“Marso 18–24. Mateo 13; Lucas 8; 13: ‘Ang May mga pakinig, ay Makinig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Marso 18–24. Mateo 13; Lucas 8; 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Marso 18–24
Mateo 13; Lucas 8; 13
“Ang May mga Pakinig, ay Makinig”
Habang binabasa mo ang Mateo 13 at Lucas 8; 13, isipin kung paano mo ihahanda ang iyong sarili upang “pakinggan” at pahalagahan ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talinghagang ito. Ano ang gagawin mo para maipamuhay ang mga turong ito?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ang ilan sa mga di-malilimutang turo ng Tagapagligtas ay nasa mga simpleng kuwento na tinatawag na mga talinghaga. Ang mga ito ay higit pa sa kawili-wiling mga anekdota tungkol sa mga karaniwang bagay o pangyayari. Ang mga ito ay naglalaman ng malalalim na katotohanan tungkol sa kaharian ng Diyos para sa mga taong espirituwal na handa. Ang isa sa mga unang talinghaga na nakatala sa Bagong Tipan—ang talinghaga ng manghahasik (tingnan sa Mateo 13:3–23)—ay nag-aanyaya sa atin na suriin ang ating kahandaang tanggapin ang salita ng Diyos. “Sapagka’t sinomang tumatanggap,” sabi ni Jesus, “ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng sagana” (Joseph Smith Translation, Matthew 13:10 ). Kaya habang naghahanda tayong pag-aralan ang mga talinghaga ng Tagapagligtas—o alinman sa Kanyang mga turo—magandang magsimula sa pagsusuri sa ating puso at alamin kung binibigyan natin ang mga salita ng Diyos ng “mabuting lupa” upang lumaki, yumabong, umunlad, at magbunga na magpapala nang sagana sa atin at sa ating mga pamilya (Mateo 13:8).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ano ang “kaharian ng langit” na tinukoy ni Cristo sa Mateo 13?
Sa kabanatang ito, “ang kaharian ng langit” ay tumutukoy sa tunay na Simbahan ni Cristo, na siyang kaharian ng langit sa lupa. Para sa iba pang impormasyon, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaharian ng Diyos o kaharian ng langit.”
Kailangang maging handa ang puso ko na tanggapin ang salita ng Diyos.
Bakit kaya tinatanggap ng ilang puso ang katotohanan samantalang ang iba naman ay tila nilalabanan ito? Ang pagbasa sa talinghaga ng manghahasik ay maaaring magbigay ng magandang pagkakataong pag-isipan kung paano mo tinatanggap ang katotohanan mula sa Panginoon. Maaaring makatulong na itugma muna ang mga talata 3–8 ng Mateo 13 sa mga interpretasyong inilaan sa mga talata 18–23. Ano ang magagawa mo upang magkaroon ng “mabuting lupa” sa iyong sarili? Ano kaya ang ilang “tinik” na humahadlang sa iyo na talagang pakinggan at sundin ang salita ng Diyos?
Tingnan din sa Lucas 13:34; Mosias 2:9; 3:19; Alma 12:10–11; 32:28–43; Dallin H. Oaks, “Ang Talinghaga ng Manghahasik,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 32–35.
Tinutulungan ako ng mga talinghaga ni Jesus na maunawaan ang paglago at tadhana ng Kanyang Simbahan.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga talinghaga sa Mateo 13 ay naglalarawan ng paglago at tadhana ng Simbahan sa mga huling araw (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 341–357). Habang binabasa mo ang mga talinghagang ito, isulat kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Simbahan ng Panginoon (maaari kang sumangguni sa itinuro ni Propetang Joseph tungkol sa ilan sa mga talinghagang ito):
-
Ang trigo at ang mga pangsirang damo (13:24–30, 36–43): Ang masama at mabuti ay magkasamang lumalaki hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
-
Ang binhi ng mostasa (13:31–32):
-
Ang lebadura (13:33):
-
Ang natatagong kayamanan at ang mahalagang perlas (13:44–46):
-
Ang lambat (13:47–50):
-
Ang puno ng sangbahayan (13:52):
Matapos pagnilayan ang mga talinghagang ito, ano ang nagaganyak kang gawin para mas lubos na makibahagi sa gawain ng Simbahan ni Cristo sa mga huling araw? Anong mga tanong ang naiisip mo na makakatulong sa iyo na ipamuhay ang mga talinghagang ito? Halimbawa, “Ano ang handa kong isakripisyo para sa Simbahan?”
Kailangang lumaki ang mabubuti na kasama ng masasama hanggang sa katapusan ng mundo.
Ang isang paraan upang masuri ang talinghagang ito ay magdrowing ng larawan nito at isulat dito ang mga interpretasyon na nasa Mateo 13:36–43 at Doktrina at mga Tipan 86:1–7. Ang mapanirang damo ay isang “nakalalasong damo, na, hanggang sa magkaroon ng usbong, ay kamukha ng trigo” (Bible Dictionary, “Tares”). Anong mga katotohanan sa talinghagang ito ang naggaganyak sa iyo na manatiling tapat sa kabila ng kasamaan sa mundo?
Sa anong mga paraan nagministeryo ang “ilang babae” sa Tagapagligtas?
“[Ang] mga babaeng disipulo [ay] naglakbay na kasama ni Jesus at ng Labindalawa, na espirituwal na natuto mula [kay Jesus] at temporal na naglingkod sa Kanya. … Bukod sa pagtanggap sa ipinapangaral ni Jesus—ang mabuting balita ng Kanyang ebanghelyo at ang mga biyaya ng Kanyang kapangyarihang magpagaling—ang mga babaeng ito ay naglingkod sa Kanya, at nagbigay ng kanilang kabuhayan at katapatan” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian [2011], 4). Ang mga babaeng sumunod sa Tagapagligtas ay nagbigay rin ng malakas na patotoo tungkol sa Kanya (tingnan sa Linda K. Burton, “Mga Babaeng Nakatitiyak,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 12–15).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang pinag-aaralan ninyo ng pamilya mo ang mga turo ng Tagapagligtas, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Habang binabasa ng mga miyembro ng inyong pamilya ang mga talinghaga ng Tagapagligtas, maaaring masiyahan silang mag-isip ng sarili nilang mga talinghaga na nagtuturo ng mga katotohanang ito tungkol sa kaharian ng langit (ang Simbahan), gamit ang mga bagay o sitwasyon na pamilyar sa kanila.
Ano ang magagawa natin bilang pamilya para magkaroon ng “mabuting lupa” sa ating puso at sa ating tahanan? (Mateo 13:23). Kung may mas maliliit na bata sa pamilya mo, maaaring masaya na anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ipakita sa kilos ang iba’t ibang paraan upang ihanda ang ating puso na pakinggan ang salita ng Diyos habang hinuhulaan naman ng ibang mga miyembro ng pamilya ang ginagawa nila.
Paano mo maipapaunawa sa mga miyembro ng inyong pamilya ang kahalagahan ng maging handang tanggapin ang salita ni Cristo? Halimbawa, maaari mong takpan ang tainga ng isang miyembro ng pamilya habang tahimik mong binabasa ang Mateo 13:13–16. Ano ang naunawaan mula sa mga talatang ito ng miyembrong iyon ng pamilya? Ano ang papel na ginagampanan ng ating mga mata, tainga, at puso sa pagtanggap sa salita ng Diyos? Ano ang mga paraan na isinasara natin ang ating mga mata, tainga, at puso sa salita ng Diyos?
Ano ang magkatulad sa dalawang lalaki sa mga talinghagang ito? May iba pa bang mga bagay na dapat nating gawin bilang mga indibiduwal at bilang pamilya upang unahin ang kaharian ng Diyos sa ating buhay?
Paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at maililigtas ang mga tao mula sa pagkaalipin?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.