Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo’


“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Pebrero 18–24. Mateo 5; Lucas 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Sermon sa Bundok

Sermon on the Mount, ni Jorge Cocco

Pebrero 18–24

Mateo 5; Lucas 6

“Mapapalad Kayo”

Pansinin ang mga impresyong natatanggap mo habang binabasa mo ang Mateo 5 at Lucas 6, at itala ang mga ito sa isang study journal. Ang outline na ito ay makakatulong sa iyo na tukuyin ang ilan sa pinakamahalaga at nauugnay na mga alituntunin sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa puntong ito ng Kanyang ministeryo, malinaw na ang mga turo ni Jesus ay hindi magiging katulad ng nakasanayang marinig ng mga tao noong panahon Niya. Matatanggap ng mga maralita ang kaharian ng Diyos? Mamanahin ng maaamo ang lupa? Mapapalad ang mga pinag-uusig? Hindi itinuro ng mga eskriba at Fariseo ang gayong mga bagay noon. Gayunman para sa mga taong tunay na nakaunawa sa batas ng Diyos, nadama nilang tama ang mga doktrinang ito. Ang “mata sa mata” at “kapootan mo ang iyong kaaway” ay mas mabababang batas (Mateo 5:38, 43), na ibinigay sa mga taong ayaw ipamuhay ang mas mataas na batas. Ngunit dumating si Jesucristo upang tuparin ang mas mababang batas at ituro ang mas mataas na batas (tingnan sa 3 Nephi 15:2–10) na nilayon para tulungan tayo na balang-araw ay maging “sakdal, gaya ng [ating] Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mateo 5:1–12; Lucas 6:20–26

Ang walang-katapusang kaligayahan ay nagmumula sa pamumuhay sa paraang itinuro ni Jesucristo.

Lahat ay nais maging maligaya, ngunit hindi lahat ay naghahanap ng kaligayahan sa iisang lugar. Hinahanap ito ng ilan sa makamundong kapangyarihan at katayuan, ang iba naman ay sa yaman o sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pita ng katawan. Naparito si Jesucristo para ituro ang daan tungo sa walang-katapusang kaligayahan, para ituro ang tunay na kahulugan ng mapagpala. Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtatamo ng walang-katapusang kaligayahan mula sa Mateo 5:1–12 at Lucas 6:20–26? Paano ito naiiba sa pananaw ng mundo tungkol sa kaligayahan?

Anong mga tanong o impresyon ang pumapasok sa iyong isipan habang binabasa mo ang bawat talata? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo? Ano ang nagaganyak kang gawin para magkaroon ng mga katangiang inilarawan sa mga talatang ito?

Tingnan din sa Juan 13:17; 3 Nephi 12:3–12.

Mateo 5:13

Bakit ikinumpara ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo sa asin?

Ang asin ay matagal nang ginagamit na pampreserba, pampalasa, at panlinis. Mayroon ding banal na kahulugan ang asin para sa mga Israelita. Nauugnay iyon noon sa sinaunang kaugaliang mag-alay ng hayop sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 2:13; Mga Bilang 18:19). Kapag tumabang ang asin, nawawalan ito ng bisa, o “wala nang ano pa mang kabuluhan” (Mateo 5:13). Nangyayari ito kapag ito ay hinaluan o kontaminado ng iba pang mga elemento. Bilang mga disipulo ni Cristo, napapanatili natin ang ating “lasa” sa pag-iwas sa espirituwal na karumihan mula sa mundo. Tinutulutan tayo nitong tuparin ang ating gawaing magpreserba at maglinis bilang asin ng lupa—halimbawa, sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagiging mabuting impluwensya sa mundo (tingnan sa DT 103:9–10).

asin

“Kayo ang asin ng lupa” (Mateo 5:13).

Mateo 5:17–48; Lucas 6:27–35

Ang batas ni Cristo ang kapalit ng batas ni Moises.

