Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11: ‘Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus’


“Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11: ‘Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Marso 11–17. Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 7; 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

inoorden ni Jesus si Pedro

Marso 11–17

Mateo 10–12; Marcos 2; Lucas 711

“Ang Labindalawang Ito’y Isinugo ni Jesus”

Habang binabasa mo ang Mateo 10–12; Marcos 2; at Lucas 711, itala ang mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo. Isiping pagnilayan at itala ang mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa mga himala ng pagpapagaling ni Jesus. Maraming taong sumunod sa Kanya, na umaasa na malunasan ang kanilang mga karamdaman. Pero nang tingnan ng Tagapagligtas ang mga tao, hindi lamang ang kanilang mga pisikal na karamdaman ang nakita Niya. Puno ng habag, nakita Niya ang “mga tupa na walang pastor” (Mateo 9:36). “Ang aanihin ay marami,” pagpuna Niya, “datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa” (Mateo 9:37). Kaya tumawag Siya ng Labindalawang Apostol, “binigyan sila ng kapamahalaan,” at isinugo sila upang magturo at maglingkod “sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel” (Mateo 10:1, 6). Ngayon ay gayon din katindi ang pangangailangan sa mas maraming manggagawa upang paglingkuran ang mga anak ng Ama sa Langit. Mayroon pa ring Labindalawang Apostol, ngunit mas marami na ngayong disipulo ni Jesucristo kaysa rati—mga tao na maaaring ipahayag sa buong mundo, na “Ang kaharian ng langit ay malapit na” (Mateo 10:7).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mateo 10

Binibigyan ng Panginoon ang Kanyang mga tagapaglingkod ng kapangyarihang gawin ang Kanyang gawain.

Ang tagubilin ni Jesus sa Mateo 10 ay ibinigay sa Kanyang mga Apostol, ngunit lahat tayo ay may bahagi sa gawain ng Panginoon. Anong kapangyarihan ang ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol para tulungan silang gampanan ang kanilang misyon? Paano mo matatamo ang Kanyang kapangyarihan sa gawaing ipinagagawa sa iyo? (tingnan sa II Mga Taga Corinto 6:1–10; DT 121:34–46).

Korum ng Labindalawa

Isinasagawa ng Labindalawang Apostol ang gawain ng Panginoon ngayon.

Habang binabasa mo ang utos na ibinigay ni Cristo sa Kanyang mga Apostol, maaari kang makatanggap ng mga impresyon tungkol sa gawaing nais ng Panginoon na gawin mo. Ang tsart na tulad nito ay makakatulong sa iyo na buuin ang mga ideya mo:

Mateo 10

Mga impresyong natatanggap ko

Binigyan ng Tagapagligtas ng kapangyarihan o kapamahalaan ang Kanyang mga disipulo.

Mga impresyong natatanggap ko

Bibigyan ako ng Diyos ng kapangyarihan o kapamahalaan na kailangan ko upang magawa ang aking trabaho.

Mga impresyong natatanggap ko

Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apostol”.

Mateo 10:17–20

Kapag ako ay naglilingkod sa Panginoon, bibigyan Niya ako ng inspirasyon kung ano ang sasabihin.

Nakinita ng Panginoon na ang Kanyang mga disipulo ay uusigin at uusisain tungkol sa kanilang pananampalataya—isang bagay na katulad ng maaaring maranasan ng mga disipulo ngayon. Ngunit ipinangako Niya sa mga disipulo na malalaman nila sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang sasabihin. Nagkaroon ka na ba ng mga karanasan kung kailan natupad ang banal na pangakong ito sa buhay mo, marahil nang ikaw ay nagpatotoo, nagbigay ng basbas, o nakipag-usap sa isang tao? Isiping ibahagi ang iyong mga karanasan sa isang mahal sa buhay o itala ang mga ito sa isang journal.

Tingnan din sa Lucas 12:11–12; Doktrina at mga Tipan 84:85.

Mateo 10:34–39

Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa “hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak”?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na: “Tiwala ako na marami sa inyo ang nakaranas nang matanggihan at itakwil ng inyong ama’t ina at mga kapatid nang tanggapin ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo at pumasok kayo sa Kanyang tipan. Sa anumang paraan, dahil sa inyong matinding pagmamahal kay Cristo ay kinailangan ninyong isakripisyo ang mga ugnayang mahalaga sa inyo, at marami na kayong nailuha. Subalit dahil sa inyong walang-maliw na pagmamahal, matatag ninyong pinasan ang krus na ito, na ipinapakita na hindi ninyo ikinahihiya ang Anak ng Diyos” (“Pagliligtas sa Inyong Buhay,” Liahona, Mar. 2016, 20).

