“Pebrero 11–17. Juan 2–4: ‘Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Pebrero 11–17. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019
Pebrero 11–17
Juan 2–4
“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli”
Nagsisimula ang iyong paghahanda sa pagtuturo sa pagbasa ng Juan 2–4. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at mabibigyan ka ng outline na ito ng mga ideya sa pagtuturo.
Itala and Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang natututuhan at nararanasan sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila kung ano ang ginawa nila kamakailan para maging “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19). Maaaring kailangan mong rebyuhin sa kanila ang lesson noong nakaraang linggo.
Ituro ang Doktrina
Mga Batang Musmos
Kailangan kong mabinyagan at makumpirma para makabalik sa piling ng Ama sa Langit.
Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang gawin ang mahahalagang hakbang para muling makapiling ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapabinyag (ipanganak ng tubig) at pagpapakumpirma (ipanganak ng Espiritu). Paano mo sila matutulungang maunawaan ang kahalagahan ng dalawang ordenansang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang kuwento tungkol sa pagtuturo ni Jesus kay Nicodemo. Ipangako sa mga bata na kapag sila ay nabinyagan, ipagkakaloob sa kanila ng Ama sa Langit ang kaloob na Espiritu Santo.
-
Gamitin ang Juan 3:5 at ang pahina ng aktibidad sa linggong ito para ituro na kailangan nating mabinyagan at makumpirma para muling makapiling ang Ama sa Langit.
-
Tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang ginagawa kapag naghuhugas sila ng kamay. Ipakita ang larawan ng Batang Babaeng Binibinyagan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104), at tulungan ang mga bata na ihambing ang paghuhugas ng ating mga kamay sa tubig sa pagiging espirituwal na malinis sa pamamagitan ng binyag.
Mahal ako ng Ama sa Langit kaya ibinigay Niya sa akin ang isang Tagapagligtas.
Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan ang mahalagang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata na kumpletuhin ang mga pangungusap na katulad nito: “Dahil mahal ako ng aking mga magulang, sila ay. …” Basahin ang Juan 3:16. Pagkatapos ay tulungan ang bawat bata na ulitin ang Juan 3:16, na pinapalitan ang salitang “sanlibutan” ng kanyang sariling pangalan, at sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit dahil mahal Niya tayo. Sabihin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga bagay na tutulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila (tulad ng pamilya, kalikasan, mga banal na kasulatan, at iba pa). Sabihan sila na ibahagi ang kanilang mga drowing sa isa’t isa.
-
Ipataas sa mga bata ang isang larawan ni Jesus sa tuwing aawitin nila ang “Anak” sa “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21.
Si Jesucristo ang aking “tubig na buhay.”
Naranasan na ng mga bata sa iyong klase ang mauhaw. Paano mo magagamit ang karanasang iyon para tulungan ang mga bata na maunawaan kung gaano kalaki ang pangangailangan natin sa tubig na buhay na ipinagkakaloob ni Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang larawan sa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para ikuwento ang tungkol kay Jesus at sa babae sa tabi ng balon. Hilingin sa mga bata na ulitin ang kuwento.
-
Magpakita ng isang baso ng tubig, at tanungin ang mga bata kung ano ang mangyayari kung nauuhaw tayo at walang laman ang baso. Ibuod nang maikli ang Juan 4:5–15, at magpatotoo na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay- buhay sa ating espiritu, tulad ng tubig na nagbibigay-buhay sa ating katawan.
Ituro ang Doktrina
Nakatatandang mga Bata
Kaya kong igalang ang aking ina tulad ng ginawa ni Jesus.
Sa kasalan sa Cana, sinabi ni Maria kay Jesus na naubos na ang alak. Ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith, tumugon si Jesus sa Kanyang ina sa pagtatanong ng, “Babae, ano ang nais ninyo na gawin ko para sa inyo? iyon ay gagawin ko” (Juan 2:4, talababa a sa LDS na Biblia). Si Jesus ay isang halimbawa kung paano dapat tratuhin ng mga bata ang kanilang mga ina.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Juan 2:1–11 at sabihin na magsalitan sila sa muling pagkukuwento ng mga bahagi nito gamit ang sarili nilang mga salita.
