2010
Piliin ang Templo
Hulyo 2010


Piliin ang Templo

Iyan ang payo ng dumaraming mga Banal sa mga Huling Araw sa India, na nakakaalam na ang mga pagpapala ay dumarating mula sa pagpunta sa bahay ng Panginoon.

Higit ninyo itong mapapansin kapag tumitig kayo sa kanilang mga mata. May galak doon, pag-asa at paniniwala, isang magandang pananaw na nagpapangiti kapag sinabi mong, “Sabihin mo sa akin ang damdamin mo tungkol sa templo.”

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa India, ang kasal sa templo ay naghahatid ng malalim na pang-unawa, katuparan, at pangakong tuparin ang mga tipan magpakailanman habang pinahahalagahan nila ang mga pangako ng kawalang-hanggan. Bagaman nasa Hong Kong ang pinakamalapit na templo at libu-libong milya ang layo, dumarami ang nagpupunta doon sa bahay ng Panginoon. Ginagabayan ng panalangin, pananampalataya, at Espiritu, pinipili nilang mabuklod sa templo. Narito ang ilan sa kanilang mga saloobin at kuwento.

Pagkakaroon ng Lakas

Si William Prabhudas ng Bangalore Second Branch ay nagtatrabaho sa isang hukuman. Alam niya kung gaano kasakit ang makitang nasisira ang pagsasama ng mga mag-asawa. Isa iyan sa mga dahilan kaya sabik na sabik silang mag-asawa na makahugot ng lakas sa templo.

“Gaya ng karamihan sa mga mag-asawa, kung minsan ay may maliliit na problema kaming kailangang lutasin,” sabi niya. “Ngunit mas madaling malulutas ang mga ito kapag kapwa kami may walang hanggang pananaw.”

Sabi ng asawa niyang si Sheela, nakatulong ang pagpunta sa templo hindi lamang sa kanilang mag-asawa, kundi maging sa kanilang mga anak: sina Celesta, edad 13, at Doris, 7. “Nabuklod kami bilang pamilya,” sabi ni Sheela. “Ang sarap ng pakiramdam. Nalimutan namin ang mundo sa labas, at para kaming nasa langit. Lagi naming pinag-uusapan ito.”

“Kaylaking pagpapala ang mabuklod sa asawa ko,” sabi ni Brother Prabhudas. “At pagkatapos ay ipinasok nila ang mga anak namin, na nakasuot ng puti, para makasama namin. Nagpaalala ito sa akin ng kalinisan—kalinisan sa ating buhay at sa ating tahanan. Magkaakibat ang kalinisan at ang templo. Kapag malinis tayo, nangangako ang Panginoon—sa Kanyang bahay ng mga pangako—na pagpapalain tayo.”

Naaalala ni Celesta na nagtrabaho, nagplano, at nag-impok ang kanyang pamilya nang dalawang taon para makapunta sa templo. Ngunit higit sa lahat, naaalala niya na kasama niya sa templo ang kanyang mga magulang at naroon din ang mga tito at tita at mga pinsan niya para saksihan ang pagbubuklod ng kanyang pamilya. “Pagkatapos, naghawak-kamay kaming lahat. Tumingin kami sa mga salamin at inisip namin ang kawalang-hanggan,” pag-alaala niya. “Ang ganda. Alam ko na gusto kong mapabilang sa pamilya ko magpakailanman.”

Ang Magkapatid at ang Kanilang mga Asawa

Sa paglipas ng mga taon maraming nagawa ang magkapatid na Thomas ng Hyderabad Fourth Branch para magpakita ng mabubuting halimbawa sa isa’t isa. Noong tinedyer pa sila, sabay silang naging miyembro ng Simbahan. Magkatulong nilang hinikayat ang kanilang ina hanggang sa sumapi rin ito sa Simbahan. Parehong naglingkod ang magkapatid sa India Bangalore Mission. Kapwa nila tinulungang mapanatag ang kanilang ina nang pumanaw ang kanilang ama. At kapwa sila nag-asawa kamakailan.

Ngayon ay nabuklod na ang mag-asawang sina Rejjie at Metilda, at di maglalaon ay ibubuklod na rin ang mag-asawang sina Rennie at Keerthi, sa pagsunod sa kanilang mabuting halimbawa.