Ang kahandaang ito na mawala ang itinatanging mga kaugnayan para sundan ang Tagapagligtas ay may kasamang pangako na “ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39).

Mateo 11:28–30

Pagpapahingahin ako ni Jesucristo kapag umasa ako sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Lahat tayo ay may pasaning dinadala—ang ilan ay dahil sa ating sariling mga kasalanan at pagkakamali, ang ilan ay dulot ng mga pagpili ng iba, at ang ilan ay hindi kasalanan ninuman kundi bahagi lamang ng buhay sa lupa. Anuman ang mga dahilan ng ating mga paghihirap, nakikiusap si Jesus sa atin na lumapit tayo sa Kanya upang matulungan Niya tayong dalhin ang ating mga pasanin at makasumpong ng kaginhawahan (tingnan din sa Mosias 24). Itinuro ni Elder David A. Bednar na, “Sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, pinapasan natin ang pamatok at nakikiisa tayo sa Panginoong Jesucristo” (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 88). Nasasaisip ito, pagnilayan ang mga tanong tulad ng sumusunod para mas maunawaan ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito: “Paano ako iniuugnay ng aking mga tipan sa Tagapagligtas?” “Ano ang kailangan kong gawin para lumapit kay Cristo?” o “Sa paanong paraan madali ang pamatok ng Tagapagligtas at magaan ang Kanyang pasanin?”

Ano ang iba pang mga tanong na pumasok sa iyong isipan habang ikaw ay nagbabasa? Isulat ang mga ito at hanapin ang mga sagot sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa linggong ito. Maaari mong mahanap ang mga sagot sa ilan sa iyong mga tanong sa mensahe ni Elder David A. Bednar na binanggit sa itaas.

Lucas 7:36–50

Habang ako ay pinatatawad sa aking mga kasalanan, tumitindi ang aking pagmamahal sa Tagapagligtas.

Nakikita mo ba ang iyong sarili sa mga ulat na nasa mga talatang ito tungkol sa pagbisita ng Tagapagligtas kay Simon na Fariseo? Ikaw ba ay katulad ni Simon? Ano ang magagawa mo para masundan ang halimbawa ng pagpapakita ng pagpapakumbaba at pagmamahal ng babae kay Jesucristo? Kailan mo naranasan ang giliw at awa na ipinakita ng Tagapagligtas sa babae? Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito kung paano pinalalakas ng kapatawaran ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 10:40

Habang iniisip natin ang mga mensahe ng pinakahuling pangkalahatang kumperensya, kumusta ang pamilya natin sa pagtanggap at pagsunod sa payo ng mga makabagong Apostol? Paano tayo mas napapalapit kay Jesucristo sa pagsunod natin sa kanilang payo?

Mateo 11:28–30

Matutulungan mo ang pamilya mo na ilarawan ang Tagapagligtas sa mga talatang ito sa pagsasalitan nila na sikaping hatakin ang isang bagay na mabigat, una sila lang mag-isa at pagkatapos ay may tulong na ng iba. Ano ang ilang pasanin na maaaring dala natin? Ano ang ibig sabihin ng pasanin natin ang pamatok ni Cristo? Ang larawang nakalakip sa outline na ito ay makakatulong para maipaliwanag mo kung ano ang pamatok.

Mateo 12:10–13; Marcos 2:23–28

Paano tayo “makagagawa ng mabuti” sa araw ng Sabbath? (Mateo 12:12). Sa paanong mga paraan tayo maaaring pagalingin ng Tagapagligtas sa araw ng Sabbath?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Makinig sa Espiritu. Sa pag-aaral mo, pansinin ang naiisip at nadarama mo (tingnan sa DT 8:2–3), kahit parang wala itong kaugnayan sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon ang mga bagay mismo na nais ng Diyos na malaman mo at gawin mo.

pagtatayo ng Kirtland Temple

Sinabi ng Tagapagligtas, “Pasanin ninyo ang aking pamatok” (Mateo 11:29).

Kirtland and the First Temple, ni Dan Burr