Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Mangatakot’


“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Mangatakot’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Pinakakain ni Jesus ang maraming tao

Pakainin Sila, ni Jorge Cocco

Marso 25–31

Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6

“Huwag Kayong Mangatakot”

Habang naghahanda kayong magturo mula sa Mateo 14–15; Marcos 6–7; at Juan 5–6, hanapin ang mga mensahe na mahalaga sa buhay ng mga batang tinuturuan mo. Ano sa palagay mo ang makakatulong sa kanila na maunawaan ang mga mensaheng ito? Ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng ilang ideya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Ipakita ang larawan ni Jesus na naglalakad sa tubig (tingnan ang outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at sabihin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Juan 5:1–9

Nalalaman ni Jesucristo kung ano ang pangangailangan natin at matutulungan Niya tayo.

Habang binabasa mo ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaki sa tabi ng tangke ng Betesda, pagnilayan kung paano mo matutulungan ang mga bata na makita kung ano ang itinuturo ng kuwento tungkol sa kabaitan, pagmamahal, at iba pang mga katangian ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang larawang Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Betesda (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 42) para ikuwento sa mga bata ang nasa Juan 5:1–9. Sabihin sa mga bata na kunwari ay sila ang taong pinagaling ni Jesus. Ano ang madarama nila kapag sila’y pinagaling ni Jesus?

  • Sabihin sa mga bata na tukuyin ang ilang bagay na mahirap para sa kanila o nagpapalungkot sa kanila. Ibahagi sa kanila ang isang panahon sa iyong buhay na nakatanggap ka ng tulong mula sa Tagapagligtas sa isang mahirap na pagsubok. Magpatotoo na alam ni Jesus ang tungkol sa lahat ng ating mga problema at nais Niya tayong tulungan.

Mateo 14:13–21

Tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus kapag tayo ay mabait sa iba.

Ang isang paraan na ipinakita ni Jesus ang pagmamahal Niya sa Kanyang mga alagad ay sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila nang magutom sila. Paano mo matutulungan ang mga bata na paglingkuran ang iba tulad ng ginawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita sa mga bata ng isang basket at ilang tinapay habang ikinukuwento mo ang nasa Mateo 14:13–21. Ipaliwanag na kahit na sinubukan ni Jesus na magpunta sa bundok para mapag-isa, gusto ng mga tao na makalapit sa Kanya. Ibahagi ang iba pang mga bahagi ng kuwento sa mga bata, at sabihin sa kanila na pakinggan kung ano ang ginawa ni Jesus para magpakita ng kabaitan at pagmamahal sa kanila.

  • Sabihin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan kung saan ang isang tao ay naging mabait sa kanila. Ano ang magagawa nila sa linggong ito para maging mabait sa iba? Para sa bawat sagot nila, magdrowing sa pisara ng isang tinapay o isda. Sabihin sa mga bata na kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito, sinusunod nila ang halimbawa na ipinakita ni Jesus noong pinakain Niya ang limang libong taong nagugutom.

Mateo 14:22–33

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa atin na huwag matakot.

Nagpakita si Pedro ng malaking pananampalataya noong siya ay naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ano ang mga aral na maaaring makuha ng mga bata sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawang Naglalakad si Jesus sa Tubig (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 43) habang ikinukuwento mo ito sa sarili mong mga salita. Isiping gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para matulungan ang mga bata na maikuwento rin ito sa iyo. Maaari ka ring magdala ng isang maliit na mangkok ng tubig at sabihin sa mga bata na magkunwaring “naglalakad” ang kanilang mga daliri sa ibabaw ng tubig.

  • Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ikuwento kung kailan sila nakadama ng takot at ibahagi kung ano ang nakatulong sa kanila. Tulungan silang makita na ang pananampalataya kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na madaig ang takot.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Juan 5:17–47

Itinuturo ni Jesucristo sa atin ang tungkol sa Ama sa Langit.

