patotoo ni Pedro sa Mateo 16:13–17 na mapalago ang kanilang mga patotoo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Itanong sa mga bata kung ano ang kanilang sasabihin kapag may nagtanong sa kanila ng, “Sino si Jesus?” Sabihin sa mga bata na basahin ang Mateo 16:13–17 upang malaman kung paano sinagot ni Pedro ang tanong na iyon. Paano siya nagkaroon ng patotoo kay Jesus? Ano ang magagawa natin para mapalakas ang ating mga patotoo?
-
Tulungan ang mga bata na ihambing ang mga paraan ng pag-alam natin sa mga espirituwal na katotohanan sa mga paraan ng pag-alam natin sa iba pang mga katotohanan. Halimbawa, paano natin malalaman kung gaano katangkad ang isang tao o kung ano ang klima? Paano natin malalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos?
-
Magpatotoo tungkol kay Jesucristo, at hamunin ang mga bata na magkaroon o palakasin ang kanilang patotoo.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay pinamumunuan ng mga taong mayhawak ng mga susi ng priesthood.
Ang pag-aaral ng Mateo 16:15–19 ay makapagpapatatag ng pananampalataya ng mga bata na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pagpapanumbalik ng mismong Simbahan na itinatag ni Jesus noong nabubuhay Siya sa lupa.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat ang Mateo 16:19 sa pisara ngunit huwag isulat ang ilang salita, tulad ng salitang “mga susi.” Sabihin sa mga bata na hanapin ang mga nawawalang salita.
-
Rebyuhin ang impormasyon tungkol sa mga susi ng priesthood sa Tapat sa Pananampalataya, 202–03. Ano ang mga susi ng priesthood? Paano natutulad ang mga susi ng priesthood sa tunay na mga susi?
-
Tulungan ang mga bata na ilista sa pisara ang mga taong may mga susi ng priesthood. (Mayroong nakalista sa Tapat sa Pananampalataya, 203, na maaaring makatulong sa kanila.) Anyayahan ang isang tao sa inyong ward na mayhawak ng mga susing ito na magsalita sa klase kung bakit mahalaga ang mga susi ng priesthood.
-
Itago ang ilang susi (o mga larawan ng susi) sa paligid ng silid, at anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga ito. Matapos mahanap ang bawat susi, tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga biyaya na tinatamasa natin dahil sa mga susi ng priesthood (halimbawa, walang-hanggang pamilya, binyag, at sakramento).
Si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Ang Pagbabagong-Anyo ni Cristo ay isa sa ilang pagkakataon sa mga banal na kasulatan kung kailan narinig ang tinig ng Diyos Ama na nagpapatotoo tungkol sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ang pag-aaral ng mga talang ito kasama ang mga bata ay makapagpapalakas ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng Pagbabagong-Anyo ni Cristo, na matatagpuan sa Mateo 17:1–9. Sabihin sa kanila na ipaliwanag ang kanilang mga iginuhit sa isa’t isa. (Tingnan din sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.)
-
Bigyan ang mga bata ng oras upang pagnilayan kung ano ang itinuturo sa kanila ng kuwentong ito tungkol kay Jesucristo. Ipasulat sa kanila sa pisara ang mga naiisip nila. Anyayahan ang ilang bata na ibahagi kung paano nila nalaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na itanong sa kanilang mga magulang o iba pang miyembro ng pamilya kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo.