“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5: ‘Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Marso 4–10. Mateo 8–9; Marcos 2–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Marso 4–10
Mateo 8–9; Marcos 2–5
“Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya”
Magsimula sa pagbabasa ng Mateo 8–9 at Marcos 2–5. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Sabihin sa mga bata na magkuwento tungkol sa pagsasagawa ng mga himala ni Jesus (tingnan ang listahan ng mga himala sa outline sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Maaari ka ring magpakita ng kaugnay na mga larawan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40, 41 o sa LDS.org).
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Si Jesus ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala.
Habang binabasa mo ang tungkol sa mga himala ng pagpapagaling ng Tagapagligtas, pagnilayan kung aling mga himala ang ibabahagi. Paano mo matutulungan ang mga batang iyong tinuturuan na maunawaan ang papel ng pananampalataya sa mga himala na ginawa ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang salaysay tungkol sa lalaking lumpo sa Marcos 2:1–12. Para sa tulong, tingnan ang “Kabanata 23: Ang Lalaking Hindi Makalakad,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 57–58. Sabihin sa mga bata na hindi makalakad ang lalaking lumpo. Tulungan silang malaman na ang taong ito ay pinagaling at pinatawad ng Tagapagligtas.
-
Sabihin sa mga bata na magkunwaring sila ay “nagbangon” tulad ng anak na babae ni Jairo habang binabasa mo ang Marcos 5:22–23, 35–43. Tulungan silang maunawaan na ginawang posible ni Jesus na magkaroon tayo ng buhay na walang-hanggan.
-
Basahin ang Marcos 5:34. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang mga katagang “Pinagaling ka ng pananampalataya mo,” marahil sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang salita sa bawat bata at pagsasabi sa mga bata na bigkasin nila ang mga salita sa tamang pagkakasunud-sunod. Mayroon ba silang kakilalang napagaling sa kanilang karamdaman?
-
Sabihin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at makinig habang binabasa mo ang Mateo 9:27–30. Kapag binabasa mo na ang pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag, sabihin sa mga bata na imulat ang kanilang mga mata. Ano kaya ang madarama ng mga bata kung pinagaling sila ni Jesus?
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon nang sila ay nagkasakit. Ikuwento ang mga salaysay tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa maysakit, at magpatotoo na ang kapangyarihan ni Jesus ay makapagpapagaling at magpapala sa atin kapag tayo ay nagdarasal at tumatanggap ng mga basbas ng priesthood. Ipaliwanag na bagama’t kung minsan ay hindi ibinibigay ng Panginoon ang hinahangad nating mga himala, mahal Niya tayo at nalalaman Niya ang ating mga pangangailangan. Ipagkakaloob Niya sa atin ang kapanatagang kailangan natin.
Kapag natatakot ako o nasa panganib, matutulungan ako ni Jesus na makadama ng kapayapaan.
Ang tala tungkol sa pagpapahupa ni Jesus ng bagyo ay makakatulong sa mga bata na malaman na mabibigyan Niya sila ng kapayapaan kapag sila ay natatakot.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na magkunwari na nasa isang barko sila habang binabasa mo ang Marcos 4:35–41. (Tingnan din sa “Kabanata 21: Inutusan ni Jesus ang Hangin at mga Alon,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 53.) Sabihin sa mga bata na ilarawan kung ano ang madarama nila kung naroon sila. Kailan nakadama ng takot ang mga bata? Paano sila napanatag?
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga tunog ng bagyo at tumigil kapag mayroong nagsabi ng “Pumayapa, tumahimik ka.” Magpatotoo na tulad ng pagbibigay sa atin ng kapayapaan ni Jesus kapag mayroong bagyo sa labas, mabibigyan Niya rin tayo ng kapayapaan sa ating puso kung hindi mabuti ang nararamdaman ng ating kalooban.
-
Mag-isip ng mga galaw na angkop para sa ikatlong talata ng “Ang mga K’wento Kay Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 36.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Si Jesus ay makagagawa ng mga himala sa aking buhay kung mananampalataya ako sa Kanya.
Maraming himala ang ginawa ni Jesus sa Kanyang mortal na ministeryo. Paano mo matutulungan ang mga bata na malaman na nangyayari ang mga himala ngayon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na pumili ng isa sa mga sumusunod na himala na kanilang babasahin at idodrowing: Marcos 2:1–12; Marcos 5:22–23, 35–43; o Marcos 5:24–34. Sabihin sa mga bata na ipaliwanag ang kanilang mga idinrowing sa klase. Ano ang natututuhan nila tungkol kay Jesus mula sa mga kuwentong ito?
-
Sabihin sa mga bata na iarte ang kanilang nadarama kapag sila ay maysakit, nalulungkot, natatakot, o nag-aalala. Paano tayo matutulungan ni Jesus kapag ganito ang ating mga nadarama? Magpatotoo na matutulungan ni Jesus ang mga bata sa lahat ng sitwasyong ito.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan nang sila o ang isang kakilala nila ay tumanggap ng basbas ng priesthood. Paano napagaling o napagpala ang taong iyon?
Maipapakita ko ang pagmamahal sa ibang tao tulad ng ginawa ni Jesus.
Si Jesus ay nagpakita ng malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga maysakit at nahihirapan. Pagnilayan kung paano mo maituturo sa mga bata na magpakita ng habag sa mga taong nangangailangan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng isa o higit pang mga himala ni Jesus na rerebyuhin mo sa mga bata, tulad ng mga nasa Marcos 2:1–12; Marcos 5:22–23, 35–43; o Marcos 5:24–34. Sabihin sa mga bata na magbahagi ng tungkol sa isang pagkakataon na tumulong sila sa isang taong nangangailangan at kung ano ang nadama nila.
-
Bingo
-
Ipaalala sa mga bata na ang pagtulong sa kapwa ay bahagi ng kanilang mga tipan sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10; Alma 34:28).
Kapag natatakot ako o nasa panganib, matutulungan ako ni Jesus na makadama ng kapayapaan.
Kailangang malaman ng mga bata na mabibigyan sila ng kapayapaan ng Tagapagligtas kapag nahaharap sila sa mga unos ng buhay—ngayon at sa hinaharap.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isa sa mga bata na gamitin ang Marcos 4:35–41 at ang larawang Pinahuhupa ni Jesus ang Bagyo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 40) para isalaysay ang kuwento tungkol sa pagpapahupa ni Jesus ng bagyo. Sabihin sa mga bata na ilarawan kung ano ang madarama nila kung naroon sila.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan ay nadama nila ang kapayapaan matapos manalangin para humingi ng tulong. Ipaalala sa kanila na ang kapayapaang ito ay nagmumula sa Tagapagligtas.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang “Guro, Bagyo’y Nagngangalit,” Mga Himno, blg. 60. Sabihin sa mga bata na bumulong kapag inaawit ang “Pumayapa.”
-
Bigyan ang bawat bata ng papel na ulap ng ulan, at sabihin sa kanila na isulat dito ang isang pagsubok na maaaring maranasan ng isang tao. Ilagay ang lahat ng mga ulap sa pisara, tinatakpan ang isang larawan ng Tagapagligtas. Anyayahan ang isang bata na tanggalin ang isa sa mga ulap at magmungkahi ng mga paraan na makakatulong tayo sa isang tao na may ganoong pagsubok sa paghahanap ng kapayapaan. Kapag naalis na ang lahat ng ulap, magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na pahupain ang mga bagyo sa ating buhay.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Tulungan ang mga bata na isulat ang paglilingkod na gagawin nila para sa isang tao sa linggong ito.