“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7: ‘Sila’y Kaniyang Tinuruang tulad sa May Kapamahalaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Pebrero 25–Marso 3
Mateo 6–7
“Sila’y Kaniyang Tinuruang tulad sa may Kapamahalaan”
Magsimula sa pagbabasa ng Mateo 6–7 na iniisip ang mga batang tinuturuan mo. Anong mga mensahe mula sa mga kabanatang ito ang kailangan nilang marinig? Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang outline na ito ay maaaring makatulong na magbigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo kung kinakailangan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng ginawa nila nitong nakaraang linggo para maging ilaw o halimbawa sa isang tao.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Kaya kong manalangin sa aking Ama sa Langit tulad ng ginawa ni Jesus.
Ang mga bata ay maaaring matutong manalangin sa pamamagitan ng pakikinig sa mga panalangin ng iba. Paano mo sila matutulungang matuto mula sa panalangin ni Jesucristo sa mga talatang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Rebyuhin ang mga turo ni Jesus tungkol sa panalangin na matatagpuan sa Mateo 6:5–13. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 20: Nagturo si Jesus Tungkol sa Panalangin,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 51–52.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito upang matulungan ang mga bata na maalala ang iba’t ibang bahagi ng panalangin.
-
Bakatin ang kamay ng bawat bata sa isang piraso ng papel. Pag-usapan kung ano ang dapat nating gawin sa ating mga kamay at braso habang nagdarasal tayo. Sa bawat pagbakat, isulat ang ilang bagay na ginagawa natin para ipakita ang pagpipitagan kapag nagdarasal tayo (halimbawa, pagyuko ng ating mga ulo, pagpikit ng ating mga mata, at iba pa).
-
Tulungan ang mga bata na gumawa ng isang poster o tsart na makakatulong sa kanila na manalangin sa umaga at gabi, at sabihin sa kanila na ibahagi ang mga ito sa kanilang pamilya.
-
Umawit kayo ng mga bata ng isang kanta na tungkol sa panalangin (tulad ng “Nakayuko,” Aklat ng mga Awit Pambata, 18), at patotohanan ang kapangyarihan ng panalangin. Maaari mo ring ipabahagi sa mga bata ang kanilang mga karanasan sa panalangin.
Dapat kong pakitunguhan ang iba ayon sa pakikitungong gusto kong gawin ng iba sa akin.
Ang turo ni Jesus sa Mateo 7:12—kilala rin bilang Golden Rule o Ginintuang Aral—ay nagbibigay ng simpleng gabay kung paano pakitunguhan ang iba. Ano ang makakatulong sa mga batang tinuturuan mo para maipamuhay ang alituntuning ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Mateo 7:12, at sabihin ito gamit ang mga simpleng salita na mauunawaan ng mga bata. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilang mga paraan kung paano makukumpleto ang pangungusap na gaya ng sumusunod: “Gusto ko kapag ginagawa ng iba ang para sa akin.” Pagkatapos ng bawat pangungusap, sabihin sa kanila na uliting kasama mo ang, “Kaya dapat gawin ko rin ang sa iba.”
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Mahalin Bawat Tao, Sabi ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 39, at gumawa ng mga simpleng galaw na akma sa awitin. Tanungin ang mga bata kung ano ang natutuhan nila tungkol sa kung paano tayo dapat makitungo sa iba batay sa halimbawa ng Tagapagligtas.
-
Sabihin sa mga bata na ilista ang mabubuting bagay na ginawa sa kanila ng kanilang mga magulang o ng iba pang mga miyembro ng pamilya. Basahin ang Mateo 7:12, at sabihin sa mga bata na ilista ang mabubuting bagay na magagawa nila para sa kanilang pamilya.
Makapagtatayo ako ng matibay na pundasyon sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus.
Ang paggamit ng talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa pagtatayo ng bahay sa buhangin o sa isang bato ay maaaring maging di-malilimutang paraan para turuan ang mga bata tungkol sa kahalagahan ng pagsasabuhay ng ating mga natututuhan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Ang Matalino at ang Hangal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 132, at gumawa ng mga galaw na akma sa mga salita.