“Mula nang sumapi ako sa Simbahan, naging proseso na ito ng pagbabago at pagpapahusay, ng pag-aaral ng plano ng kaligtasan at pagsunod dito,” sabi ni Rejjie. “Ngunit ang tunay na mithiin ay makabalik at mabuhay sa piling ng Ama sa Langit, ang ating mapagmahal na Ama, na gustung-gustong makabalik tayo sa Kanya kaya Niya tayo binigyan ng Tagapagligtas, ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang iligtas tayo mula sa pagkakasala at walang hanggang kamatayan. Nagpapasalamat ako na kami ng pamilya ko ay binago ng ebanghelyo ni Jesucristo, at pagpunta sa templo ang pinakamahalaga sa lahat ng iyon.”

Ipinaliwanag ni Rejjie na isa sa mga hamong nakaharap nila ni Metilda sa paghingi ng pahintulot sa kanilang mga magulang na makasal sila ay ang pagkakaiba ng kanilang rehiyon at wika. “Ngunit sa templo walang magkakaiba,” wika niya, “at naging magandang paalala iyan sa amin.” Nadarama niyang nasa mga kabataan ang hinaharap ng India. “Kami ang gagawa ng kaibhan,” wika niya, habang nakatingin kay Metilda. “Iyan ang pananaw naming dalawa. Kailangan naming magdaos ng mga family home evening, mag-aral ng mga banal na kasulatan at manalangin sa pamilya, at manatiling nakatuon sa templo. Iyan ang aming hinaharap.”

Sang-ayon si Metilda: “Tuwing tatanungin ko si Rejjie kung bakit napakamaunawain niya at mapagmahal, sinasabi niyang iyon ay dahil mas pinababait siya ng ebanghelyo. Sa kanyang misyon nakita niya ang halimbawa ng paggalang at pagmamahal ng mission president sa asawa nito. At sa templo ay gayon din ang nakikita natin. Kapag gayon ang ipinakita namin sa aming buhay at balang-araw sa aming mga anak, palalakasin ng impluwensyang iyon ang Simbahan sa India.”

Ikinuwento ni Rennie kung paano niya nakilala ang mapapangasawa niya sa pagdalo sa seminary noong investigator pa lang siya sa Simbahan. “Mas gusto ko sanang maglaro ng salagubang, pero sabi ng seminary teacher, ‘Kailangan mong unahin ang Diyos,’ kaya iyon ang ginawa ko. Kahit nahihiya ako noon, nagpunta ako at umupo sa silya sa likuran.” Sa hanay sa harapan ay nakita niya si Keerthi, na noon ay anim na buwan pa lang na miyembro. Kahit naging magkaibigan sila, nagsimula lamang silang magdeyt nang makauwi na si Rennie mula sa kanyang misyon. Naaalala ni Keerthi kung paano sila lumapit sa kanilang mga magulang, nang magpasiya na silang pakasal, para kumbinsihin ang mga ito na tama ang pinili nila.

“Natutuhan namin sa seminary na dapat nating igalang ang ating mga magulang, at naalala namin iyon,” wika niya.

Dagdag pa ni Rennie, “Pinayuhan nila kami na dapat naming tapusin ang aming pag-aaral at hintaying makapag-asawa muna ang kuya ko. Kaya nagsikap kami at naghintay, at ang pinakamaganda, nang makatapos kami sa pag-aaral, nag-asawa ang kuya ko, at hangang-hanga ang tatay ni Keerthi sa kasal nila. Nang makita niya ang magandang halimbawa nila, sumang-ayon siyang pakasal kami, at sa gayong paraan namin iginalang ang aming mga magulang at naiplano rin namin nang husto ang aming kasal.”

Sabi ni Rennie ang naranasan nila ni Keerthi ay isang magandang halimbawa kung paano higit na lumalaganap ang pagkaunawa sa kasal sa Simbahan. “Noong sumapi ako sa Simbahan, malaking bagay kung makapag-asawa ng kapwa miyembro,” wika niya. “At kung makapunta sila sa templo, mas malaking bagay pa iyon. Pero ngayon ay nauunawaan na namin kung paano makasal sa loob ng Simbahan. Tinitiyak namin na handa kami para sa templo. Ang templo ang susi.”

Ang Halimbawa ng Pangulo

Pumasok kayo sa apartment nina Venkat at Lynda Dunna ng Hyderabad Fourth Branch, at marami kayong makikitang palatandaan na nababaliw sa isa’t isa ang mga bagong kasal na ito. Nakadikit sa dingding ang isang birthday banner na ginawa ni Venkat para kay Lynda. May album ng mga larawan ng kasal nila sa ibabaw ng mesa malapit sa sopa. Habang nag-uusap sila, nakayakap si Venkat sa asawa, at nakakahawa ang napakadalas na pagngiti ni Lynda.

