“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5: ‘Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Marso 4–10
Mateo 8–9; Marcos 2–5
“Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya”
Habang binabasa mo ang Mateo 8–9 at Marcos 2–5, maging sensitibo sa mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Isiping isulat ang mga pahiwatig na natatanggap mo at ang mga bagay na magagawa mo upang kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mahirap basahin ang Bagong Tipan nang hindi humahanga sa maraming kuwento tungkol sa Tagapagligtas na nagpagaling ng may sakit at nahihirapan—lahat mula sa isang babaeng may lagnat hanggang sa batang babae na sinabing patay na. Ano kaya ang mga mensahe para sa atin sa mga himalang ito ng pisikal na paggaling? Walang alinlangan na ang isang malinaw na mensahe ay na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na may kapangyarihan sa lahat ng bagay, pati na sa ating mga pisikal na sakit at depekto. Ngunit ang isa pang kahulugan ay matatagpuan sa Kanyang mga salita sa mapag-alinlangang mga eskriba: “Upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (Marcos 2:10). Kaya kapag binabasa mo ang tungkol sa isang bulag o ketongin na napagaling, maaari mong isipin ang paggaling—kapwa sa espirituwal at pisikal—na maaari mong matanggap mula sa Tagapagligtas at marinig Siyang nagsasabi sa iyo na, “Pinagaling ka ng pananampalataya mo” (Marcos 5:34).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Maaaring pagalingin ng Tagapagligtas ang mga kapansanan at karamdaman.
Ang ilang kabanatang ito ay nagtatala ng maraming pagkakataon ng mahimalang mga pagpapagaling na isinagawa ng Tagapagligtas. Sa pag-aaral mo ng mga pagpapagaling na ito, alamin ang mga posibleng mensahe para sa inyo. Maaari mong itanong sa sarili mo: Ano ang itinuturo ng kuwento tungkol sa pananampalataya? Ano ang itinuturo ng kuwento tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang nais ng Diyos na matutuhan ko mula sa himalang ito?
-
Isang ketongin (Mateo 8:1–4)
-
Isang alipin ng senturion (Mateo 8:5–13)
-
Biyenang babae ni Pedro (Mateo 8:14–15)
-
Dalawang lalaking bulag (Mateo 9:27–31)
-
Isang lalaking lumpo (Marcos 2:1–12)
-
Isang lalaking sinapian ng masasamang espiritu (Marcos 5:1–20)
-
Anak na babae ni Jairo (Marcos 5:22–23, 35–43)
-
Isang babaeng inaagasan ng dugo (Marcos 5:24–34)
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Pagpapagaling ng Maysakit,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 47–50.
Makakahingi ako ng tulong sa Diyos kahit pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat.
Pakiramdam ng senturion, na isang Gentil, ay hindi siya karapat-dapat na puntahan ng Tagapagligtas sa kanyang tahanan. Ang babaeng inaagasan ng dugo ay itinuring na marumi at itinakwil ng lipunan ng mga Judio. Gayon pa man, kapwa sila pinagpala ng Tagapagligtas. Ano ang natututuhan mo mula sa dalawang salaysay na ito tungkol sa paghingi ng tulong mula sa Panginoon?
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay nangangahulugan na inuuna ko Siya sa aking buhay.
Sa mga talatang ito, itinuro ni Jesus na sa pagiging Kanyang mga disipulo ay kailangan nating unahin Siya sa ating buhay, kahit mangahulugan iyan kung minsan na kailangan nating isakripisyo ang iba pang mga bagay na mahalaga sa atin. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang ito, pagnilayan ang sarili mong pagkadisipulo. Bakit kailangang maging handa ang mga disipulo na unahin ang Tagapagligtas? Ano ang maaaring kailangan mong isuko upang unahin si Jesus? (Tingnan din sa Lucas 9:57–62.)
Si Jesucristo ay may kapangyarihang magdulot ng kapayapaan sa gitna ng mga unos ng buhay.
Nadama mo na ba ang nadama noon ng mga disipulo ni Jesus sa bagyo sa dagat—na pinanonood ang mga alon ng tubig na pumapasok sa bangka at nagtatanong, “Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?”
Sa Marcos 4:35–41, may makikita kang apat na tanong. Ilista ang bawat isa, at pagnilayan kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa pagharap sa mga hamon ng buhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Paano nagdudulot ng kapayapaan ang Tagapagligtas sa mga unos ng buhay mo?
Maaari kong ipagtanggol ang mga paniniwala ko sa pamamagitan ng pagtuturo ng tunay na mga alituntunin.
Kung minsan ay mahirap malaman kung paano tutugon kapag binabatikos ng mga tao ang ating mga paniniwala at kaugalian sa relihiyon. Habang binabasa mo ang Mateo 9:1–13 at Marcos 2:15–17, hanapin ang mga pambabatikos ng mga nagpaparatang at ang mga tugon ng Tagapagligtas. Isiping markahan ng magkakaibang kulay ang mga pambabatikos at tugon o isulat ang mga ito. Ano ang napapansin mo sa paraan ng pagtuturo ng Tagapagligtas? Paano makakatulong sa iyo ang pagsunod sa Kanyang halimbawa kung kailangan mong ipagtanggol ang isang alituntunin ng ebanghelyo o kaugalian sa Simbahan?
Dahil sa pagsisisi, maaari akong magkaroon ng lakas ng loob.
Nang dalhin ang isang lalaking lumpo sa Tagapagligtas, kitang-kita ng mga tao na kailangan itong pisikal na mapagaling. Ngunit nilunasan muna ni Jesus ang mas malaking pangangailangan ng lalaki—ang kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Kahit hindi pisikal na napagaling ang lalaki, maaari pa rin niyang sundin ang payo ni Jesus na “laksan mo ang iyong loob” (Mateo 9:2). Kailan ka nakadama ng kagalakan dahil napatawad ka? (Tingnan din sa Alma 36:18–24.)
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang patuloy kayong nag-aaral ng pamilya mo tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Isiping gumawa ng listahan ng mga himala na inilarawan sa mga kabanatang ito at hanapin ang mga larawan ng ilan sa mga ito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa LDS.org). Maaari mong hilingin sa bawat miyembro ng pamilya na ikuwento ang isa sa mga himala (gamit ang isang larawan kung mayroon) at ibahagi ang natutuhan nila mula rito. Maaari mong ibahagi ang ilang halimbawa ng mga himalang nasaksihan o nabasa mo tungkol sa kasaysayan ng Simbahan sa makabagong panahon.
Ano ang natututuhan natin sa paraan ng pakikitungo ng Tagapagligtas sa mga publikano at makasalanan, na ipinagtabuyan ng iba? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa kapag nakipag-ugnayan tayo sa ibang tao?
Paano mo matutulungan ang pamilya mo na maunawaan ang pagsamo ng Tagapagligtas na tumulong ang mas marami pang manggagawa na ibahagi ang ebanghelyo? Maaari ninyong gawin ang isang simpleng bagay na tulad ng pagtutulungan sa isang gawain na matatagalang gawin ng isang tao, tulad ng paglilinis ng kusina pagkatapos ng hapunan. Ano ang magagawa natin upang maibahagi ang mensahe ng ebanghelyo?
Makakatulong ba ang ulat na ito sa mga miyembro ng pamilya kapag natatakot sila? Marahil maaari nilang basahin ang talata 39 at ibahagi ang mga karanasan nang tulungan sila ng Tagapagligtas na makadama ng kapayapaan sa mga panahon ng kaguluhan o takot.
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.