“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 4–10. Mateo 4; Lucas 4–5, “Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Pebrero 4–10
Mateo 4; Lucas 4–5
“Sumasa Akin ang Espiritu ng Panginoon”
Magsimula sa pagbasa sa Mateo 4 at Lucas 4–5, at bigyang-pansin ang anumang ideyang natatanggap mo. Matutulungan ka ng mga ideya sa outline na ito na matukoy ang mahahalagang alituntunin sa mga kabanatang ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mula sa kanyang pagkabata, si Jesus ay tila mayroong kamalayan na Siya ay may natatangi at sagradong misyon. Ngunit habang naghahanda si Jesus na simulan ang Kanyang ministeryo sa lupa, tinangka ng kaaway na magtanim ng pag-aalinlangan sa isipan ng Tagapagligtas. “Kung ikaw ang Anak ng Diyos,” sabi ni Satanas (Lucas 4:3, idinagdag ang italics). Ngunit ang Tagapagligtas ay nanalangin sa Kanyang Ama sa Langit. Alam Niya ang mga banal na kasulatan, at alam Niya kung sino Siya. Sa Kanya, ang alok ni Satanas na—“Sa iyo’y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito” (Lucas 4:6)—ay hungkag, sapagkat ang habambuhay na paghahanda ng Tagapagligtas ay nagtulot sa Kanya na tanggapin ang “kapangyarihan ng Espiritu” (Lucas 4:14). Kaya sa kabila ng mga tukso, pagsubok, at pagtanggi, si Jesucristo ay hindi kailanman nag-alinlangan sa gawaing iniatas sa Kanya: “Dapat namang ipangaral ko … ang kaharian ng Dios, sapagkat sa ganito ay isinugo ako” (Lucas 4:43).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ay naghahanda sa akin na paglingkuran Siya.
Upang maghanda para sa Kanyang misyon, nagpunta si Jesus sa ilang “upang makasama ang Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1 [sa Mateo 4:1, footnote b]). Isipin ang ginagawa mo upang mapalapit sa Diyos. Paano ka nito inihahanda para sa gawain na nais Niyang gawin mo?
Si Jesucristo ay nagpakita ng halimbawa sa akin sa pamamagitan ng paglaban sa tukso.
Kung minsan ay nakokonsensya ang mga tao kapag natutukso silang magkasala. Ngunit maging ang Tagapagligtas, na nabuhay nang “walang kasalanan” (Mga Hebreo 4:15), ay tinukso. Maaaring nakapapanatag na malaman na dahil si Cristo ay naharap din at dinaig ang mga tukso, alam Niya ang mga tuksong kinakaharap natin at matutulungan tayong daigin ang mga ito (tingnan sa Mga Hebreo 2:18; Alma 7:11–12).
Habang binabasa mo ang Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13, ano ang natututuhan mo na makakatulong sa iyo kapag naharap ka sa mga tukso? Maaari mong iorganisa ang iyong mga ideya sa isang table na katulad nito:
Jesucristo |
Ako |
---|---|
Jesucristo Ano ang itinutukso ni Satanas na gawin ni Cristo? Gamitin ang Kanyang kapangyarihan upang mapawi ang Kanyang gutom. | Ako Ano ang itinutukso ni Satanas na gawin ko? |
Jesucristo Bakit handa si Cristo na labanan ang tukso? Siya ay nag-ayuno; inakay Siya ng Espiritu upang makasama ang Diyos; alam Niya ang nasusulat sa mga banal na kasulatan. | Ako Paano ako magiging handang labanan ang tukso? |
Jesucristo | Ako |
Anong karagdagang mga ideya ang nakukuha mo mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4?
Tingnan din sa I Mga Taga Corinto 10:13; Alma 13:28; Moises 1:10–22.
Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.
Kung hihilingan kang ilarawan ang ipinagagawa kay Jesucristo kaya siya isinugo sa lupa, ano ang sasabihin mo? Sa Lucas 4:18–19, inilarawan ng Tagapagligtas ang mga aspeto ng Kanyang sariling misyon sa pagbanggit sa isa sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa Mesiyas (tingnan sa Isaias 61:1–2). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Kanyang misyon habang binabasa mo ang mga talatang ito?
Kahit maraming siglo nang hinihintay ng mga Judio ang katuparan ng propesiya ni Isaias, hindi tinanggap ng marami na si Jesus ang Mesiyas nang sabihin Niyang, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig” (Lucas 4:21). Habang binabasa mo ang Lucas 4:20–30 (tingnan din sa Marcos 6:1–6), subukang ilagay ang iyong sarili sa katayuan ng mga mamamayan ng Nazaret. Mayroon bang anumang bagay na maaaring humadlang sa iyo para lubos na tanggapin si Cristo bilang personal mong Tagapagligtas?
Tingnan din sa Mosias 3:5–12.
Habang nagtitiwala ako sa Panginoon, matutulungan Niya akong maabot ang aking banal na potensyal.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 49–50). Ito ang nangyari kay Pedro at sa mga kapwa niya mangingisda. Tinulungan sila ni Jesus na matanto na higit pa sa pangingisda ang magagawa nila—maaari silang maging “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19; tingnan din sa Lucas 5:10). Para matulungan silang makita ito, ginamit ni Jesus ang mga karanasang pamilyar sa kanila.
Kailan mo nadama na tinatawag ka ng Tagapagligtas na sumunod sa Kanya? Paano mo maipapakita sa Panginoon na handa kang “[iwan] ang lahat” (Lucas 5:11) upang sumunod sa Kanya? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang Mateo 4:18–22 at Lucas 5:1–11.
Tingnan din sa “Magsisunod Kayo sa Akin,” Mga Himno, blg. 67.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Nag-aayuno si Jesus bago Siya tinukso ng kaaway. Anong mga ideya ang makukuha natin mula sa salaysay na ito tungkol sa kapangyarihan ng pag-aayuno? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga naging karanasan nila sa pag-aayuno. Marahil sama-samang maipaplano ng pamilya mo nang may panalangin na mag-ayuno para sa isang partikular na layunin.
Nang tuksuhin ni Satanas si Cristo na gawing tinapay ang isang bato, hinamon niya ang banal na pagkatao ni Cristo sa pagsasabing, “Kung ikaw ang Anak ng Dios” (Mateo 4:3, idinagdag ang italics). Bakit sinisikap ni Satanas na pagdudahan natin ang ating banal na pagkatao? Paano niya sinisikap na gawin ito? (Tingnan din sa Moises 1:10–23.)
Matapos subukan si Jesus sa pisikal at espirituwal, bumaling ang Kanyang isipan sa mga pangangailangan ni Juan Bautista, na nakabilanggo: “At ngayon napag-alaman ni Jesus na si Juan ay itinapon sa bilangguan, at nagsugo siya ng mga anghel, at masdan, sila ay nagsidating at naglingkod sa kanya [kay Juan]” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang halimbawa ni Cristo na isipin ang iba bago ang ating sarili? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa?
May kilala ba tayong tao na nalulungkot o kailangang “bigyan ng kalayaan”? (Lucas 4:18). Paano natin matutulungan ang iba na tanggapin ang pagpapagaling at pagpapalaya ng Tagapagligtas? Maaari mo ring talakayin kung paano tumutulong ang pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo na “itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas” (Lucas 4:18).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.