“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon’ Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Enero 28–Pebrero 3. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Enero 28–Pebrero 3
Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3
“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”
Habang binabasa mo ang tungkol kay Juan Bautista at sa binyag ni Jesucristo, itala ang anumang espirituwal na impresyong natatanggap mo. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga banal na kasulatan na ito, at tutulungan ka nitong suportahan ang personal na pag-aaral na ginagawa ng mga miyembro ng inyong klase.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mabigyan ang mga bata ng mga pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila, magpakita ng larawan ni Jesucristo na binibinyagan, at sabihin sa kanila na sabihin sa iyo kung ano ang nangyayari sa larawan at ano ang nadarama nila tungkol sa pagpapabinyag.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Maaari akong magpabinyag tulad ni Jesus.
Paano mo magagamit ang mga salaysay tungkol sa binyag ni Jesus para matulungan ang mga bata na maghandang magpabinyag?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento tungkol sa binyag ng Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 3:13–17; tingnan din sa “Kabanata 10: Bininyagan si Jesus,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 26–29). Ulitin ng ilang beses ang kuwento at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang mga detalye na naaalala nila. Ipaliwanag na si Jesus ay bininyagan sa pamamagitan ng paglulubog ng isang may awtoridad ng priesthood.
-
Ipakita ang larawan ng pagpapabinyag ni Jesus at ang pahina ng aktibidad sa linggong ito. Sabihin sa mga bata na tukuyin ang mga pagkakatulad ng dalawang larawan.
-
Maaari mong talakayin ang mga pangakong gagawin ng mga bata sa kanilang pagpapabinyag (tingnan sa Mosias 18:8–10; DT 20:37; Tapat sa Pananampalataya, 8). Tanungin sila kung alin sa mga bagay na ito ang ginagawa na nila.
-
Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric na sabihin sa mga bata ang tungkol sa magiging interbyu sa kanila sa binyag bago sila binyagan.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Pagbibinyag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55. Isiping hilingin sa isang batang nakakaalam ng kanta na pamunuan ang iba pang mga bata sa kanilang pag-awit.
Tinutulungan ako ng Espiritu Santo.
Bukod sa paghahanda para sa binyag, naghahanda rin ang mga bata na matanggap ang kaloob na Espiritu Santo. Paano mo sila matutulungan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang Mateo 3:11, 16 para ituro sa mga bata na ang Espiritu Santo ay bumaba kay Jesus nang Siya ay binyagan (nagpakita ang isang kalapati bilang tanda na ito ay nangyari). Ipakita ang larawang Ang Kaloob na Espiritu Santo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 105), at ipaliwanag na tinatanggap natin ang kaloob ng Espiritu Santo kapag tayo ay kinumpirma.
-
Magdala ng isang kahon na naglalaman ng mga bagay na tulad ng larawan ni Jesus, isang komportableng kumot, at kompas. Sabihin sa mga bata na pumili ng isang item at pagkatapos ay ibahagi kung paanong ang bawat item ay naging simbolo ng isang paraan na makakatulong sa atin ang Espiritu Santo—nagpapatotoo Siya tungkol kay Jesus, pinapanatag tayo (tingnan sa Juan 15:26), at ipinapakita sa atin ang tamang daan (tingnan sa 2 Nephi 32:5).
-
Ibahagi ang sarili mong mga karanasan ng pagtanggap ng tulong mula sa Espiritu Santo.
-
Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga paraan na tinutulungan tayo ng Espiritu Santo habang kinakanta nila ang “Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ako ay pinagpala sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Aaronic Priesthood.
