2010
Kaya Niyang Pahilumin ang Anumang Sugat
Hulyo 2010


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Kaya Niyang Pahilumin ang Anumang Sugat

Nagpasiya akong isapuso ang payong ibinigay sa akin at alamin kung ano talaga ang ibig sabihin ng manampalataya sa Tagapagligtas.

Nangyari ito noong Disyembre 16, 1991—sa ikawalong anibersaryo ng aming kasal. Sa araw na iyon ay namatay ang aming panganay na anak na lalaki dahil sa kapabayaan ng isang babysitter o tagapag-alaga. Dalawa’t kalahating buwan lamang siya noon.

Ang sumunod na mga buwan at taon ay nabalot ng kalungkutan, galit, pagkasiphayo, at kawalan ng pag-asa. Di mailarawan ang dinanas kong hirap ng kalooban. Walang salita o gawa na nakapagpalubag sa pait na aking nadama.

Nagbasa ako ng maraming aklat at mga banal na kasulatan, ngunit wala ni isang nagbigay-kasiyahan sa hinihingi kong mga kasagutan. 

Nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na makahingi ng payo kay Elder James E. Faust (1920–2007), na noon ay nasa Korum ng Labindalawang Apostol, dahil kaibigan siya ng aking mga magulang. (Nakilala niya ang aking ina, si Flavia, at ang kanyang pamilya noong nagmisyon siya sa Brazil.) Tiyak kong mabibigyan ako ng kapanatagan ni Elder Faust.

Marami akong itinanong habang buong pagtitiyaga siyang nakinig. Sumang-ayon si Elder Faust na ang naranasan ko ay talagang napakasakit at napakahirap. Nagbanggit siya ng ilang talata ng banal na kasulatan at nagsabing kailangan kong gumawa sa kabila ng aking pagdadalamhati at lubusang magpailalim sa kalooban ng Panginoon upang muli kong makasama ang aking anak. Sabi niya, “Sylvia, tungkol na ito sa iyo ngayon. Alam kong nag-aalala ka sa iyong anak, ngunit ang totoo, dapat kang mag-alala sa sarili mo at kung paano ka babangon muli. Hindi madali, pero mapapahilom mo ang sugat sa puso mo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” 

Pagkatapos ay binigyan niya ako ng basbas na maunawaan ko sana ang mahalagang papel na ginampanan ni Jesucristo sa ating buhay at hayaang Siya ang pagmulan ng lakas na kailangan ko.

Umalis akong lungkot na lungkot pa rin; parang napakasimple ng kanyang payo ngunit mahirap kamtin. Nawalan na rin ng pag-asa ang aking ina dahil parang wala namang naitutulong ang sinasabi niya. Naaalala kong sinabi niya, “Manalig ka naman sana at umasa sa ating Tagapagligtas, at hayaan mong humilom ang iyong mga sugat sa paglipas ng panahon.”

Sa sarili kong paghahanap muli ng kaligayahan, nagpasiya akong isapuso ang payong ibinigay sa akin at alamin kung ano talaga ang ibig sabihin ng manampalataya sa Tagapagligtas. Hindi kaagad nagbago ang mga bagay-bagay. Ngunit sa paglipas ng mga araw at mga taon, sa tulong ng panalangin at ng lumalagong patotoo, nalaman ko nang walang pag-aalinlangan na kayang pagalingin ng Tagapagligtas ang ating mga sugat. 

Natanto ko na hindi lahat ay nagkakaroon ng pagkakataong makausap ang isang Apostol, tulad ng nagawa ko. Ngunit makakaya—at magagawa—ng bawat isa na magkaroon ng pagkakataong makilala ang Tagapagligtas at idulog sa Kanya ang kani-kanyang mga pasanin. At oo, mapapawi ng presensya ni Jesucristo sa ating buhay ang anumang pasakit o pait.

Alam ko na ang presensya ng Panginoon sa ating buhay ay makapagdudulot ng kagalakan. Siya ang ating kaibigan, ating guro, at halimbawa ng pagtitiis hanggang sa wakas. Talagang tiniis Niya ang lahat ng bagay, at alam Niya ang ating pagdurusa (tingnan sa Alma 7:11–12). Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang naghatid ng himala ng pagdurugtong ng hiwa-hiwalay na mga piraso sa ating buhay bilang paghahanda sa susunod na buhay.

Pasasalamatan ko sa tuwina ang mga salita ni Elder Faust at ng aking ina. Tinulungan nila akong matanto na anuman ang hirap na dinaranas natin, si Jesucristo ang palaging pagmumulan ng suporta at pag-asa.

Kaliwa: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.