Nagulat siguro ang mga disipulo na marinig si Jesus na sabihing ang kanilang kabutihan ay kailangang maging higit pa sa kabutihan ng mga eskriba at Fariseo (tingnan sa Mateo 5:20), na ipinagmalaki kung gaano kahusay nila sinunod ang batas ni Moises. Ngunit itinuro ni Jesus ang isang mas mataas na batas na hindi lamang inaangat ang ating mga kilos kundi maging ang mga iniisip at nadarama na nagbibigay-inspirasyon sa mga ito. Ang mas mataas na batas na ito ay mas maraming kailangan: ang puso, kaluluwa, at isipan (tingnan sa Mateo 22:37).

Habang binabasa mo ang Mateo 5:21–48 at Lucas 6:27–35, isiping markahan kapwa ang mga pag-uugaling kinakailangan sa batas ni Moises (“Narinig ninyo na …”) at kung ano ang itinuro ni Jesus para iangat ang mga ito.

Halimbawa, ano ang itinuro ni Jesus sa Mateo 5:27–28 tungkol sa responsibilidad natin sa ating mga iniisip? Paano mo mas makokontrol ang mga pumapasok sa iyong puso’t isipan? (tingnan sa DT 121:45).

 

Mateo 5:48

Inaasahan ba talaga ng Ama sa Langit na maging perpekto ako?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang salitang perpekto ay isinalin mula sa salitang Griyegong teleios, na ibig sabihin ay ‘ganap.’ … Ang pawatas na anyo ng pandiwa ay teleiono, na ibig sabihin ay ‘makarating sa malayong hangganan, mabuo nang husto, magampanan, o matapos.’ Tandaan na ang salita ay hindi nagpapahiwatig ng ‘kalayaan mula sa kamalian’; nagpapahiwatig ito ng ‘pagkakamit ng malayong layunin.’ …

“… Itinuro ng Panginoon, ‘Hindi ninyo matatagalan ang pagharap sa Diyos ngayon … ; dahil dito, magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap’ [DT 67:13].

“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim nating mga pagsisikap na maging sakdal ngayon ay parang napakahirap at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi pa dumarating. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Nakalaan ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86, 88).

Tingnan din sa Mga Taga Filipos 3:13–15; II Ni Pedro 1:3–11; Apocalipsis 3:21–22; 3 Nephi 27:27; Moroni 10:32–33; Doktrina at mga Tipan 76:69..

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 5:1–9

Aling mga alituntuning itinuro sa Mateo 5:1–9 ang makakatulong sa inyong tahanan na maging mas masayang lugar? Maaari kang magtuon sa isa o dalawa habang pinag-aaralan mo ang Sermon sa bundok sa susunod na ilang linggo. Halimbawa, anong mga turo ang nakikita ng mga miyembro ng inyong pamilya na makakatulong sa kanila na maging mga tagapamayapa? (tingnan sa Mateo 5:21–25, 38–44). Anong mga mithiin ang maitatakda mo? Paano ka magpa-follow up?

Mateo 5:14–16

Para matulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang ibig sabihin ng maging “ilaw ng sanglibutan,” maaari mong suriin ang ilan sa mga pinagmumulan ng liwanag sa inyong tahanan, sa inyong paligid, at sa mundo. Maaaring makatulong na ipakita ang nangyayari kapag nagtago ka ng isang ilaw. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Kayo ang ilaw ng sanglibutan”? (Mateo 5:14). Sino ang parang ilaw para sa ating pamilya? Paano tayo magiging ilaw sa iba? (tingnan sa DT 103:9–10).

Mateo 5:43–44

Bakit nais ng Panginoon na ipagdasal natin ang mga hindi mabait sa atin? Paano natin maipamumuhay ang alituntuning ito sa ating pamilya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mapagmasid. Habang nagtutuon ka ng pansin sa nangyayari sa buhay ng iyong mga anak, makakahanap ka ng magagandang pagkakataong magturo. Ang mga puna at tanong ng iyong mga anak sa maghapon ay maaari ding humantong sa posibleng mga sandali ng pagtuturo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 16.)

kandila

“Kayo ang ilaw ng sanglibutan” (Mateo 5:14).