-
Gamitin ang Mateo 7:24 para ituro ang mga pagkakaiba ng matalino at ng hangal. Sabihin sa mga bata na magkunwaring nagtatayo sila ng bahay. Paano tayo magiging tulad ng matalinong tao?
-
Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng talinghaga tungkol sa matalino at sa hangal.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ang Sermon sa Bundok ay naglalaman ng mga mensahe para sa akin.
Ang mga kabanatang ito ay maraming mensaheng angkop sa mga batang tinuturuan mo. Basahin ang mga ito na iniisip ang mga bata. Ano ang pinakatumatatak sa iyo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipaalala sa mga bata na napag-aaralan na nila ang itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok. Anong mga katotohanan ang naaalala nila na napag-aralan nila noong nakaraang linggo?
-
Isulat sa pisara ang ilang mga kataga na mula sa Sermon sa Bundok at ang ilang kataga na hindi nagmumula sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata na tukuyin kung aling mga kataga ang mula sa Sermon sa Bundok at ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga ito.
-
Pumili ng ilang talata mula sa Mateo 6–7 na sa tingin mo ay magiging makabuluhan sa mga bata. Isulat ang mga reperensyang banal na kasulatan sa mga kard, at itago ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa buong silid. Ipahanap ang mga ito sa mga bata, basahin ang mga talata, at ipaliwanag sa kanila kung bakit mahalaga ang mga turong ito sa kanila.
-
Magbahagi ng isang paboritong talata mula sa Mateo 6–7, at ipaliwanag kung bakit mo ito gusto. Kung mayroon din nagugustuhang talata ang mga bata, sabihin sa kanila na ibahagi kung bakit nila ito gusto at kung ano ang natutuhan nila mula rito.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41, at ihinto ang pag-awit kapag dumating kayo sa isang parirala na may kaugnayan sa isang alituntuning itinuturo sa Mateo 6–7 (tulad ng “maglingkod ng puspos”). Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga pag-uugnay sa mga bagay na kanilang natututuhan mula sa mga kabanatang ito.
Pakikinggan at sasagutin ako ng Ama sa Langit tuwing ako ay nagdarasal.
Habang pinag-aaralan mo ang Mateo 6:5–13; 7:7–11, ano ang nadarama mong kailangan maunawaan ng mga bata tungkol sa panalangin?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na basahin nang malakas ang Mateo 6:9–13 at pagkatapos ay ilista ang mga bagay na binanggit ng Tagapagligtas sa Kanyang panalangin. Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa kapag nananalangin tayo?
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Naisip Bang Manalangin?” Mga Himno, blg. 82. Tulungan ang mga bata na saliksikin ang mga titik upang malaman ang dahilan kung bakit tayo nagdarasal at ang mga pagpapalang nagmumula sa panalangin.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang Mateo 7:7 sa pamamagitan ng paglalaro ng tulad ng sumusunod: Bibigkasin ng isang bata ang unang salita o parirala at pagkatapos ay ihahagis niya ang bola sa isa pang bata na bibigkas naman ng susunod na salita o parirala.
-
Sabihin sa mga bata na isadula ang Mateo 7:9–10 gamit ang simpleng props. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang itinuturo nito sa kanila tungkol sa panalangin.
-
Magbahagi ng isang karanasan na nasagot ang inyong mga dalangin.
Kaya kong magsikap para sa walang hanggang mga kayamanan sa halip na makalupang mga kayamanan.
Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na mas pahalagahan ang mga bagay na walang-hanggan kaysa sa mga makamundong bagay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala ng isang kahon ng mga “kayamanan” na puno ng mga bagay o larawan na kumakatawan sa mga bagay na pinahahalagahan ng mundo—halimbawa, salapi o mga laruan. Basahin nang sabay-sabay ang Mateo 6:19–21, at pagkatapos ay sabihin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng mga kayamanan sa langit na maaaring ihalili sa mga makamundong bagay na nasa kahon.
-
Sabihin sa mga bata na tukuyin o idrowing ang ilang bagay na magagawa nila para “[makapag-ipon] … ng mga kayamanan sa langit” (Mateo 6:20).
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sabihin sa mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang kanilang mga paboritong aral mula sa Sermon sa Bundok.