Si Juan Bautista ay nagtaglay ng Aaronic Priesthood, kaya’t ito ay isang magandang pagkakataon para turuan ang mga bata tungkol sa Aaronic Priesthood at tulungan silang malaman ang mga pagpapala at kapangyarihang dumarating kapwa sa mga lalaki at babae sa pamamagitan ng priesthood na ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na ilista ang mga tungkulin ng Aaronic Priesthood, gamit ang Doktrina at mga Tipan 20:46, 58–60; 84:111. Ipaliwanag na ang mga priest sa Aaronic Priesthood ay maaaring “magbinyag, at pangasiwaan ang sakramento.” Ang mga priest, teacher, at deacon ay “magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (DT 20:46, 59). Sabihin sa mga bata na tingnan sa Mateo 3 ang mga halimbawa ng pagtupad ni Juan sa mga tungkuling ito. Paano nating lahat aanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, tulad ng ginawa ni Juan?
-
Magdispley ng ilang larawan ng pagsasagawa ng mga ordenansa ng binyag at ng sakramento ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103, 108). Talakayin kung paano tayo inihahanda ng mga ordenansang ito na tanggapin si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Sabay-sabay na basahin ang Doktrina at mga Tipan 13:1, at ipaliwanag na ipinanumbalik ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood kay Joseph Smith. Itanong sa mga bata kung paano sila napagpala ng pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood.
Kaya kong tuparin ang aking mga tipan sa binyag.
Ang salaysay tungkol sa binyag ni Jesus ay isang magandang pagkakataon para tulungan ang mga bata na rebyuhin ang kanilang mga tipan sa binyag at muling mangako na tuparin ang mga ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa dalawang bata na basahin ang Lucas 3:7–9, 15–17, na ang isa ay binabasa ang mga salita ni Juan Bautista at ang isa naman ay binabasa ang mga nalalabing salita. Pagkatapos ng bawat talata, tumigil sandali at ipaunawa sa mga bata kung ano ang kahulugan ng talata.
-
Rebyuhin ang mga tipan na ginawa ng mga bata sa binyag na matatagpuan sa Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:37. (Tingnan din sa Tapat sa Pananampalataya, 7–12.) Sabihin sa mga bata na isulat ang mga reperensya na ito sa pahina ng aktibidad sa linggong ito.
-
Maghanda ng ilang pares ng mga kard na may magkakaparehong kataga o larawan na kumakatawan sa mga tipan sa binyag. Itaob ang mga kard. Sabihin sa mga bata na sila ay isa-isang magbabaligtad ng dalawang kard na kailangang magkapares. Kapag magkapares ang naibaligtad na kard ng isang bata, anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na natupad nila ang tipang nakasaad sa kard.
-
Ibahagi kung paano ka napagpala ng pagtupad mo sa iyong mga tipan sa binyag.
Magagabayan ako ng Espiritu Santo.
Pinag-aaralan ng mga bata kung paano kilalanin at sundin ang patnubay ng Espiritu Santo. Paano mo sila matuturuan na ang pagtupad sa kanilang mga tipan sa binyag ang tutulong sa kanilang maging karapat-dapat sa pagtanggap ng patnubay na ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Papiliin ang bawat bata mula sa sumusunod na mga talata at ipaliwanag kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo: Doktrina at mga Tipan 6:23; 8:2–3.
-
Ipabasa sa isang bata ang Mateo 3:11. Ano ang pagkakapareho ng Espiritu Santo sa apoy? Halimbawa, ang apoy ay nakakapanatag at nagbibigay ng liwanag na gagabay sa atin (tingnan sa Juan 15:26; 2 Nephi 32:5).
-
Sabihin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at ibuka ang kanilang mga kamay. Pagkatapos ay dahan-dahang ipadama sa kanila ang isang balahibo o isang panali. Sabihin sa kanila na sabihin sa iyo kung nadama nila ito. Ano ang itinuturo ng aktibidad na ito tungkol sa pagkilala sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo?
-
Sabihin sa mga bata na magbahagi ng mga naging karanasan nila sa Espiritu Santo. Bakit nakakatulong ang pagtupad sa ating mga tipan upang magkaroon ng patnubay ng Espiritu Santo?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na magtanong sa kanilang mga magulang o sa iba pang miyembro ng pamilya tungkol sa kanilang binyag.