“Pebrero 11–17. Juan 2–4: ‘Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 11–17. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Pebrero 11–17
Juan 2–4
“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli”
Habang binabasa mo ang Juan 2–4, tuturuan ka ng Espiritu ng mga bagay tungkol sa sarili mong pagbabalik-loob. Itala ang Kanyang mga pahiwatig. Maaari kang makakita ng karagdagang espirituwal na mga ideya mula sa mga ideya sa pag-aaral sa outline na ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa isang piging sa kasal sa Cana, ginawang alak ni Cristo ang tubig—isang pangyayaring tinawag ni Juan na “pasimula … ng kaniyang mga tanda” (Juan 2:11). Totoo iyan sa mahigit sa isang paraan: bagama’t ito ang unang himalang ginawa ni Jesus sa harap ng mga tao, maaari din itong sumagisag sa isa pang mahimalang simula—ang proseso ng pagbabago ng ating puso habang nagiging mas katulad tayo ng ating Tagapagligtas. Ang himalang ito ng buhay ay nagsisimula sa desisyong sundan si Jesucristo, magbago at magkaroon ng mas magandang buhay sa pamamagitan Niya. Sa huli ang pagbabagong ito ay maaaring maging lubos na lubos kaya ang “ipanganak na muli” ay isa sa pinakamaiinam na paraan para ilarawan iyon (Juan 3:7). Ngunit ang pagsilang na muli ay simula pa lamang ng landas tungo sa pagkadisipulo. Ang mga salita ni Cristo sa Samaritana sa may balon ay nagpapaalala sa atin na kung magpapatuloy tayo sa landas na ito, ang ebanghelyo kalaunan ay magiging “isang balon ng tubig” sa ating kalooban, na “bubukal sa kabuhayang walang hanggan” (Juan 4:14).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Maaari akong baguhin ng kapangyarihan ni Jesucristo.
Habang binabasa mo ang tungkol sa Tagapagligtas na ginawang alak ang tubig sa Juan 2:1–11, anong mga ideya ang nakuha mo tungkol sa kapangyarihan ni Cristo na baguhin ka?
Maaari kang makakuha ng karagdagang mga ideya sa pagsasaalang-alang sa mga pananaw ng iba’t ibang taong naroon, gaya ni Maria, ng mga disipulo, at iba pa. Paano maaaring naranasan ng mga taong ito ang himala? Maaari mong ikumpara ang natutuhan mo tungkol sa mga himala sa mga talatang ito sa itinuro ni Jesucristo kay Nicodemo (tingnan sa Juan 3:1–8) at sa babae sa may balon (tingnan sa Juan 4:3–26).
Kailangan akong maipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng Diyos.
Nang lihim na magpunta si Nicodemo kay Jesus, maingat siyang nagmasid. Gayunman, kalaunan ay hayagan niyang ipinagtanggol si Jesus (tingnan sa Juan 7:45–52) at sumama siya sa mga nananalig nang ilibing ang Tagapagligtas (tingnan sa Juan 19:38–40). Anong mga turo ang nakikita mo sa Juan 3:1–21 na maaaring nagbigay-inspirasyon kay Nicodemo na sumunod kay Jesus at maipanganak na muli?
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “Ang pagkapanganak na muli, ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 112). Ano ang naging papel ng iyong binyag (“ipanganak ng tubig” [Juan 3:5]) at kumpirmasyon (ipanganak “ng Espiritu” [Juan 3:5]) sa pagkapanganak na muli? Ano ang ginagawa mo upang ipagpatuloy ang proseso ng pagbabago? (tingnan sa Alma 5:11–14).
Tingnan din sa Mosias 5:7; 27:25–26; David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 19–22.
Ipinapakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa akin sa pamamagitan ni Jesucristo.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas” (“Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 127). Paano mo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak?
Ang sakramento ay naglalaan ng oras upang pag-isipan ang pag-ibig ng Diyos at ang kaloob ng Kanyang Anak. Anong mga himno ang nagpapadama sa iyo ng pagmamahal na ito? Isiping kantahin nang sama-sama ang “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115). Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan ang sakramento?
Isang Espiritu ba ang Diyos?
Maaaring naguguluhan ang ilan sa sinabi ni Jesus na ang Diyos ay isang espiritu. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw: “Sapagkat sa mga yaon ipinangako ng Diyos ang kanyang Espiritu” (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26). Itinuturo din ng makabagong paghahayag na ang Diyos ay may katawang may laman at mga buto (tingnan sa DT 130:22–23; tingnan din sa Genesis 5:1–3; Mga Hebreo 1:1–3).
Inaalok sa akin ni Cristo ang Kanyang tubig na buhay.
Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niya sa Samaritana na sinumang uminom ng tubig na inaalok Niya ay hindi mauuhaw kailanman? Paano naging katulad ng ebanghelyo ang tubig na buhay?
Ang isa sa mga mensahe ng Tagapagligtas sa Samaritana ay na mas mahalaga ang paraan ng ating pagsamba kaysa kung saan tayo sumasamba (tingnan sa Juan 4:21–24). Ano ang ginagawa mo upang “[sambahin] ang Ama sa espiritu at katotohanan”? (Juan 4:23).
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsamba”; Dean M. Davies, “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 93–95.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Habang binabasa ng pamilya mo ang mga kabanatang ito ngayong linggo, bigyang-pansin lalo na kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang pang-araw-araw na mga bagay—pagsilang, hangin, tubig, at pagkain—para magturo ng mga espirituwal na katotohanan. Anong mga bagay sa inyong tahanan ang magagamit mo upang magturo ng mga espirituwal na katotohanan?
Sa pag-iwas mo sa mga bagay na pisikal at espirituwal na magpaparumi sa inyong tahanan, maaari itong maging isang sagradong lugar—tulad ng templo. Ano ang hindi dapat ipasok ng pamilya mo sa inyong tahanan para manatili itong isang sagradong lugar? Ano ang gagawin mo para hindi makapasok ang mga bagay na ito?
Hilingin sa mga miyembro ng pamilya na pag-isipan ang himala ng pagbubuntis at panganganak—ang proseso ng paglikha ng buhay, gumagalaw, at matalinong nilalang. Itinuro ni Cristo na kailangan tayong ipanganak na muli bago makapasok sa kaharian ng Diyos. Bakit magandang metapora ang pagsilang na muli para sa pagbabagong kailangan nating gawin bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos? Paano natin naranasan ang proseso ng espirituwal na pagsilang na muli?
Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ipahayag na muli ang talatang ito sa sarili nilang mga salita na para bang ipinapaliwanag nila ito sa isang kaibigan. Paano tayo natulungan ni Cristo na madama ang pagmamahal ng Diyos sa ating buhay?
Ano ang itinuturo sa atin ng Tagapagligtas nang ikumpara Niya ang Kanyang ebanghelyo sa tubig na buhay? Isiping hawakan ang isang baso ng tubig at hilingin sa pamilya mo na ilarawan ang mga katangian ng tubig. Bakit tayo kailangang uminom ng tubig araw-araw? Bakit kaya naikumpara ni Jesucristo ang Kanyang ebanghelyo sa “isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan”? (Juan 4:14).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.