“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Pebrero 18–24
Mateo 5; Lucas 6
“Mapapalad Kayo”
Simulan sa pagbabasa ng Mateo 5 at Lucas 6. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sabihin sa mga bata na magbahagi ng tungkol sa isang bagay na ginawa nila sa linggong ito para ibahagi ang liwanag ng Panginoon sa isang tao.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Ang mga batang tinuturuan mo ay maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensya sa tahanan kapag pakikitunguhan nila nang may pagmamahal at kabaitan ang iba.
Posibleng mga Aktibidad
-
Basahin ang Mateo 5:9 sa mga bata, at ipaliwanag na ginagawang payapa ang anumang lugar ng isang tagapamayapa, saan man sila naroroon. Magbahagi ng ilang kathang-isip na mga sitwasyon, at tulungan ang mga bata na tukuyin kung ang mga tauhan ay mga tagapamayapa.
-
Anyayahan ang ilang magulang ng mga bata na bumisita sa inyong klase at ibahagi ang mga pagkakataon na naging tagapamayapa sa kanilang tahanan ang kanilang mga anak.
-
Isulat sa mga piraso ng papel ang ilang mahihirap na sitwasyon na maaaring harapin ng mga bata (halimbawa, pag-aaway ng mga kapatid dahil sa isang laruan). Anyayahan ang bawat bata na kumuha ng isang piraso ng papel. Habang binabasa mo ang mga sitwasyon, sabihin sa kanila na ibahagi kung paano sila magiging isang tagapamayapa sa sitwasyong iyon.
Nais ni Jesus na maging ilaw ako sa iba.
Ang mga batang musmos ay maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensya sa kabutihan sa iba. Paano mo sila mahihikayat na paliwanagin ang kanilang ilaw?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita sa mga bata ng ilang bagay na nagbibigay ng liwanag, kabilang na ang isang larawan ng mga bata. Basahin ang Mateo 5:14–16, at sabihin sa mga bata na lahat tayo ay may ilaw o liwanag sa ating kalooban. Paano natin magagamit ang ating ilaw upang maakay ang iba patungo sa Diyos?
-
Buksan ang flashlight para magbigay ng liwanag sa paligid ng silid. Paano tayo natutulungan ng ilaw? Paano tayo maaaring maging ilaw ng sanglibutan? Takpan ang flashlight. Ano ang nangyayari kung hindi natin ibabahagi ang ating ilaw o kung itatago natin ito?
-
Itago ang flashlight sa kuwarto, at patayin ang mga ilaw. Sabihin sa mga bata na subukang hanapin ito. Rebyuhin ang Mateo 5:15, at pag-usapan kung bakit hindi natin dapat itago ang ating liwanag.
-
Itutok ang flashlight sa dingding, at sabihin sa mga bata na sundan ng kanilang mga mata ang liwanag. Gamitin ang liwanag para ituon ang kanilang mga mata sa larawan ng Tagapagligtas. Hilingin sa mga bata na ibahagi kung paano tayo maaaring maging ilaw na gagabay sa iba patungo kay Jesucristo.
-
Tulungan ang mga bata na hanapin at kulayan ang mga nakatagong kandila sa pahina ng aktibidad sa linggong ito.
-
Sabayan ang mga bata sa pag-awit ng “Isang Sinag ng Araw,” “Magliwanag,” o “Tila ba Ako’y Isang Tala,” Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39, 96, 84.
Nais ni Jesucristo na mahalin ko ang lahat ng tao.
Maaari nang magsimulang magpakita ng pagmamahal ang mga batang musmos, kahit na hindi tama ang pagtrato sa kanila ng kanilang mga kaibigan o kapatid. Habang binabasa mo ang Mateo 5:44–45, isipin kung paano maiaangkop ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga batang tinuturuan mo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigkasing muli ang Mateo 5:44 gamit ang mga salita at sitwasyon na mauunawaan ng mga bata at makakaugnay sila. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon nang nagpakita sila ng pagmamahal sa isang tao kahit mahirap itong gawin. Ano ang naramdaman nila sa ganitong mga karanasan?
