“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7: ‘Sila’y Kaniyang Tinuruang Tulad sa May Kapamahalaan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 25–Marso 3. Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Pebrero 25–Marso 3
Mateo 6–7
“Sila’y Kaniyang Tinuruang Tulad sa May Kapamahalaan”
Kapag binasa natin ang mga banal na kasulatan nang may tanong sa isipan at may tapat na hangaring maunawaan ang nais ipaalam sa atin ng Ama sa Langit, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na bigyan tayo ng inspirasyon. Habang binabasa mo ang Mateo 6–7, bigyang-pansin ang mga impresyong ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang Sermon sa Bundok ay isa sa mga pinakabantog na diskurso sa Kristiyanismo. Nagturo ang Tagapagligtas gamit ang malilinaw na imahe, tulad ng isang bayan na nakatayo sa isang burol, mga lirio sa parang, at mga lobong nakabalatkayong mga tupa. Ngunit ang Sermon sa Bundok ay higit pa sa isang magandang talumpati. Ang bisa ng mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ay maaaring magpabago sa ating buhay, lalo na kapag namuhay tayo ayon dito. Kung magkagayon ang Kanyang mga salita ay nagiging higit pa sa mga salita; ang mga ito ay nagiging matibay na pundasyon sa buhay na mananatiling nakatayo, tulad ng bahay ng taong matalino, sa kabila ng mga hangin at baha ng mundo (tingnan sa Mateo 7:24–25).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Dapat kong ituon ang aking puso sa mga bagay na makalangit.
Hindi palaging madali na unahin ang mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo. Alin sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 6–7 ang tumutulong sa iyo na magtuon sa mga bagay na makalangit? Anong mga kaisipan o impresyon ang natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang Kanyang mga salita? Ano ang nagaganyak kang gawin? Isiping itala ang iyong mga impresyon. Halimbawa:
Dapat kong mas pahalagahan ang iniisip ng Diyos tungkol sa akin kaysa sa iniisip ng ibang tao. | |
Mas mapapalapit ako sa Diyos sa mapagpakumbaba at taimtim na panalangin.
Ang Sermon sa Bundok ay naglalaman ng maraming tema, at ang napapansin mong mga tema ay nakasalalay, sa ilang paraan, sa kasalukuyang mga sitwasyon sa buhay mo at kung ano ang nais ng Panginoon na ipaalam sa iyo.
Ang isang tema ng Mateo 6–7 ay panalangin. Suriin sandali ang iyong mga panalangin. Kumusta ang pakiramdam mo sa mga pagsisikap mong mas mapalapit sa Diyos sa panalangin? Anong mga turo sa Mateo 6–7 ang naggaganyak sa iyo na mapagbuti ang paraan ng iyong pagdarasal? Itala ang mga impresyong natatanggap mo sa pamamagitan ng Espiritu. Halimbawa:
Kapag nagdarasal ako, dapat kong pagpitaganan ang pangalan ng Ama sa Langit. | |
Kapag nagdarasal ako, dapat kong ipakita ang hangarin kong mangyari ang kalooban ng Panginoon. | |
Maaari mong basahing muli ang Sermon sa Bundok, at sa pagkakataong ito para maghanap ng iba pang paulit-ulit na tema o mensaheng angkop lalo na sa iyo. Itala ang nahanap mo sa isang study journal, pati na ang iyong mga ideya at impresyon.
Ano ang ibig sabihin ng gumamit ng “walang kabuluhang paulitulit” sa panalangin?
Kadalasang nauunawaan ng mga tao na ang ibig sabihin ng “walang kabuluhang paulitulit” ay ulit-ulitin ang pare-parehong mga salita. Gayunman, ang salitang walang kabuluhan ay naglalarawan ng isang bagay na walang halaga. Ang paggamit ng “walang kabuluhang paulitulit” sa panalangin ay maaaring mangahulugan ng pagdarasal nang walang tapat at taos-pusong damdamin (tingnan sa Alma 31:12–23).
Bakit hindi natin binibigkas ang Panalangin ng Panginoon?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Bago nanalangin ang Panginoon inutusan Niya muna ang Kanyang mga [alagad] na iwasan ang ‘walang kabuluhang paulitulit’ [Mateo 6:7] at manalangin ‘[na]ng ganito’ [Mateo 6:9]. Kaya’t ang Panalangin ng Panginoon ay nagsisilbing huwaran na susundin at hindi isang panalanging isasaulo at paulit-ulit na bibigkasin. Nais lang ng Panginoon na manalangin tayo na tulungan ng Diyos habang patuloy nating pinagsisikapang madaig ang masama at namuhay nang matwid” (“Mga Aral mula sa mga Panalangin ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 46–47).
Dapat akong humatol nang makatarungan.
Sa Mateo 7:1, tila sinasabi ng Tagapagligtas na hindi tayo dapat humatol, ngunit sa iba pang mga talata (pati na sa iba pang mga talata sa kabanatang ito), itinuturo Niya sa atin kung paano humatol. Kung parang nakalilito iyan, baka makatulong ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang ito na: “Huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan; datapwat humatol nang makatarungan.” Ano ang nakikita mo sa Mateo 7:1–5, at sa nalalabing bahagi ng kabanata, na tumutulong na malaman mo kung paano “humatol nang makatarungan”?
Tingnan din sa “Paghatol o Paghusga sa Iba,” Tapat sa Pananampalataya, 128–29; Lynn G. Robbins, “Ang Tapat na Hukom,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 96–98.
Nakikilala ko si Jesucristo sa pagsunod sa Kanyang kalooban.
Ang mga katagang “hindi ko kayo nangakilala” sa Mateo 7:23 ay binago sa Joseph Smith Translation at ginawang “Hindi ninyo ako kailanman nakilala.” Paano nakakatulong ang pagbabagong ito para mas maunawaan mo ang itinuro ng Panginoon sa mga talata 21–22 tungkol sa pagsunod sa Kanyang kalooban? Sa palagay mo gaano mo kakilala ang Panginoon? Ano ang magagawa mo para mas makilala Siya?
Tingnan din sa David A. Bednar, “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 102–5.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang pinag-aaralan ninyo ng pamilya mo ang Sermon sa Bundok, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring sumunod sa pagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan at tumigil tuwing makakarinig sila ng isang bagay na gusto nilang talakayin. Ang aktibidad ay maaaring tumagal nang ilang araw, kung kailangan.
Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa paraan ng pagdarasal ng Tagapagligtas? Paano natin magagamit ang Kanyang panalangin bilang huwaran upang mapagbuti ang ating mga personal na panalangin at panalangin ng pamilya? (Tingnan din sa Lucas 11:1–13.) Kung may maliliit pa kayong anak, maaari kayong magsanay na sama-samang magdasal.
Ano ang ibig sabihin ng “hanapin muna … ang kaniyang kaharian” o ang kaharian ng Diyos? Paano natin ito ginagawa bilang isang pamilya?
Maaari kang gumamit ng isang maliit at isang malaking piraso ng kahoy upang ilarawan ang isang puwing at isang biga habang tinatalakay mo ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa paghatol sa iba. Isiping basahin ang entry na “Paghatol o Paghusga sa Iba” sa Tapat sa Pananampalataya, 128–29, bilang bahagi ng talakayang ito.
Para matulungan ang pamilya mo na higit na maunawaan ang talinghaga ng pantas at ng mangmang, maaari mo silang pagbuhusin ng tubig sa buhangin at pagkatapos ay sa isang bato. Paano tayo makapagtatatag ng ating mga espirituwal na pundasyon sa ibabaw ng bato?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.