Inilarawan nila kung paano sila nagkakilala sa mga aktibidad ng Simbahan at kung gaano kasaya ang nanay ni Lynda nang maging magnobyo sila dahil sa simbahan niya nakilala si Venkat. Pero mayroong problema. May kuya si Venkat na binata pa, at sa India sinusunod pa ng ilan ang tradisyon na dapat maunang mag-asawa ang mas matatanda kaysa nakababatang mga kapatid. Ang kanyang mga magulang, na mabait sa Simbahan pero hindi mga miyembro nito, ay nagpapatayo rin ng bahay at ayaw na may ikasal hangga’t hindi natatapos ang bahay. “Ayaw humindi ng mga magulang ko, pero gusto nila kaming maghintay nang ilang buwan, isang taon siguro,” paggunita ni Venkat.

“Ang tumulong sa amin ay ang Espiritu,” pagpapatuloy niya. “Nahikayat akong sabihin sa lahat na kapwa kami nagtatrabaho ni Lynda, para makatulong kaming asikasuhin ang lahat pero mahalagang makasal sa lalong madaling panahon at mahalagang magsimula sa pamamagitan ng pagpunta sa templo. Palagi lang naming iniisip na, ‘Tutulungan tayo ng Panginoon,’ at tinulungan nga Niya kami.”

Nagbukas ang isang bagong Latter-day Saint chapel noong ikakasal na sila at doon nila idinaos ang handaan, at pagkatapos ay agad silang lumisan para mabuklod sa Hong Kong China Temple. “Pito kaming sama-samang naglakbay papunta sa templo,” sabi ni Lynda. “Sa araw ding iyon na nabuklod kami ni Venkat, kami ng aking ina, kapatid na babae, ay nabuklod sa aking pumanaw na ama. Talagang napakagandang araw niyon.”

Sabi ni Venkat, na ngayon ay naglilingkod bilang branch president, na isa sa kanyang mga pinakamarubdob na hangarin ay ang makakita ng templo sa India balang-araw. “Magiging napakalaking pagpapala niyan,” wika niya. “Makakatulong ito para maitatag ang Sion sa lugar namin.”

Ginabayang Pag-aasawa

Ang kuwento tungkol kina Barat at Ishla Powell ng Chennai Second Branch ay nagsimula talaga sa mga magulang ni Barat, sina Sathiadhas Powell at Suriya Kumari, na ikinasal noong 1981 at sumapi sa Simbahan noong 1991. Noong 1993 natawag si Sathiadhas bilang branch president. Pagkaraan ng maraming taon ng pag-iimpok at paghahanda at bago inilaan ang Hong Kong Temple, naglakbay sila patungong Manila Philippines Temple para mabuklod.

Habang lumalaki ang pamilya nila at nahihinog sa ebanghelyo, tinuruan nila ang dalawa nilang anak na lalaki tungkol sa kahalagahan ng pagpunta sa templo. (Ang bunsong anak nila ay kasalukuyang nasa misyon.) Tuwang-tuwa ang mga Powell dahil nang magkanobya ang panganay nilang si Barat, agad naging bahagi ng plano ang pagpapakasal sa templo. Si Ishla, ang kanyang nobya, ay bagong miyembro ng Simbahan. “Sa unang araw pa lang na nakilala ko ang mga misyonero, alam ko nang totoo ang ebanghelyo, at gustung-gusto ko ito,” sabi niya. Napalapit siya sa pamilya ng kasalukuyang branch president, ang mga Isaac, na ipinakilala ng mga Powell sa Simbahan.

Noong binyag niya, apat na buwan na lang ay tapos na si Barat sa kanyang misyon. “Panay ang sabi ng mga Isaac na siya ang tamang mapangasawa ko, pero ayaw ko pa sanang mag-asawa at gusto ko munang magmisyon,” sabi ni Ishla. Kahit sang-ayon ang branch president at mission president sa pagmimisyon niya, paliwanag ni Ishla, “Bigla at di-inaasahang lubusang nagbago ang isip ko. Gusto kong ipagdasal na makapag-asawa na ako.”