-
Kantahin ninyo sa klase ang “Palaging Sasamahan Ka,” Aklat ng mga Awit Pambata, 78–79. Ano ang natutuhan natin mula sa kantang ito tungkol sa pagmamahal sa iba?
-
Bigyan ang mga bata ng mga hugis pusong papel na may mga salitang “Ipapakita ko ang aking pagmamahal sa lahat ng tao.” Sabihin sa kanila na lagyan ng dekorasyon ang mga puso at ilagay ang mga ito sa kanilang mga tahanan bilang paalala na mahalin ang iba.
-
Tulungan ang mga batang matutunan ang mga senyas para sa awitin na “Mahalin ang Bawat Isa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 74, tulad ng nakamungkahi sa Children’s Songbook.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Maaari akong maging maligaya kapag ipinamumuhay ko ang mga itinuro ni Jesus.
Habang binabasa mo ang Mateo 5:3–12, ano ang mga salita at parirala na naging kapansin-pansin sa iyo? Paano pagpapalain ng mga turong ito ang buhay ng mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Lumikha ng isang tsart sa pisara na may dalawang hanay, na may nakasulat na Mapapalad ang … at Pagpapala. Sabihin sa mga bata na hanapin sa Mateo 5:3–12 kung sino ang sinabi ni Jesus na mapapalad at ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa kanila.
-
Isulat ang bawat isa sa mga katangian at ang kaukulang pagpapala mula sa mga talatang ito sa mga kard, at sabihin sa mga bata na pagtugmain ang mga katangian at ang mga pagpapala. Sabihin sa mga bata na pumili ng isa sa mga katangian sa mga talatang ito na nais nilang taglayin.
Kaya kong maging isang tagapamayapa.
Itinuro ni Jesus na ang mga tagapamayapa ay tatawaging mga anak ng Diyos. Paano mo mahihikayat ang mga bata na maging mga tagapamayapa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa isang bata ang Mateo 5:9. Pagkatapos ay itanong: Ano ang isang tagapamayapa? Ano ang mga paraan na maaari tayong maging mga tagapamayapa sa ating pamilya at mga kaibigan? (Para sa ilang ideya, tingnan sa mga talata 21–24, 38–47.)
-
Hilingin sa bawat bata na mag-isip ng isang sitwasyon na kailangan ang tulong ng isang tagapamayapa. Ano ang gagawin ng isang tagapamayapa sa ganitong sitwasyon?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nagpakita sila ng pagmamahal sa isang tao, kahit na ang tao ay naiiba sa kanila o mahirap mahalin.
Ang aking halimbawa ay maaaring maging ilaw ng iba para sumunod kay Jesus.
Isipin ang mga bata na tinuturuan mo habang binabasa ninyo ang mga talatang ito. Ano kaya ang mga mensahe ng Panginoon para sa mga bata sa talatang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Mateo 5:16. Isulat ang talata sa pisara. Basahin ito nang ilang beses na binubura ang ilang salita sa bawat pagkakataon. Matapos maisaulo ng mga bata ang talata, maaari rin ninyong kantahin ang “Magliwanag,” Aklat ng Awit Pambata, 96.
-
Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga bagay na nagbibigay sa atin ng liwanag. Basahin ang Mateo 5:14–16. Tanungin sila kung bakit nais ni Jesus na maging ilaw tayo ng sanlibutan.
-
Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga bagay na magagawa nila para maging ilaw sa iba. Anyayahan ang dalawang bata na magharapan, at sabihin sa isa na pangitiin ang isa pa nang hindi siya hinahawakan. Pag-usapan ang kapangyarihang mayroon ang mga bata para maghatid ng kaligayahan sa iba.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hamunin ang mga bata na sa linggong ito ay maghanap ng isang tao na tagapamayapa. Sa simula ng klase sa susunod na linggo, anyayahan sila na ibahagi kung sino at ano ang nakita nila.