2010
Pagkakaroon ng Kaalaman
Hulyo 2010


Paano Ko Nalaman

Pagkakaroon ng Kaalaman

Nang malaman ko ang mga doktrina ng ebanghelyo, hindi nagbago ang mahirap kong kalagayan, ngunit mas masaya na ako.

Noong ako’y 14 na taong gulang, may ilang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw na dumating sa aming tahanan at tinuruan kami ni Inay. Di nagtagal inanyayahan nila kaming magpabinyag. Tumanggi ang nanay ko, pero pumayag naman ako. Sa pagbabalik-tanaw, di ko alam na nagbalik-loob pala ako. Akala ko, tulad ng maraming tinedyer, naghahanap lang ako noon ng kakaibang bagay na magagawa.

Nang sumunod na taon mag-isa lang akong nagsimba. Hindi ko naman talaga nadamang nababagay ako roon, at hindi ko naintindihan ang karamihan sa mga itinuro. Pero aktibo ako noon. Nang sumunod na taon natira ako malayo sa aming tahanan at nag-aral sa isang hayskul na pag-aari ng Simbahan sa Mexico City. Bagamat nagustuhan ko ang hayskul sa unang pagpunta ko at nagsikap na mabuti para matanggap ako sa paaralan (at makumbinsi ang mga magulang ko na payagan akong mag-aral doon), kaagad kong natuklasan na hindi madali ang mapag-isa. Wala pa rin akong patotoo noon. Hindi ko talaga nauunawaan kung sino si Joseph Smith o ano ang itinuturo ng Aklat ni Mormon. Higit sa lahat hindi ko nadamang nababagay ako roon.

Siyempre, hindi ko sinabi sa mga magulang ko. Matagal ko silang kinumbinsing payagan akong mag-aral sa eskuwelahang ito. Paano ko aaminin na baka hindi ito talaga ang lugar para sa akin? Dahil sa hiya ko, tahimik na lang akong nagdusa.

Lumala pa ang mahirap na situwasyon ko nang matanggap ko ang balitang magdidiborsiyo ang mga magulang ko. Dama kong parang winawasak ang buong mundo ko.

Sa puntong iyon ako kinausap nang sarilinan ng aking bishop at kinumusta ako. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng kabiguan ko at pagdadalamhati. “Parang wala na po akong nalalaman,” sabi ko.

Sinimulang ituro sa akin ng butihing bishop ang tungkol sa ebanghelyo. Nagsimula kami sa kung paano tunay na makikipag-usap sa Ama sa Langit. Kalaunan pinag-usapan namin ang tungkol sa Pagbabayad-sala. Itinuro niya sa akin ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at sa kauna-unahang pagkakataon, nadama kong may patotoo ako. Natuwa ako na may makakapitan ako sa di-matatag na panahong iyon. Kahit dama kong wala akong magawa para tulungan ang pamilya ko, nakadama ako ng kaligayahan sa pagiging malapit sa Ama sa Langit. Nalaman kong kilala Niya ako, at dahil doon ay nagbago ang lahat.

Siguro karaniwan sa mga bagong miyembro ng Simbahan na madama ang nadama kong hindi ako nababagay. Natutuhan ko na hindi mahalaga kung hindi mo maunawaan kaagad ang lahat sa ebanghelyo. Ang tunay na mahalaga ay nauunawaan mo ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit at na may layunin at plano Siya para sa iyong buhay. Tunay na mahalaga na nauunawaan mong nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa iyong mga kasalanan at ganap ka Niyang nauunawaan, kahit hindi ka nauunawaan ng iba. Nang malaman ko ang mga doktrinang ito, naging maayos ang lahat.

Salamat sa pagmamahal at matiyagang pagtuturo ng aking bishop, ang panahon ko sa hayskul ay naging positibong panahon sa aking buhay. Binago ng pag-aaral sa eskuwelahan ng Simbahan ang aking pananaw sa kung sino ako at ano ang maaaring maging buhay ko. Nang makatapos ako sa pag-aaral, namalagi ako sa Mexico City. Ang unang-unang ginawa ko nang may mahanap na akong matutuluyan ay hanapin ang ward sa lugar na iyon para palagi akong may kanlungan, isang lugar kung saan uunlad ako sa ebanghelyo.

Di naglaon pagkatapos niyon, nagmisyon ako sa Temple Square sa Salt Lake City. Nakadama ako ng malaking kagalakan sa pagbabahagi sa iba ng mga katotohanang nagbigay sa akin ng matibay na pundasyon sa disin sana’y napakagulong buhay.

Nagpapasalamat ako na miyembro ako ng Simbahan. Alam kong alam ng Ama sa Langit ang tungkol sa bawat isa sa atin at may plano Siya para sa ating buhay. Napakalaking pagpapala ang mamasdan na inihahayag Niya ang Kanyang plano para sa akin.

Retrato sa kagandahang-loob ni Sonia Padilla-Romero; detalye mula sa Ang Ikalawang Pagparito, ni Grant Romney Clawson