Paano makakatulong ang mga turo ni Jesus tungkol sa Kanyang Ama para matutuhan ng mga bata ang tungkol sa Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gumawa ng dalawang set ng magkakaparehas ng kard na may nakasulat na mga salitang ginamit ni Jesus upang ituro ang tungkol sa Ama sa Langit sa Juan 5, tulad ng sinisinta, buhay, at mga gawa (tingnan sa Juan 5:20, 26, 36). Itaob ang mga kard, at sabihin sa mga bata na magbaligtad ng tig-dadalawang kard. Kapag nakapagbaligtad ng magkaparehas na kard, basahin ang talata na naglalaman ng salita, at itanong sa mga bata kung ano ang itinuturo sa atin ng salita tungkol sa Ama sa Langit.

  • Ipabasa sa mga bata ang Juan 5:30, at pagkatapos ay kumpletuhin ang pangungusap na: “Hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi …” Paano sinunod ni Cristo ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit? Paano natin masusunod ang kalooban ng Ama sa Langit?

Juan 6:5–14

Ang ating mga munting handog ay makagagawa ng kaibhan.

Isang batang lalaki ang nagbigay ng tinapay at isda na ginamit ni Jesus para pakainin ng limang libong tao. Paano mo matutulungan ang mga bata na tinuturuan mo na makita kung paano sila makakatulong sa gawain ng Panginoon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hati-hatiin ang ilang biskwit o piraso ng tinapay sa mga bata. Tulungan silang isipin kung gaano kalaki ang pulutong ng limang libong tao. Ano kaya ang pakiramdam ng magpakain ng ganoon karaming mga tao na may lilimang tinapay lamang at dalawang isda?

  • Anyayahan ang isang bata na isalaysay sa sarili niyang mga salita ang kuwento ng pagpapakain ng limang libong tao. Paano tayo magiging tulad ng batang lalaki sa Juan 6:9? Sabihin sa mga bata na gumuhit ng mga tinapay at mga isda sa papel at isulat sa mga ito ang ilang bagay na maibibigay nila sa Panginoon para tulungan Siya sa Kanyang gawain.

  • Bigyan ang mga bata ng isang puzzle na bubuuin. Ano ang mangyayari kung nawawala ang isa sa mga piraso ng puzzle? Ipaliwanag na tayo ay parang isa sa mga piraso ng puzzle—lahat tayo ay may isang bagay na makakatulong sa buhay ng iba. Paano nakakatulong ang mga bata sa kanilang mga pamilya o sa klase?

loaves and fishes

Mahimalang pinakain ni Jesus ang 5,000 tao mula sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda.

Mateo 14:22–33

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakatulong sa atin na huwag matakot.

Malaki ang kinalaman ng pananampalataya at takot sa kuwento ng paglalakad nina Jesus at Pedro sa ibabaw ng dagat. Anong mga aral ang matututuhan ng mga bata sa kuwentong ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Sabihin sa mga bata na hanapin ang talata sa Mateo 14 na nagpapaliwanag sa larawan.

  • Sabihin sa mga bata na hanapin ang mga palatandaan na nagpapakita ng pananampalataya at ang mga palatandaan na nagpapakita ng takot habang binabasa nila ang Mateo 14:22–33. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo? Paano natin mapapalitan ng pananampalataya ang takot?

  • Sabihin sa mga bata na kunwari ay naroon sila at mayroong kamera nang lumakad sa ibabaw ng dagat sina Jesus at Pedro. Anong eksena ang pipiliin nilang kuhanan ng larawan at bakit? Imungkahi na saliksikin nila ang Mateo 14:22–33 para sa mga ideya. Sabihin sa kanilang idrowing ang larawan ng eksena na pinili nila, ibahagi ang kanilang larawan, at ipaliwanag kung bakit nila pinili ang eksenang iyon.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung ginawa ng mga bata ang pahina ng aktibidad sa linggong ito, hikayatin silang gamitin ito para ituro sa kanilang pamilya ang mga natutuhan nila ngayon.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-anyayang magbahagi. Itanong sa mga bata kung ano ang kanilang mga ideya, damdamin, at karanasan. Makikita ninyo na madalas ay mayroon silang mga simple ngunit malalim na pananaw.