“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Pebrero 4–10
Mateo 4; Lucas 4–5
“Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon”
Simulan ang iyong paghahanda para sa lesson na ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Mateo 4 at Lucas 4–5. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.
Itala and Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sabihin sa mga bata na ipasa ang larawan ni Jesus mula sa isang bata papunta sa susunod. Habang hawak ng isang bata ang larawan, anyayahan siyang magbahagi ng isang bagay na ginawa ni Jesus noong narito Siya sa lupa.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Kaya kong piliin ang tama tulad ni Jesus.
“Hindi magkakasala” ang mga batang musmos (DT 29:47). Gayunman, ang tungkol sa paglaban ni Jesus sa mga tukso ni Satanas ay makahihikayat sa mga bata na magsimulang piliin ang tama ngayon.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang tungkol sa mga panunukso kay Jesus sa Mateo 4:1–11. (Tingnan din sa “Kabanata 11: Tinukso si Jesus,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 30–31.) Sa angkop na mga bahagi ng kuwento, itanong, “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ni Jesus?”
-
Magdispley ng larawan ni Jesucristo, at pagkatapos ay magbigay ng mga opsiyon na maaaring piliin ng isang batang musmos. Para sa bawat mabuting pagpili, sabihin sa mga bata na humakbang palapit sa larawan. Para sa bawat maling pagpili, sabihin sa mga bata na humakbang palayo sa larawan.
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang mga salita sa awit na “Piliin ang Tamang Landas,” Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83, gamit ang mga larawan, bagay, o iba pang visual aid na tumutugma sa mga titik.
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Nakalista sa Lucas 4:18–19 ang mga aspeto ng misyon ni Jesus. Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang mga ginawa Niya para sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang Lucas 4:18–19, at ipaliwanag ang mga dahilan kung bakit ipinadala sa mundo si Jesus (para magturo, magbigay ng kapanatagan, at pagalingin ang mga tao). Ibahagi kung paano Niya ito ginawa para sa iyo.
-
Sabihin sa ilang bata na magkunwaring nalilito, nalulungkot, o maysakit. Sabihin sa ibang mga bata na isadula kung ano ang magagawa nila para tulungan sila. Patotohanan na pumarito si Jesucristo para magturo, magbigay ng kapanatagan, at pagalingin tayo, at na dapat nating sundin ang Kanyang halimbawa.
-
Magpakita ng mga larawan ni Jesus na tinutupad ang mga aspeto ng Kanyang misyon (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo), at sabihin sa mga bata na ilarawan ang ginagawa ni Jesus. Magpakita rin ng mga larawan ng mga taong nagsisikap na maging katulad ni Jesus (makikita mo ang ilan sa mga magasin ng Simbahan).
-
Isulat sa mga piraso ng papel ang mga pangungusap na nagsisimula sa “Nang dahil kay Jesucristo” (tulad ng “Nang dahil kay Jesucristo, maaaring magkasama ang aking pamilya magpakailanman”). Pakuhanin ng isang piraso ng papel ang bawat bata, at tulungan silang basahin ang pangungusap.
Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na maging “mga mamamalakaya (mangingisda) ng mga tao.”
Ang panawagan ng Tagapagligtas na, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19), ay angkop sa lahat ng tao, kabilang na ang mga bata.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa dalawang bata na magkunwaring sina Simon Pedro at Andres habang binabasa mo ang Mateo 4:18–22. Tulungan ang mga bata na tukuyin kung ano ang isinuko o tinalikuran ng mga taong ito para makasunod kay Jesus.
-
Sabihin sa mga bata na magsalitan sa pagkukuwento ng mga nasa talatang ito gamit ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
-
Sama-samang kantahin ang “Susundin Ko ang Plano ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 86. Ano ang matututuhan natin mula sa awit na ito tungkol sa pagsunod kay Jesucristo?
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito at talakayin ninyo ng mga bata kung paano sila maaaring maging “mga mamamalakaya ng mga tao” sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus. Maaari mo ring ipalaro ang matching game: gumupit ng dalawang kopya ng bawat isda, ilapag ito nang pataob at sabihin sa mga bata na isa-isang baligtarin ang mga ito para mahanap ang kapares.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Ipinakita sa akin ni Jesus ang halimbawa sa pamamagitan ng paglaban sa tukso.
