Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Mangatakot’


“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6: ‘Huwag Kayong Mangatakot’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Marso 25–31. Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

pinakakain ni Jesus ang maraming tao

Feed Them, ni Jorge Cocco

Marso 25–31

Mateo 14–15; Marcos 6–7; Juan 5–6

“Huwag Kayong Mangatakot”

Habang binabasa mo ang Mateo 14–15; Marcos 6–7; at Juan 5–6, hanapin ang mga katotohanang makahulugan sa iyo. Maaari mong itanong sa iyong sarili ang mga bagay na tulad ng “Paano nauugnay sa akin ang mga tala sa mga kabanatang ito?” “Anong mga mensahe ang nakikita ko para sa aking buhay?” o “Ano ang gusto kong ibahagi sa aking pamilya o sa iba?”

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ano kaya ang nakahikayat kay Pedro para iwanan ang kaligtasan sa kanyang bangka sa kalagitnaan ng Dagat ng Galilea sa malakas na bagyo? Ano ang umakay sa kanya na maniwala na kung kayang maglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig, kaya rin niya? Hindi natin malalaman nang tiyakan, ngunit marahil ay naunawaan ni Pedro na pumarito ang Anak ng Diyos hindi lamang para gumawa ng magagandang bagay para sa mga tao kundi para bigyan ng kapangyarihan ang mga taong katulad ni Pedro na gumawa rin ng magagandang bagay. Tutal, ang paanyaya ni Jesus ay “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22). Tinanggap nang minsan ni Pedro ang paanyayang ito, at handa siyang tanggapin itong muli, kahit nangahulugan ito ng pagharap sa kanyang mga pangamba at paggawa ng isang bagay na tila imposible. Marahil hindi hihilingin ng Panginoon na umibis tayo ng bangka sa kalagitnaan ng bagyo o iambag ang ating kakatiting na tinapay kapag kailangang kumain ng libu-libong tao, ngunit maaari Niyang hilingin na tumanggap tayo ng mga direksyon kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga ito. Anuman ang Kanyang mga paanyaya sa atin, kung minsa’y tila nakakagulat o nakakatakot pa ang mga ito. Ngunit maaaring mangyari ang mga himala kung isasantabi natin, tulad ni Pedro, ang ating mga takot, ating mga pagdududa, at ating limitadong pang-unawa at susundan Siya nang may pananampalataya.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Juan 5:17–47

Iginagalang ni Jesucristo ang Kanyang Ama.

Ang kaugnayan ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ay sadyang nararapat na maging banal. Sa mga talatang ito, binigyan tayo ni Jesucristo ng nagbibigay-inspirasyong huwarang dapat sundan sa ating pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit. Basahin ang Juan 5:17–47, at markahan o tandaan ang bawat paggamit ng salitang Ama. Paano iginagalang ng Anak ang Ama, at paano mo masusundan ang Kanyang halimbawa? Ano ang natututuhan mo tungkol sa nadarama ng Ama tungkol sa Anak? Paano madaragdagan ng pagpapatatag ng iyong kaugnayan sa Ama sa Langit ang iyong kahandaang hangarin at sundin ang Kanyang kalooban?

Tingnan din sa Juan 17; Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 70–73.

Mateo 14:16–21; Marcos 6:33–44; Juan 6:5–14

Maaaring palakihin ng Tagapagligtas ang aking abang mga handog upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Nakadama ka na ba ng kakulangan para tugunan ang mga pangangailangang nakikita mo sa paligid mo—sa inyong tahanan, sa inyong mga pakikipag-ugnayan, o sa lipunan? Nakadama siguro ng kakulangan ang mga disipulo ni Jesus nang hilingin Niya sa kanila na pakainin ang mahigit limang libong taong nagugutom (tingnan sa Mateo 14:21) samantalang lilima lang ang tinapay at dadalawa ang isdang naroon. Habang binabasa mo ang sumunod na himala, pagnilayan kung paano magagamit ng Diyos ang iyong abang mga handog na paglilingkod upang pagpalain ang mga nasa paligid mo. Paano kaya Niya palalawakin ang iyong mga pagsisikap habang naglilingkod ka sa Simbahan? Isipin ang pahayag na ito mula kay Pangulong James E. Faust: “Maraming hindi kilalang tao na ang mga kaloob ay katumbas lamang ng limang tinapay at dalawang maliliit na isda na ginagampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin at naglilingkod nang hindi napapansin o napaparangalan, literal na nagpapakain ng libu-libong tao” (“Five Loaves and Two Fishes” Ensign, Mayo 1994, 5).