Pag-uwi ni Barat mula sa misyon, nagulat siya nang sabihin sa kanya ng ilang tao na bagay sila ni Ishla. Di nagtagal nagkakilala sila sandali sa kasal ng anak na babae ni President Isaac pero hindi sila gaanong nakapag-usap. Talagang pormal ang lipunang Indian tungkol sa pagkikilala ng mga lalaki’t babae, at kapwa gusto nina Barat at Ishla na kumilos nang nararapat.

Pagkaraan ng tatlong linggo nagdasal at nag-isip si Ishla kung ano ang gagawin, gayundin si Barat. “Ipinakita sa akin ng Panginoon sa napakaraming paraan na si Barat ang para sa akin,” sabi ni Ishla. “Pero kiming-kimi ako. Nagdasal ako, ‘Panginoon, kung ito po ang tama, ipakita po Ninyo sa akin kung paano ko siya makakausap.’”

Sabi ni Barat, “Nakausap ko na ang ilang tao tungkol sa kanya, at lahat sila ay puro mabuti ang sinasabi. Bigla kong naisip, ‘Kailangan ko siyang makausap ngayon din,’ pero hindi ko alam kung paano. Tinawagan ko ang kapatid na babae ni President Isaac at tinanong ko kung sa palagay niya ay okey lang na tumawag ako.”

Sabi ni Ishla, “Habang nagdarasal ako, tumawag ang kapatid na babae ng branch president at sinabi, ‘Gusto kang makausap ni Barat. Puwede ko bang ibigay sa kanya ang numero mo?’” Makaraan ang kalahating oras magkausap na sila. Sabi ni Barat, “Parang matagal na kaming magkakilala.”

Nalaman ni Ishla sa institute ang tungkol sa kasal sa templo at alam niya na hindi siya papayag na hindi gayon ang mangyari. Gayon din ang nadama ni Barat. Pero kailangan nilang mag-impok para makapunta sa templo, at ibig sabihin niyon maraming kaibigan at kapamilya, pati na ang ama’t ina ni Barat, ang walang sapat na pera para makasama sa kanila.

“Napakahabang proseso, at napakagastos magbiyahe, pero nagkasundo kaming lahat na dapat silang magpunta,” paggunita ni Sathiadhas. “Sinabi namin na magdiriwang kaming kasama nila sa legal na seremonya bago sila lumisan, at pinakiusapan namin silang kumuha ng maraming retrato matapos silang mabuklod. Pagkatapos ay magdiriwang kaming muli pagbalik nila.

“Itinuturo namin sa mga kabataan ang kahalagahan ng templo,” paliwanag ni Sathiadhas. “Hinihikayat namin ang lahat ng tao na magpunta sa templo, at nais naming magpunta rin doon ang aming mga anak.” Lalo raw siyang nasiyahan sa paggalang nina Barat at Ishla sa kanilang mga magulang, sa mga kaugalian ng kanilang mga tao, at sa sarili nilang kalayaan.

“Sa India may tinatawag ang mga tao na ‘mga pinagkasunduang kasal’ at ‘mga kasal ng nag-iibigan,’” sabi ni Barat. “Palagay namin ay nasa amin iyon pareho.” Katunayan, mas gustong tawagin nina Barat at Ishla ang kanilang kasal na “ginabayang pag-aasawa.” “Pinaglapit kami ng aming mga pamilya at kaibigan pero gayundin ng Espiritu,” wika niya. “Sana’y laging gabayan ng Espiritu ang aming pagsasama.”

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng Hong Kong China Temple na kuha ni Craig Dimond

Itaas: Nagbiyahe ang pamilya Prabhudas papuntang Hong Kong China Temple (kaliwa) upang mabuklod. Ito ang templong pinakamalapit sa India.

Itaas, mula kaliwa: Rejjie, Metilda, Keerthi, at Rennie Thomas. Ibaba: Nagagalak sina Rennie at Keerthi sa Sunday School linggu-linggo.

Itaas: Naaalala nina Venkat at Lynda Dunna na kasama sila sa grupo ng pito katao na nagpunta sa templo. Noong araw na nabuklod sila, nabuklod din si Lynda sa kanyang yumaong ama.

Kanan: Ang kuwento nina Barat at Ishla ay nagsimula sa mga magulang ni Barat (kabilang pahina). “Itinuturo namin sa mga kabataan ang kahalagahan ng templo,” paliwanag ng ama ni Barat na si Sathiadhas.