Maging si Jesucristo ay tinukso ni Satanas, ngunit hindi Siya nagpatangay sa tukso. Paano mo matutulungan ang mga bata na tularan ang Kanyang halimbawa?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gumawa ng tsart sa pisara na may nakasulat na Mga Tukso ni Satanas at Mga Tugon ni Jesus. Tulungan ang mga bata na punan ang tsart gamit ang Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13. Tanungin ang mga bata kung paano nila matutularan ang halimbawa ni Jesus.
-
Sumulat ng ilang sitwasyon kung saan maaaring matukso ang isang bata na gawin ang mali. Papiliin ng isa ang isang bata, at talakayin sa klase kung paano nila malalabanan ang tukso sa sitwasyong iyon.
Ang pag-aayuno ay makakatulong para madama kong malapit ako sa Ama sa Langit.
Bago nagsimula sa Kanyang ministeryo, si Jesus ay nag-ayuno at “nanalangin sa Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:2). Tulungan ang mga bata na makita kung paano sila mabibigyan ng espirituwal na lakas ng pag-aayuno at matutulungan nitong mapalapit sa Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa nang malakas sa isang bata ang Mateo 4:1–2. Ipabatid na sa mga rebisyon sa mga talatang ito sa Pagsasalin ni Joseph Smith, nalaman natin na pumunta sa ilang si Jesus upang “makasama ang Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1). Ano ang ginawa ni Jesus para “makasama ang Diyos”? Ibahagi kung paano nakatulong sa iyo ang pag-aayuno upang mas mapalapit ka sa Ama sa Langit.
-
Anyayahan ang mga bata na nakapag-ayuno na noon na magbahagi ng kanilang mga karanasan. Paano nila ipapaliwanag ang pag-aayuno sa isang tao na hindi pa kailanman nakapag-aayuno?
-
Magsulat ng mga tanong sa mga piraso ng papel tungkol sa pag-aayuno (tulad ng bakit, kailan, o paano tayo nag-aayuno), at ilagay ang mga ito sa isang mangkok. Sabihin sa mga bata na kumuha ng isang tanong at subukang sagutin ito. Anong mga karanasan ang maibabahagi mo o ng mga bata tungkol sa pag-aayuno?
Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.
Pagnilayan kung paano pinagpala ng Tagapagligtas ang buhay mo. Paano mo matutulungan ang mga bata na lalong pahalagahan ang Kanyang impluwensya sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihan ang isang bata na dumating sa klase na handang ibuod ang Lucas 4:16–30. Maaaring makatulong ang paggamit ng “Kabanata 17: Ang mga Galit na Tao sa Nazaret,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 42–43.
-
Basahin nang malakas ang Lucas 4:18 habang sumasabay sa pagbasa ang mga bata. Sabihin sa kanila na ilista ang mga bagay na sinabi ng Tagapagligtas na dahilan ng Kanyang pagparito. Sabihin sa mga bata na magbigay ng mga pagkakataon nang ginawa ni Cristo ang mga bagay na ito, sa mga banal na kasulatan man o sa kanilang buhay.
Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na sumunod sa Kanya at maging “mga mamamalakaya ng mga tao.”
Mayroong maraming paraan para makasunod ang mga bata sa Tagapagligtas at maging “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Paano mo sila tutulungang makita na maaari silang maging mabubuting impluwensya sa iba?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Mateo 4:18–22 at Lucas 5:1–11. Paano tumugon ang mga disipulo ni Jesus sa Kanyang panawagang sumunod sa Kanya? Ano ang magagawa natin para matularan ang kanilang halimbawa?
-
Ipakita sa mga bata ang ilang mga kagamitan sa pangingisda o isang larawan ng mangingisda. Ano ang ibig sabihin ng maging “mga mamamalakaya ng mga tao”? Anong mga kagamitan ang mayroon tayo upang tulungan tayong maging mga mamamalakaya ng mga tao?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila tungkol sa pagiging mamamalakaya ng mga tao.