-
Sabihin sa mga bata na ilista ang mga tulong na maaaring kailanganin ng kanilang ina. Pagpraktisin sila ng maaari nilang sabihin sa kanya gamit ang mga salita ni Jesus: “Ano ang nais ninyo na gawin ko para sa inyo?” ().
-
Anyayahan ang ilang mga nanay na bumisita sa inyong klase at ipabahagi sa kanila ang ginagawa ng kanilang mga anak para ipakita ang paggalang sa kanila.
Ang pagpapabinyag at pagpapakumpirma ay tulad ng pagsilang na muli.
Kapag bininyagan tayo, na tinatawag ni Jesus na “ipanganak ng tubig,” tumatanggap tayo ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at tayo ay “makapapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang kahulugan ng ipanganak na muli?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Paghalu-haluin ang mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 3:3 at ipaayos ang mga ito sa mga bata ayon sa tamang pagkakasunud-sunod. Paano naging katulad ng pagpapabinyag at pagpapakumpirma ang pagkapanganak na muli?
-
Magdispley ng larawan ng isang bagong silang na sanggol at ng isang taong binibinyagan at kinukumpirma (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 104 at 105). Paano tayo maihahalintulad sa isang bagong silang na sanggol matapos tayong mabinyagan at makumpirma? (tingnan sa Juan 3:3–5).
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga alaala ng kanilang binyag. Basahin ang Mosias 18:8–10 at Doktrina at mga Tipan 20:37 para marebyu ang tipan sa binyag. Ituro sa mga bata na ang taimtim na pakikibahagi ng sakramento sa bawat linggo ay isang paraan upang maipagpatuloy natin ang proseso ng pagsilang na muli.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang Saligan ng Pananampalataya 1:4.
Mahal ako ng Ama sa Langit kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak.
Paano ninyo matutulungan ang mga bata na malaman na ang pagpapadala kay Jesucristo sa lupa ay pagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpadrowing sa mga bata ng isang larawan ng paborito nilang regalo at ng tao na nagbigay sa kanila ng regalo. Pagkatapos ay ipabasa sa isang bata ang Juan 3:16. Anong regalo ang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit? Paano nakikita ang Kanyang pagmamahal sa kaloob na ito?
-
Sabihin sa mga bata na pakinggan ang sagot sa tanong na, “Bakit ipinadala sa atin ng Ama sa Langit si Jesucristo?” habang kinakanta nila ang “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21.
Iniaalok sa akin ni Jesucristo ang “tubig na buhay.”
Tulad ng paggamit ni Jesus ng tubig para turuan ang babae sa Samaria, maaari mo ring gamitin ang tubig para turuan ang mga bata kung bakit kailangan natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang mga bata ng maiinom na tubig, at sabihin sa kanila na magbahagi ng mga karanasan nang sila ay nauhaw. Pag-usapan kung ano ang pakiramdam na sa wakas ay makakuha ng maiinom na tubig.
-
Sumulat ng mga pangungusap na magbubuod ng kuwento ng babae sa tabi ng balon, at sabihin sa mga bata sa tumingin sa Juan 4:6–23 upang ilagay ang mga pangungusap sa tamang pagkakasunud-sunod. Ang ang gustong ituro ni Jesus sa babae?
-
Magdrowing sa pisara ng isang tasa ng tubig at isang bukal o ilog. Hilingin sa mga bata na magsabi ng mga bagay na, tulad ng isang tasa ng tubig, ay makapagbibigay sa atin ng panandaliang kasiyahan. Ano ang mga bagay na tulad ng “tubig na buhay” na maaaring makapagbigay sa atin ng kasiyahan magpakailanman?
-
Isulat sa pisara ang Paano nagiging katulad ng tubig ang ebanghelyo? Sabihin sa mga bata na isipin kung paano nila sasagutin ang tanong na ito habang binabasa nila ang Juan 4:6–23.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Isiping hilingin sa mga bata na magbigay ng maiinom na tubig sa mga miyembro ng kanilang pamilya pagdating nila sa bahay. Habang ginagawa nila ito, maaari nilang ibahagi kung ano ang natutuhan nila tungkol sa tubig na buhay.