Mateo 14:22–33; Lucas 6:45–52; Juan 6:15–21

Inaanyayahan ako ni Jesucristo na isantabi ang aking mga pangamba at pag-aalinlangan at sumampalataya sa Kanya.

Ilarawan sa iyong isipan ang mga detalye ng tagpong inilarawan sa Mateo 14:22–33; Marcos 6:45–52; at Juan 6:15–21. Isipin kung ano ang maaaring nadama ni Pedro at ng iba pang mga disipulo. Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagiging disipulo mula sa mga salita at gawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? Ano ang natututuhan mo mula sa mga salita at gawa ni Pedro? (Tingnan din sa 1 Nephi 3:7.) Ano ang hinihikayat ng Panginoon na gawin mo na maaaring katulad ng pag-ibis ng bangka? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob na manampalataya kay Jesucristo?

Juan 6:22–71

Bilang disipulo ni Jesucristo, kailangan ay handa akong paniwalaan at tanggapin ang katotohanan, kahit mahirap itong gawin.

Noong araw na mahimalang napakain ni Jesus ng tinapay ang maraming tao sa ilang, natagpuan Siya ng Kanyang mga alagad at humingi pa ng mas maraming pagkain. Gayunman, nalungkot sila at nasaktan pa nang sa halip ay alukin Niya sila ng espirituwal na uri ng pagkain—ang “tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:48). Nadama ng marami na “matigas ang pananalitang ito” (Juan 6:60).

Naranasan mo na bang madama na ang isang bagay na itinuro ng Tagapagligtas o ng isa sa Kanyang mga lingkod ay isang doktrinang “matigas” o mahirap tanggapin? Isipin ang gayong mga karanasan habang binabasa mo ang kuwentong ito, lalo na ang mga salita ni Pedro sa mga talata 68–69. Ano ang ilang “mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:68) na tumutulong upang manatili kang tapat sa pagsunod sa Tagapagligtas?

Tingnan din sa M. Russell Ballard, “Kanino Kami Magsisiparoon?” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 90–92.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mateo 14:16–21

Habang binabasa mo ang pagpapakain sa limang libo, maaari kang kumain ng kaunting tinapay at isda at isipin kung magkano ang aabutin ng pagpapakain sa limang libong tao. Paano espirituwal na napakain ni Cristo ang inyong pamilya? Paano ka Niya ginamit para pakainin ang iba?

mga tinapay at isda

Mahimalang pinakain ni Jesus ang 5,000 tao mula sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda.

Mateo 14:22–33

Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagsasadula sa mga talatang ito. Bakit kaya natakot ang mga disipulo? Bakit napaglabanan ni Pedro ang kanyang takot at umibis ng bangka? Paano siya nagpakita ng pananampalataya kahit nang magsimula na siyang lumubog? Paano tayo katulad minsan ni Pedro?

Juan 5:1–16

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pansinin ang mga halimbawa ng mga katagang “gumaling” sa mga talatang ito. Sa anong mga paraan pinagagaling ni Jesucristo ang mga tao? Kailan at paano Niya tayo pinagaling?

Juan 6:28–58

Bigyan ng isang piraso ng tinapay na makakain ang bawat miyembro ng pamilya, at talakayin ang mga pakinabang na natatanggap natin mula sa tinapay at iba pang masusustansyang pagkain. Pagkatapos ay sama-samang saliksikin ang mga talatang ito, inaalam kung bakit tinawag ni Cristo ang Kanyang sarili na “tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:35).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang sarili mong mga espirituwal na kaalaman. Sa iyong personal at pampamilyang pag-aaral, huwag mong limitahan ang sarili mo sa mga talata ng banal na kasulatan na nasa outline na ito. Ang Panginoon ay malamang na may mga mensahe para sa iyo sa mga kabanatang ito na hindi natalakay dito. Mapanalanging hangarin ang mga ito.

iniaahon ni Jesus si Pedro mula sa tubig

Against the Wind, ni Liz Lemon Swindle